Thursday, April 29, 2021

Kwento: Ayuda


AYUDA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr. 

Panahon iyon ng pandemya. Hindi makalabas ang mga tao. Kaya ang magkakapitbahay sa isang looban ay doon lang nagkakakwentuhan. Bawal lumabas ng looban, maliban sa mga tagabili ng makakain. Kung may pambili, o kung kukuha ng ayuda.

"Grabe na ang nangyayaring ito sa atin, ano? Aba’y hindi na tayo makapagtrabaho." Angal ni Mang Inggo. "Kailan ba tayo magkakaayuda? O sasagpangin na naman ng mga pulitiko ang mga ayudang para sa tao? O pipiliin lang ang kakampi nila’t ipamimigay lang ang ayuda sa tao nila?"

Napatingin si Mang Kulas, at agad nagpaliwanag. "Alam mo, pare, ayon sa right to good o karapatan sa pagkain, may dalawang dahilan lang daw upang mamigay ng pagkain ang pamahalaan sa kanyang mga mamamayan - pag may digmaan o pag may kalamidad. At ang pandemya ay nasa kategorya ng kalamidad, kaya dapat lang mamigay ng ayuda ang pamahalaan sa mamamayang di makalabas dahil sa lockdown."

Ipinaliwanag naman ni Mang Kulot, na isang manggagawang talaga namang palabasa, "Alam n'yo, ayon sa World Health Organization o WHO noon pang 2010, na pag sinabing pandemya, ito ang pandaigdigang paglaganap ng isang bagong sakit. Sa nakaraang sandaang taon, tatlong pandemya na ang nagdulot ng pinakamataas na bilang ng mga namatay. Nariyan ang Spanish Flu noong 1918-1920. Nasa tantiya'y 500 milyon katao ang nagkasakit nito at mga 50 milyon naman ang namatay. Ang tinaguriang H1N1 na virus ang dahilan ng pandemyang ito. Nariyan din ang AIDS o Acquired Immunodeficiency Syndrome mula pa 1981 hanggang sa kasalukuyan. Ang HIV o human immunodeficiency virus ang dahilan ng AIDS. Mula noong 1981, tantiyang nasa 35 milyon na ang namatay sa AIDS.”

"Grabe pala, ano?" Sabi ni Mang Igme.

Nagpatuloy si Mang Kulot, "Nariyan din ang Asian Flu mula 1956 hanggang 1958 kung saan dalawang milyon ang tinatantyang namatay. Nagmula naman ito sa H2N2 na virus. At ngayon nga ay itong COVID-19."

"Ang tanong, nakatanggap na ba kayo ng ayuda?" sabat ni Inggo. “Ika nga ni Kulas, karapatan natin ang magkaayuda lalo na’t nasa ganito tayong kalagayan. Lockdown, hindi makalabas, hindi makapagtrabaho, hindi makadiskarte, gutom ang pamilya.”

Balik na tanong ni Mang Pekto, “Nakalista ba kayo sa barangay?”

“Iyon lang. Di lang natin alam kung nakalista tayo sa barangay. Lalo na't hindi ko ibinoto ang mga nakaupo ngayon diyan.” Ani Igme. “Aba’y pulitika pa rin yata kahit sa ayuda, kahit nagugutom na ang pamilya ng masa. Hay, naku!”

Maya-maya’t may kumatok sa looban. Trabahador sa barangay. May ayuda raw. Kung sino daw ang nakalistang kukuha sa barangay ang siyang kukuha ng ayuda dahil bawal daw ang siksikan doon. Ibinilin pang magsuot ng facemask, face shueld, at mag-social distancing.

“Iyan na nga ba ang sinasabi ko.” Agad na himutok ni Igme.

“Papuntahin na natin si Kulas, siya naman ang itinalaga nating kukuha ng anumang ayuda. At pag nakuha na niya, e di, hatiin natin.” Ani Inggo.

