TAYO ANG 99.999%
ni Greg Bituin Jr.
Simboliko ang katawagang 99%. Tumutukoy ito sa mga mayorya ng naghihirap na mamamayan sa buong mundo. Sila ang pinahihirapan ng 1% ng bilyonaryo at milyonaryo sa daigdig.
Ayon sa United Nations, umabot na sa 7 Bilyon ang tao sa buong mundo. Ang 99% ng 7B ay 6,930,000,000, at ang 1% ay 70,000,000. Ibig sabihin, 70 Milyon ang mayayamang kumokontrol sa buong mundo. Napakalaki ng bilang nila, 70M. Baka nga mas maliit pa ang bilang nito dahil sa kanilang kumpetisyon ay tiyak nagkakainan sila. Marahil 0.01% o 700,000 lang sila, at tayo naman ay nasa 99.99% o 6,999,300,000. O kaya sila'y 0.001% o 70,000 milyonaryo sa buong mundo, at tayo naman ay 99.999% = 6,999,930,000.
Gayunpaman, dahil ipinanawagan na sa buong mundo ang 99%, na hindi naman ito round-off, ito na rin ang tinanggap natin, dahil mas madaling maunawaan ng simpleng masa. Naghihirap ang 99%. Ang damuhong 1% ang dahilan ng patuloy na kahirapan at pagdurusa ng sambayanan.
Dito sa Pilipinas, sa populasyon nating 94 Milyon, tayong nasa 99% ay bumibilang ng 93,060,000, habang silang 1% ay 940,000 milyonaryo lamang, o marahil ay napakababa pa ng bilang nito. Marahil sila'y 0.001% o 940 lamang, habang tayo'y 99.999% o 93,999,060 katao. Ang bilang ng bilyonaryo'y tiyak na mabibilang sa daliri.
Ngunit sa ating kabilang sa 99%, ilan dito ang organisado? Wala pa bang 1% ng 99%, o 930,600? May 1,500 na unyon na nakatala sa DOLE, kung saan nasa 8 milyon ang organisado. Pero ang may CBA lamang ay nasa 200,000 indibidwal. Ibig sabihin 8.5% lamang manggagawa ang organisado, ngunit 0.2% lamang ang may CBA.
Nakararami ang mga mahihirap sa bansa. Nariyan ang nasa sektor ng maralita, magsasaka, mangingisda, at iba pa. Kaunti na lang ang mga regular na manggagawa, at karamihan ay mga kontraktwal na. Dapat silang maorganisa bilang kasama sa 99% upang baguhin ang kalagayang ang kumokontrol lamang sa buhay ng mayorya sa Pilipinas ay ang 1%. Isama na rin natin dito ang ispesyal na sektor ng kababaihan at kabataan upang mas tumaginting ang tinig ng protesta laban sa mga naghaharing uri.
Kabilang sa nasa 1% ang mga nakaupo sa kongreso at senado, mga nasa ekekutibo at hudikatura, mga malalaking negosyante, anupa't nakapwesto sila sa matataas na posisyon sa pamahalaan at mayhawak ng malalaking negosyo sa bansa. Sila ang mga bilyonaryo't milyonaryong dahilan ng kahirapan ng higit na nakararami. Sila ang may-ari ng mga pabrika, makina, at malalawak na lupain, na kahit yata dagat at hangin ay gusto ring ariin at pagtubuan. Sila ang gumagawa ng batas, na dapat sana'y para sa lahat ng mamamayan, ngunit laging pabor sa kanilang uri. Sila ang nagpauso ng salot na kontraktwalisasyon na pahirap sa manggagawa. Sila ang madalas magpademolis ng bahay ng maralita. Sila ang mga kapitalistang mahilig magpunta sa simbahan, magdasal, at laging nagbibigay ng malaking donasyon sa simbahan, ngunit hindi maitaas ang sahod ng kanilang manggagawa. Silang 1% ang dahilan ng malaking agwat ng mahirap at mayaman.
Sa buong mundo, ang 1% ang kumokontrol sa ekonomya ng daigdig. Sila ang nagsasagawa ng polisiya sa World Bank, International Monetary Fund, World Trade Organization, at iba pang mga financial institution. Sila ang nagpapautang sa maraming mahihirap na bansa, ngunit may malaking interes, na dahilan upang lalo pang maghirap ang mga mahihirap.
Silang mga nasa 1% ang pahirap sa bayan, pahirap sa buong mundo. Hangga't pag-aari nila ang malalawak na lupain, makina't pabrika, paiikutin lang nila tayo sa kanilang mga maninipis na palad, habang ang mga manggagawa't iba pang aping sektor ng lipunan ay pulos lipak at kalyo na ang palad ngunit nananatiling mahirap. Silang mga nasa 1% ang dapat nating patalsikin.
Tayong nasa 99% ay dapat maorganisa sa adhikaing baguhin ang lipunang ito tungo sa pagtatayo ng isang lipunang makatao kung saan wala nang 1% na nagpapahirap sa sambayanan. Dapat tayo na'y maging 100% na nakakakain ng sapat sa bawat araw, at nakakamtan ang ating mga batayang karapatan, kabilang na ang karapatan sa paninirahan, trabaho, kalusugan, edukasyon, at iba pa.
Ngunit hindi natin ito makakamtan kung hindi tayo kikilos. Kung hindi tayo, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan pa? Halina’t mag-organisa! Baguhin ang sistema!