Wednesday, March 31, 2010

Pasyon ng Manggagawa't Maralita

PASYON NG MANGGAGAWA’T MARALITA
ni greg bituin jr.
8 pantig bawat taludtod

(ito'y binasa sa Pasyon ng Manggagawa't Maralita sa Welcome Rotunda, Marso 31, 2010)

ang gumagawa ng yaman
laging pinahihirapan
ng naghaharing iilan
namumuno sa lipunan
ay pawang mga gahaman

lagi nang nasa kalbaryo
ang buhay nitong obrero
kayod doon, kayod dito
kaybaba pa rin ng sweldo
sadyang hirap silang todo

ngayon, sa ating lipunan
kapitalista'y gahaman
sa salapi at puhunan
kanila ang pakinabang
sa obrero'y laging kulang

sa mga kapitalista
pawang tubo itong una
walang pakialam sila
sa mga obrero nila
kahit na ito'y magdusa

ang uring kapitalista
ay talagang walang kwenta
sariling interes nila
ang palaging nangunguna
sadyang kaysisiba nila

ang kawawang manggagawa
kanilang lakas-paggawa
di mabayaran ng tama
pulos sila dusa't luha
manggagawa silang dukha

kontraktwalisasyon, salot
ang kapitalista'y salot
sila nama'y isang dakot
ngunit sila ang kilabot
halina at makisangkot

mga ganid ay ibagsak
na sa tubo'y tambak-tambak
at pagapangin sa lusak
ang kapitalistang tunggak
silang pawang mapanghamak

magkaisa, manggagawa
saanmang sulok ng bansa
sa inyo ang mawawala
ay ang pagkatanikala
ng inyong lakas-paggawa

magkaisa na, obrero
itayo ang sosyalismo
na sadyang lipunan ninyo
sistemang kapitalismo
ay palitan nang totoo

Lugaw

LUGAW nakasanayan ko nang kumain ng lugaw na pagkain ng pasyente sa pagamutan na pag ayaw ni misis at ako ang bantay lugaw yaong siya ko nam...