Tula ng Kahirapan
kathanimona
Sinulat ni Mona, dating manggagawa ng Temic na ngayon ay nasa New York na
Kaming mga dukha
Sa baryo Binagoongan
Galunggong, kangkong
Tanghalian, hapunan
Pagkaing karne
Tanging pangmayaman
Almusal ay pandesal
Mantikilyang palaman
Pamutat ay saging
Bukayo paminsan
Walang reklamo
Makaraos lamang
Ngayon ang dukha
Sa aking bayan
Kahit tuyo, isda
Di makapag ulam
Sagad sa kahirapan
Gumagawa ng paraan
Basura kinakain
Malamnan lang
Ang tiyan
Kay sakit isipin
Ang yaman ng bansa
Di pakinabangan
Ng maralita
Anong ginagawa
Inutil na pamahalaan
Korapsiyon ,mag umit
Sa kaban ng bayan
Meron bang konsiyensiya
Sa mundo ng burgesya
Silang naghahari
Bulok na burukrasya
Nakita ko si ineng
Pumasok sa iskwela
Butas ang tsinelas
Tagpian ang palda
Lapis niya ay pudpod
Kuwaderno ay kulang
Sikmurang mahapdi
Masakit kumakalam
Walang pamasahe
Utak nagugulumihan
Sustansiya ay salat
Pag aaral ay nabalam
Musmos na mukha
Nagkalat sa lansangan
Nanghihingi ng limos
Damit ay basahan
Ano na ang mangyayari
Sa anak ng bayan
Nalimutang tao
Na may pangangailangan
Sila ay biktima
Gobyernong mapanlinlang
Tanging adhikain
Sarili mapayaman
Sa dulo ng tulay
Mayroon hangganan
Di maglalaot
Maaalsa,lalaban
Silang nagugutom
Daigdig ang pasan
Pulang rebolusyon
Maglilibing sa gahaman