Huwebes, Setyembre 3, 2026

Bahâ

BAHÂ

Sanay na nga ba tayo sa bahâ
kaya wala tayong ginagawâ?
Sanhi rin iyang trapong kuhilâ
na dinistrungka'y kaban ng bansâ.

Sa baha, huwag tayong masanay!
Pagsingil ay gawin nating pakay.
Alalahaning bahay at buhay
ang ipinagtatanggol nating tunay!

Ginawang proyekto'y paliparan
ngunit ang nangyari'y palubugan.
Nilubog sa baha ang lansangan
pati na aming mga tahanan!

Singilin natin lahat ng sangkot
sa isyung flood control na'y managot!
Tiyakin nating may malalagot
at dito'y walang makalulusot!

Mga lingkodbayang palamunin
ng manggagawa'y dapat alisin!
Lahat ng maysala'y panagutin
at mga nagrarali ay dinggin!

- gregoriovbituinjr.
09.03.2026

* litrato mula sa google

Miyerkules, Setyembre 2, 2026

Talarô

TALARÔ

sabi ng aking kalarô
mayroon silang talarô

isang timbangan daw iyon
noon pang unang panahon

kung gayon, bukod sa salop
may gamit ang nagdarahop

kung paano titimbangin
ang kanilang nais bilhin

kahulugan din ay Libra
na isang konstelasyon pa

ito'y dagdag kaalamang
magagamit sa kwentuhan

lalo sa ating pagtulâ
na pag binigkas: maragsâ

- gregoriovbituinjr.
09.02.2026

* litrato mula sa Diksiyonaryong Adarna, p. 892

Martes, Setyembre 1, 2026

Sa sama-samang pagkilos

SA SAMA-SAMANG PAGKILOS

pinaniwala
tayo sa isang
tagapagligtas

imbes na tayo'y
sa sama-samang
kilos umasa

ganyan ang diwa
ng isang Batman
o ng Superman

paniwala ko'y 
walang bayani
tulad ni Darna

kundi ang bida
ay taumbayan,
ang sambayanan

sa Unang Alsa
ng mamamayan
doon sa Edsa

sa sama-samang
kilos ng masa
nagawa nila

ang mapatalsik
ang diktadura!
kaya ng masa!

isang aral na
ating patnubay
tungong tagumpay

dagdag ko lamang
uring obrero
at magsasaka

kung sama-sama
silang kikilos
ang magbabago

nitong sistemang
mapang-api na'y
bulok pa't bugok

- gregoriovbituinjr.
09.01.2026

Sesura sa tulang lalabindalawahin

SESURA SA TULANG LALABINDALAWAHIN

ang sesura / ay Espanyol / sa paghati
sa taludtod / sa pagtulang / binahagi

isang saglit / na paghinto / sa pagbasa
kapag tula'y / binibigkas / nitong masa

at sa tulang / labindal'wa / ang pantigan
may sesura / sa pang-apat / o anim man

sa Florante / ng makatang / si Balagtas
labindal'wa / ang pantigan / pag namalas

anim-anim / ang sesurang / naroroon
mula unang / saknong hanggang / huling saknong

isang katha itong / aking halimbawa
ang sesura rito'y / mali, di lang wala:

isang kawatan ang / nagnakaw ng halik
dalaga'y hinagkan / niyang patiwarik

- gregoriovbituinjr.
09.01.2026

Kahapon pa-Malolos

KAHAPON PA-MALOLOS
‎pasya kong sa rali ay dumalo
‎at di basta matulog lang ako
‎sa bahay, naglakbay nang totoo
‎nang nasa loob, ipahayag ko
‎alas-kwatro, matapos magbanlaw
‎lakad hanggang Edsa nang maginaw
‎sa bus carousel agad sumakay
‎sa Trinoma, P2P'y hinintay
‎alas-sais nang dumating ang bus
‎naglakbay, narating ang Malolos
‎baha roon, ako'y pumanaog
‎sa pagkilos ay sadyang marubdob
‎at iniwasan namin ang baha
‎nang maglakad kasama ang madla
‎ang galit nila'y mahahalata
‎sa programa ako'y nagsalita
‎ikako'y mayroong paliparan
‎ngunit nangyayari'y palubugan
‎lubog sa baha ang mamamayan
‎galit ang mga taga-Bulacan
‎kailan titigil ang korapsyon?
dahilan pa'y yaong reklamasyon!
‎sa mga nagtipon-tipon doon
suma‎saludo ako, padayon!
‎- gregoriovbituinjr.
‎09.01.2026

Inuna'y tula kaysa kumain

INUNA'Y TULÂ KAYSA KUMAIN
‎madalas ganito ang gawain
‎kaya ramdam ko'y halos gutumin
‎una'y pagtula kaysa kumain
‎inuna'y tula kaysa pagkain
‎paggising, pagbalikwas, ganito
‎babangon, susulat agad ako
‎nasa ulo'y itipang totoo
‎para bang naging bisyo na ito
‎kung si misis ay di pa nawalâ 
‎tiyak ako'y sasabihang sadyâ:
‎"kumain muna bago tumulâ
‎magpalakas kaysa matulalâ"
‎sa panahon ay kulang talaga
‎kaya nasa diwa'y isulat na
‎salamat sa payò, aking sinta
‎na hanggang ngayon ay tanda ko pa

naku, di pa ako nag-agahan
at ngayon na'y manananghalian
baka mangyari'y mag-altanghapan:
almusal, tanghalian, hapunan
‎- gregoriovbituinjr.
‎09.01.2026

Linggo, Agosto 30, 2026

Ano ba ang MU?

‎ANO BA ANG M.U.?
‎Ano ba ang MU? Malagong Ubasan?
‎Matinding Upakan? Madugo't Ubusan?
‎Mabilis Utuin? ‎Madaling Utakan?
‎Makislap ang Ulo? Malaki ang Unan?
‎Mabuti't Umubra? Mahirap Umamo?
‎Makibaka'y Una? Makaiskor: Uno?
Madalas Umulit? Masasal ang Ubo?
Masiglang Umupo? Mag-Utos sa iyo?
‎O nasa Manila University ka,
‎O ito'y Malabon University ba?
‎O kaya'y Makati University na!
Ang matindi rito'y may Miss Universe pa!

‎Bakit kailangan ang makipag-MU?
‎Makikipag-Ugnay sa ano bang isyu?
‎Mutual Understanding, sabi ng biyudo.
Matinong Usapan? Aba'y Maki-Uso!

- gregoriovbituinjr.
08.30.2026

Bahâ

BAHÂ Sanay na nga ba tayo sa bahâ kaya wala tayong ginagawâ? Sanhi rin iyang trapong kuhilâ na dinistrungka'y kaban ng bansâ. Sa baha, h...