“Bakit hindi nila ibahay-bahay, upang makakuha talaga ang bawat pamilya? Kahit na yaong hindi bumoto sa kanila? Baka pag nalamang di tayo bumoto sa kanila ay di nila tayo bigyan nhg ayuda?” Si Igme uli.

“Bakit? Ipapaalam mo ba? Saka ka na maghimutok, puntahan ko muna.” Ani Mang Kulas, “May limang pamilya tayo rito sa looban. Ako lang ang pupunta dahil kada looban ay isang kukuha. Dapat nga bawat pamilya, may kinatawan. Sige, puntahan ko muna.” Ikasiyam pa lang iyon ng umaga, at tumungo na si Kulas sa barangay.

Hindi naman talaga mahaba ang pila sa barangay, subalit dahil sa social distancing na isang metro sa bawat nakapila roon, nagmukhang mahaba ang pila.

Dumating si Mang Kulas nang mag-aalas-dose na ng tanghali. Tamang-tama sa pananghalian, may dala siyang limang kilong bigas, isang dosenang delata, asukal, kape, at noodles.

Bati agad ni Inggo, “Aba’y para pala tayong nasunugan sa klase ng ayudang bigay nila. Akala ko pera ang bigay nila. Pangkalamidad pala talaga. Pero mabuti na rin iyan, kaysa wala.”

“Paano magkakasya iyan kung paghahatian nating lima, e, limang pamilya tayo rito.” Ani Igme.

Sumagot si Mang Kulas, “Pumila rin kayo roon, may pangalan pala kayo roon. Pangpamilya ko lang ang ibinigay sa akin.” Kaya nagkatinginan sina Igme, Kulot, Pekto at Inggo. Tila nagpapatotoo sa kasabihang marami ang namamatay sa akala.

“Nakupo, sana pala, naipaliwanag sa atin nang maaga iyan para nakapila rin tayo ng maaga. Paano, aba’y punta na tayo sa barangay, at baka magkaubusan ay wala tayong mapala.” Ani Igme.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 16-30, 2021, pahina 17-18.

Friday, April 9, 2021

Kwento: Ang umano'y kantyaw ng unggoy




ANG UMANO’Y KANTYAW NG UNGGOY
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napagkwentuhan ng mga manggagawa kung ano ang sinasabing kantyaw ng unggoy sa kanilang pagtalakay sa ARAK o Aralin sa Kahirapan. Isa iyong aklat na may ilang kabanata na inakda ni Ka Popoy Lagman, dating pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Ayon kay Ka Igme, ang tagapagpadaloy ng talakayan, "Alam n'yo, mga kasama, pag inaral natin ang kasaysayan ng sandaigdigan, hindi man umunlad ang mga unggoy sa gubat matapos ang daang milyong taon ng pag-iral, wala naman maituturing na "mayaman" at "mahirap" na mga unggoy. Pare-parehas lang sila sa kanilang katayuan sa gubat. Habang sa ating lipunan, hindi masasabing pare-parehas ang katayuan ng tao. May "mayamang" tao at "mahirap" na tao. Kung "humirap" man ang buhay ng mga unggoy sa kagubatan, kung nasa bingit man sila ng ekstinksyon, ito’y hindi nila kasalanan kundi kagagawan pa rin ng tao."

"Oo nga, ano, walang mayaman o mahirap sa daigdig ng mga unggoy sa totoong buhay." Sabi naman ni Inggo, isang manggagawa sa pabrika. "Kaiba iyan sa sineng napanood ko na may pamagat na Planet of the Apes. May naghaharing unggoy sa kanilang daigdig."

