Wednesday, November 27, 2024

Lugaw

LUGAW

nakasanayan ko nang kumain ng lugaw
na pagkain ng pasyente sa pagamutan
na pag ayaw ni misis at ako ang bantay
lugaw yaong siya ko namang lalantakan

kay misis ay may pagkaing para sa kanya
habang ako'y sa labas bibiling pagkain
sa ospital naman ay mayroong kantina
na sa araw-gabi, ako'y doon kakain

sa kanyang tiyan si misis muna'y alalay
dahil kasi baka mabigla ang sikmura
sistema'y warfarin o pagkaing ospital
na pag di naubos sa akin ibibigay

sanay na akong maglugaw na dati'y hindi
upang di masayang ang pagkaing narito
buti't ang tiyan ko'y di naman humahapdi
naglulugaw man, nabubusog ding totoo

- gregoriovbituinjr.
11.27.2024

Monday, November 25, 2024

No right turn, di agad makita

NO RIGHT TURN, DI AGAD MAKITA

natatakpan ng haligi ang karatula
"no right turn on red signal", di agad makita
buti kung ang drayber ay mabilis ang mata
sa kanan ay di agad liliko talaga

wala bang ginawa ang mga awtoridad
upang karatula'y iwasto at ilantad
habang trapik ay patuloy na umuusad
paumanhin kung ito'y napuna't nilahad

habang napadaan sa isang interseksyon
ay nakunan ko lamang ng litrato iyon
paglabas ng ospital nang madaan doon
ngunit di ko na tanda ang lugar na iyon

ang nasabing karatula sana'y ayusin
ipwesto ng tama kung saan mapapansin

- gregoriovbituinjr.
11.25.2024

* litrato ng makatang gala sa isang intersekyong di niya kabisado

Tabletas

TABLETAS

kailangan ng tabletas
na ipainom kay misis
sa noo ko'y mababakas
ang kanyang ipinagtiis

alas-sais ng umaga
tabletas na'y iinumin
pagkatanghali'y meron pa
hapon hanggang takipsilim

tuloy ang pangangalaga
kahit na kulang ang tulog
mahalaga'y may magawa
nang si misis ay lumusog

sana'y bumuti ang lagay
at lumakas siyang tunay

- gregoriovbituinjr.
11.25.2024

Sunday, November 24, 2024

Nilay

NILAY

nais kong mamatay na lumalaban
kaysa mamatay lang na mukhang ewan
ang mga di matiyaga sa laban
ay tiyak na walang patutunguhan

minsan, pakiramdam ko'y walang silbi
sa masa pag nag-aabsent sa rali
tila baga ako'y di mapakali
kung kikilos lang para sa sarili

ngunit ngayon ako'y natitigagal
pagkat sa rali ay di nagtatagal
pagkat nagbabantay pa sa ospital
dahil may sakit pa ang minamahal

siya muna ang aking uunahin
at titiyaking mainit ang kanin
mamahali't aalagaan pa rin
sana siya'y tuluyan nang gumaling

- gregoriovbituinjr.
11.24.2024

Saturday, November 23, 2024

Dapat nang kumayod

DAPAT NANG KUMAYOD

kumayod, magtrabaho't maging sahurang alipin
mga solusyon sa problema'y dapat hagilapin

ang buhay ko'y balintuna, aktibista, makata
kaysipag tumula gayong walang pera sa tula

sa masa'y kumikilos kahit na walang panustos
walang pribadong pag-aari, buhay ay hikahos

ang ginagawa'y Taliba, tumula't magsalaysay
kumatha ng mga kwento't pagbaka'y sinabuhay

ngunit ngayon, nahaharap sa problemang pinansyal
mga ipon ay di sapat pambayad sa ospital

naging tao nang nananalasa'y kapitalismo
kumilos upang lipunan ay maging makatao

subalit dapat kumayod, paano magkapera
ng malaki't may ipon para sa emerhensiya

hindi upang yumaman, kundi may ipampagamot
kalusugan ay lumusog, at mapatay ang salot

subalit sinong tatanggap sa akin sa pabrika?
maitatago ko ba ang pagiging aktibista?

maglako o magtinda ng gulay o kaya'y taho
upang makaipon lang, aba'y di iyon malayo

- gregoriovbituinjr.
11.23.2024

Sa ika-32 araw sa ospital

SA IKA-32 ARAW SA OSPITAL

di pa kami nakalabas dito sa pagamutan
walang pambayad, naghahagilap pa ng salapi
ngunit hemoglobin ni misis ay kaybaba naman
kaya tuloy ang gamutan, isa iyon sa sanhi

mahal magkasakit, ah, kaymahal ding maospital
mga naipong salapi'y ginastos nang tuluyan
ako na'y ligalig, parang hangal, natitigagal
kung anong gagawin ng isang tibak na Spartan

na nagdurusa sa ilalim ng kapitalismo
kaya tumpak lang baguhin ang bulok na sistema
ngayon nga'y sinaliksik at binabasa-basa ko
yaong akda kina Norman Bethune at Che Guevara

anemik, kaybaba ng dugo, paano paglabas
ang hemoglobin niya'y paano magiging normal
imbes dose ay siyete, paano itataas
upang paglabas sa ospital, siya'y makatagal

isa itong panahong punong-puno ng pasakit
at palaisipang dapat lapatan ng solusyon
ako'y sadyang naliligalig na't namimilipit
parating na ba ako sa kalagayang depresyon

- gregoriovbituinjr.
11.23.2024

* mapapanood ang bisyo sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/2255564971492605 

Friday, November 22, 2024

Warfarin

WARFARIN

tila mula sa warfare ang warfarin
at kasintunog naman ng 'war pa rin'
ngunit ito'y sistema ng pagkain
sa ospital anong wastong kainin

lalo kay misis, sakit ay kaiba
na may namuong dugo sa bituka
na doktor ay nabahala talaga
kaya kaagad siyang inopera

walang kain ng isang linggong higit
hanggang unti-unti kumaing pilit
di tulad ng kinakaing malimit
binigay sa kanya'y warfarin diet

pwede lugaw, walang kanin at manok
no dark colored, malambot ang malunok
may paliwanag bawat tray na alok
dapat maunawa, ito'y maarok

warfarin, sa bituka yaong digma
upang pagalingin ito ng sadya
sa pagkain sistema'y tinatama
unti-unti, sakit ay mapahupa

- gregoriovbituinjr.
11.22.2024

Lugaw

LUGAW nakasanayan ko nang kumain ng lugaw na pagkain ng pasyente sa pagamutan na pag ayaw ni misis at ako ang bantay lugaw yaong siya ko nam...