Sunday, June 27, 2021

Kuyom pa rin ang nakataas na kaliwang kamao

 KUYOM PA RIN ANG NAKATAAS NA KALIWANG KAMAO

patuloy pa ring nakakuyom ang aming kamao
lalo't pangarap pa lang ang lipunang makatao
sagana sa likas-yaman, hirap ang mga tao
mayaman ay ilan, dukha'y milyong milyong totoo

para sa pamilya, manggagawa'y kayod ng kayod
mga magsasaka'y nagtatanim at nagsusuyod
habang ekta-ektaryang lupa'y nilagyan ng bakod
habang ang laot sa plastik at upos nalulunod

pulos edukado'y namuno sa pamahalaan
subalit sa kahirapan ay walang kalutasan
dahil ayaw nilang tanggapin ang katotohanan
na pribadong pag-aari'y ugat ng kahirapan

patuloy pa ring kuyom ang kamaong nakataas
habang nangangarap pa rin ng lipunang parehas
pag-aralan ang lipunan bakit kayraming dahas
na ginagawa sa dukha't lipunan ay di patas

mapagsamantalang sistema'y dapat nang baguhin
ugat ng kahirapan ay dapat nang buwagin
manggagawa't maralita'y dapat organisahin
at lipunang makatao ang itatayo natin

- gregoriovbituinjr.
06.27.2021
* litratong kuha sa pagkilos noong Hunyo 12, 2021

Makipagkapitbisig sa kauri

MAKIPAGKAPITBISIG SA KAURI

patuloy nating ipaglaban kung ano ang tama
ipagtanggol ang bayan, magsasaka't manggagawa
ipagtanggol ang dukhang hampaslupa't maralita
laban sa sinumang mapagsamantalang kuhila

katulad nina Che Guevara at Ka Popoy Lagman
na tinuring na bayani ng mga kababayan
dahil sa inambag nilang talino't kakayahan
ngunit kapwa pinaslang dahil sa misyon sa bayan

di natin hahayaang tayo'y maging pipi't bingi
sa mga katiwalia't dahas na nangyayari
sa mga naganap na inhustisya sa marami
sa mga paglabag sa karapatang tayo'y saksi

tanungin bakit buhay ng dukha'y kalunos-lunos
bakit laksa'y dukha, iilan ay nakakaraos
pag may dinahas na kapwa, bakit dapat kumilos
pag puno na ang salop, bakit dapat kinakalos

samutsaring isyu ng bayan ay dapat marinig
sa kapwa ba o sa ginto ang puso'y pumipintig
kung pakikipagkapwa ang sa puso'y nananaig
sa mga dukha't obrero'y makipagkapitbisig

pagkat manggagawa't maralita'y iyong kauri
na kasangga mo upang ibagsak ang naghahari
ugat ng kahirapan ay pribadong pag-aari
na dapat nating durugin upang di manatili

- gregoriovbituinjr.
06.27.2021
* litratong kuha sa pagkilos noong Hunyo 12, 2021

Monday, June 14, 2021

Kwento: Bakit may kahirapan?

BAKIT MAY KAHIRAPAN?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Bakit may kahirapan?” Isa ang tanong na iyan sa ayaw tugunan ng nasa kapangyarihan o kaya’y ayaw nilang pag-usapan. Mas nais lang nilang maglimos kaysa malaman ang ugat ng kahirapan. Natatandaan ko pa ang sinabi ni Bishop Helder Camara ng Brazil, "When I give food to the poor, they call me a saint. When I ask why the poor have no food, they call me a communist. (Kapag nagbibigay ako ng pagkain sa mahihirap, tinatawag nila akong santo. Kapag tinatanong ko kung bakit walang pagkain ang mga mahihirap, tinatawag nila akong komunista.)"

Kaya nang minsang magkaroon ng pag-aaral ng mga maralita hinggil sa ugat ng kahirapan, ibinungad agad ng tagapagpadaloy ang sinabing ito ni Obispo Camara. “Balido ang sinabi ni Obispo Camara, may tumututol ba rito?” Walang nagtaas ng kamay, pawang nag-iisip.

Hanggang sa tumayo si Mang Igme, isang lider-maralita sa Tondo, “Kayganda ng sinabi ng Obispo. Talagang mapapaisip tayo. Pag nagbigay ka ng pagkain sa dukha, banal ka, subalit pag tinanong mo ang dukha bakit sila mahirap, aba’y masama ka na! Komunista agad ang tingin sa iyo! Aba’y magaling kung komunista ka pala pagkat palatanong ka, at hindi tango nang tango na lang sa kung anong dikta sa iyo.”