"Ito pa," pagpapatuloy ni Ka Igme, "at nais kong basahin: Kung ang unggoy ay marunong tumawa, ito’y maluluha sa kakatawa sa tao. Ang tao ay may kung anu-anong aparato sa produksyon. Siya’y intelihente, imbentor at produktibo. Nagtatayo ng nagtataasang mga gusali at magagarbong mga syudad. Maunlad ang imahinasyon, emosyon at lenggwahe. May konsepto ng moralidad, relihiyon at sibilisasyon. May syensya, sining at teknolohiya. May industriya, agrikultura at komersyo. May mga eroplano’t barko, may mga makina’t kompyuter. Lahat ng ito ay wala ang unggoy. Pero hindi maiingit ang unggoy sa klase ng paghihirap ng mayorya ng tao sa daigdig."

"Grabe naman po iyan, Ka Igme," sabi ni Teresa, na mananahi sa katabing pabrika. "Ikinukumpara ninyo ang ating lipunan sa unggoy. syempre, dahil hindi nakakapag-isip ng syensya ang unggoy, hindi sila nakakapagpatayo ng mga building o nakakagamit ng selpon o kompyuter. Tao lang ang nakakapag-isip."

"Iyon nga ang punto, iha." Sabi ni Ka Igme, “Dahil sa daigdig ng mga hayop ay walang pagsasamantala kaya walang mahirap at mayaman sa kanila. Hindi tulad sa ating mga tao na may mahirap at mayaman sa kabila ng kaunlarang inabot ng lipunan. Nakapunta na nga ang tao sa buwan at nakagawa na tayo ng sinasabi mong selpon at kompyuter, subalit hindi pa rin malutas ng tao ang laksang kahirapan. Kung kaya mang lutasin ay ayaw lutasin dahil may tatamaan sa kanila. Iyan ang punto, kaya kung makikita tayo ng unggoy ay baka tawanan lang tayo dahil may naghihirap na tao sa kabila ng pag-unlad ng buong lipunan.”

“Nauunawaan ko na po, Ka Igme, maraming salamat sa paliwanag. Kung masosolusyonan man ang kahirapan, dapat po hindi parang limos, di po ba? Limos sa mahirap, limos sa pulubi. Parang band aid solution lang po iyon, di po ba? Ang tanong ko na lang, paano natin malulutas ang kahirapang ayaw lutasin ng mayayaman kung sila ang tatamaan?”

“Hindi ang mayayaman ang lulutas, Ineng, dahil kontento na sila sa narating nila. Maliban doon sa mayayamang masisiba na di makuntento sa kung anong meron sila. Para iyang isang puno na punong-puno ng bunga, na ang lahat ng maparaan doon ay nakikinabang. Subalit nang inagkin na ng isang mangangalakal ang lupain ng mga punong iyon, at ibenta ang bunga ng mga puno, hindi na nakikinabang ang lahat sa bunga ng kalikasan, kundi ang dupang na mangangalakal na ang nakikinabang. Pinagtubuan niya ang punong iyon.”

“Kung tutuusin po, hindi naman masama iyon, di po ba?” Si Teresa.

“Hindi masama kung sa punto de bista ng mga mayayaman, dahil kumikita sila. Subalit masama dahil binakuran niya ang lupaing mapunong iyon at inangkin, kaya ang dating masaganang pamayanan, ngayon ang mga tao ay naghihirap, dahil hindi makakuha ng bunga ng puno. Kaya ang dapat tanggalin sa kamay ng masiba ang pribadong pagmamay-ari ng punong iyon upang muling makinabang ang pamayanan, at walang nagugutom,” ang mahabang paliwanag ni Ka Igme.

Natapos ang talakayan na nauunawaan nila kung bakit kantyaw ng unggoy ang paksa ng talakayan. Umuwi silang may dalang pag-asang may pagbabago pa kung sila’y kikilos ng sama-sama tungo sa pangarap nilang lipunang makatao at pantay-pantay na dapat maitayo.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 1-15, 2021, pahina 16-17.

Lugaw

LUGAW nakasanayan ko nang kumain ng lugaw na pagkain ng pasyente sa pagamutan na pag ayaw ni misis at ako ang bantay lugaw yaong siya ko nam...