“Aba’y maganda ang iyong tinuran, Manong Igme,” sabi naman ni Mang Inggo. “Natandaan ko tuloy ang kwento ng binatang si Archimedes Trajano, na biktima ng marsyalo! Alam n’yo ba ang kwento niya. Aba’y nang tinanong lang niya noon sa isang talakayan si Imee Marcos kung bakit siya ang pangulo ng Kabataang Barangay, aba’y nairita si Imee, at ang kanyang mga tao ay biglang dinaluhong si Archimedes. Itinapon pa raw sa bintana kaya namatay. Aba’y masama pala magtanong kung kaharap mo ay may kapangyarihan!”

“Kaya nga dapat baguhin ang bulok na sistema. Ito ang panawagan namin noon pa, upang maitayo natin ang isang lipunang makatao,  walang pagsasamantala ng tao sa tao, walang pang-aapi, kundi lipunang kumikilala sa dignidad ng bawat tao kahit pa siya’y maralita. Subalit bago natin iyon magawa nang sama-sama, dapat ay nauunawaan natin bakit nga ba may kahirapan. Magtanong kayo dahil diyan magiging mabunga ang ating talakayan.” Sabad ni Mang Kulas, ang tagapadaloy.

“Alam n’yo, noong ako’y bata pa, nagisnan ko nang mahirap ang buhay nina Itay at Inay. Hindi nila ako napag-aral noon, subalit kahit paano naman ay nakaabot ako ng Gred Wan.” Sabi ni Isko.

“Ang ganda pa naman po ng pangalan ninyo, Mang Isko, Parang iskolar ng bayan. Subalit iyan ba ang dahilan bakit kayo mahirap, gayong may karunungan kayong di basta nakukuha sa pag-aaral sa eskwelahan. Karunungang mula karanasan. Ang sinabi ninyo’y di ugat na kahirapan. Dii lang po kayo nabigyan ng pagkakataong makapag-aral.” Ani Kulas.

Nagtaas ng kamay si Iking, “Sabi po ng iba, katamaran daw po ang ugat ng kahirapan. Kaya lang po, hindi ko maubos-maisip na tama nga iyon, dahil si Tatang naman ay kaysipag sa bukid. Maagang gumigising upang mag-araro at magtanim, ngunit kami’y mahirap pa rin. Si Kuya Atoy naman ay kay-agang pumasok sa pabrika at hindi lumiliban sa trabaho ngunit mahirap pa rin kami.”

“Tama ka, Iking, ang katamaran ay hindi ugat ng kahirapan.”

“Populasyon po ba?” Tanong ni Aling Telay, “Pag maraming anak ay naghihirap. Pag kaunti ang anak ay kaunti lang ang pakakainin. O kaya kapalaran na talaga naming maging mahirap.”

“Pag naniwala kang ang populasyon at kapalaran ang ugat ng kahirapan, aba’y hindi na pala uunlad ang may maraming anak, kahit anong sipag pa ang kanyang gagawin.” Ani Kulas.

“Ang totoong ugat ng kahirapan ay ang pagkakaroon ng isang tao o grupo ng mga pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon tulad ng pabrika, makina at mga lupain. Tulad sa lugar natin, ang nag-aari ng lupa ay si Don Ogag, na imbes na tayo ang makinabang sa ating pinagpaguran, ibibigay pa natin ang mayorya ng pinagpawisan natin sa kanya, dahil lang sa pribilehiyo niyang siya ang may-ari. Upang mawala ang kahirapan dapat mawala ang ganyang konsepto ng pribadong pag-aari upang makinabang ang lahat sa kanilang pinagpaguran. Tanggalin sa kamay ng iilan ang pag-aaring yamang kinamkam nila upang ang lahat naman ay makinabang.”

Tatango-tango lahat ng naroon. Naunawaan na nilang ang pribadong pag-aari pala ng mga pabrika, makina’t lupain ang ugat ng kahirapan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2021, pahina 18-19.

Lugaw

LUGAW nakasanayan ko nang kumain ng lugaw na pagkain ng pasyente sa pagamutan na pag ayaw ni misis at ako ang bantay lugaw yaong siya ko nam...