Martes, Disyembre 29, 2020

Maikling Kwento: Pangangaroling

PANGANGAROLING
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

"Tay, marami na namang mangangaroling ngayon kasi malapit na po ang Pasko. Nais kong sumama sa mga kaibigan ko sa pangangaroling." Ito ang sabi ni Utoy sa kanyang ama minsang pauwi na sila galing sa pamamalengke.

"Alam mo, anak, nakikita ko nga na kahit sa mga dyip pag papasok ako sa trabaho ay marami nang nangangaroling. Tutugtog ng dala nilang tambol, kasama ang anak na nakatali ng balabal nila sa balikat, aawit ng pamasko, at hihingi ng limos. Hindi na iyon ang nakagisnan kong Pasko."

"Bakit po, Tay?"

"Kasi, sa amin noon, pupunta kami sa bahay-bahay na parang manghaharana. Barkadahan kami, nakasuot ng disente, at pagtapat sa bahay ng kakilala namin ay aawit kami ng kantang 'Sa may bahay'. Natutuwa naman ang inaawitan namin kaya nagbibigay sila ng malaki-laking halaga bilang pakikiisa sa diwa ng kapaskuhan. Ibang-iba ngayon, anak, na kaya ka lang namamasko ay dahil hirap ka sa buhay. Tulad ng nakikita ko pag papasok ako at uuwi galing sa trabaho. Hindi gayon ang nais kong pasko, bagamat para sa kanila, malimusan lang sila ay malaking bagay na dahil nagugutom ang kanilang pamilya. Kung sasama kang mngaroling, dapat hindi ka mukhang namamalimos. Anak, ang diwa ng kapaskuhan ay pagbibigayan, pagmamahalan, hindi pamamalimos. Bagamat hindi naman masamang manlimos. Masama lang tingnan."

"Ano po ba, 'Tay, ang dapat naming gawin pag mangangaroling. Baka pag maganda ang suot namin, sabihin sa amin, patawad. Baka hindi pa maniwala na namamasko kami."

"Mamasko ka, anak, sa mga ninong mo, sa mga kakilala natin. Palagay ko, anak, huwag kang basta tumapat lang sa bahay ng kung sino. Dapat, anak, ang pangangaroling ay hindi parang nanghihingi tayo ng limos. Kahit mahirap lang tayo, anak, nais kong makita pa rin nila at maramdaman din natin na may dignidad pa rin tayo bilang tao. Taong nirerespeto at hindi minamata ng ibang tao. Iyon lang naman, anak."

"Salamat po, Tay, sa payo ninyo. Sabihan ko ang mga kalaro ko na kung mangangaroling kami ay mag-ayos din po kami ng suot, para po di kami magmukhang kawawa na walang pera. Salamat po, Tay."

“Salamat din, anak, at nauunawaan mo ang nais kong sabihin. Ingat lagi kayo ng mga kalaro mo sa pangangaroling, at huwag sana kayong makikipag-away, ha. Isipin mo lagi ang diwa bakit kayo nangangaroling.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Disyembre 16-31, 2020, pahina 14.

Linggo, Nobyembre 29, 2020


BAKIT AKO ANG MAGSASALIN NG RA 7279 O UDHA? DAPAT KWF DAHIL SILA ANG AHENSYA SA WIKA!
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang hapon iyon nang kinausap ni Igme si Igor dahil nais niyang isalin ni Igor sa wikang Filipino ang Urban Development and Housing Act (UDHA) o Republic Act 7279. “Igor, maaari mo bang isalin ang UDHA upang mas maunawaan ng kapwa natin maralita kung ano ba ang batas na itong nakakaapekto sa kanila.”

Sumagot si Igor, “Aba, oo. Malaking karangalan sa akin ang pagsasalin ng batas na iyan sa wikang Filipino. May kopya ka ba ng UDHA upang masimulan ko nang isalin?”

“Eto, o.” At ibinigay ni Igme kay Igor ang kopya ng UDHA.

Sa bahay, binabasa ni Igor ang dokumento, hanggang sinimulan niyang isalin ang bawat salita, bawat artikulo, at bawat seksyon. Kinailangan pa niya ng diksyunaryong Ingles-Filipino dahil may mga salitang duda siya kung tama ba ang salin. Sa katagalan, napapaisip siya. Tanong niya sa sarili, “Batas ito ng bansa para sa mga maralita. Pag isinalin ko ba ito ay pakikinabangan ng maralita? Sino ang magpopondo nito? Kung ang samahan lang namin ni Igme ang makikinabang, paano ang iba? Baka may iba pang nagsasalin sa ibang organisasyon, o baka naman may salin na ito sa wikang Filipino, ay hindi namin alam.”

Nasa gayon siyang pagninilay nang makita siya ng kanyang asawa, at tinanong siya kung anong ginagawa niya. At sumagot siya, “Hiniling ni Igme sa akin na tagalugin ko itong UDHA para mas maunawaan ng ating mga kapitbahay at kapwa maralita kung ano ang batas na ito. Kaya lang napapaisip ako, mahal ko. Pakikinabangan ba ito ng mas nakararami pag natagalog ko na, o kami lang ang makakaintindi? Hindi ba dapat ang mga batas ng bansa ay hindi isa-isa nating isinasalin. Baka sabihan pa ako ng mga mas nakakaalam na bara-bara lang itong salin ko .”

Sumagot si Ingrid, “Sige lang, tagalugin mo, at malaking tulong iyan sa ating mga maralita dahil UDHA iyan. Diyan nakalagay sa seksyon 28 niyan kung paano ang proseso bago idemolis ang isang lugar?”

“Iyon nga, eh, kaya ba nakasulat sa Ingles ang mga batas natin ay upang hindi natin maintindihan ang mga batas na nakakaapekto sa masa, sa ating maralita, tulad nga niyang Seksyon 28 ng UDHA hinggil sa demolisyon. Napapaisip nga ako, sino ang maglalathala ng tinagalog ko upang maunawaan ito ng mas marami, kahit nasa probinsya.” Ani Igor.

Sumagot si Ingrid, “Tulong mo na iyan sa samahan. Kaya ituloy mo lang ang binigay ni Pangulong Igme sa iyo.”

Muling nagsalita si Igor, “Napapaisip din kasi ako. Dapat ba sa bawat batas na tatama sa maralita, o iyang Labor Code ng manggagawa, o Local Government Code, bakit lahat nakasulat sa ingles, at paghirapan nating intindihin. Ngayon, pipilitin nating tagalugin. Hanggang mamilipit tayo. Dapat ang gobyerno mismo ang magsalin ng mga ito. Mungkahi ko nga, dapat ang Komisyon sa Wikang Filipino o KWF ang dapat magsalin ng lahat ng batas ng bansa, dahil sila ang ating ahensya sa wika. KWF dapat ang bigyan ng mandato sa pagsasalin ng lahat ng batas ng bansa. Isalin nila sa wikang Filipino, o Tagalog para sa mga nasa NCR, Gitnang Luzon, at Timog Katagalugan. Isalin din ang mga batas natin sa Igorot, Ilokano, Kapampangan, Bikolano, Ilonggo, Cebuano, Tausug, Maranao, at iba pang wika sa ating bansa. Halimbawa, iyang IPRA o Indigenous People’s Rights Act, katutubo ba ang magsasalin niyan upang maunawaan nila? O iyang KWF.”

“Paano iyan magagawa, eh, wala yata sa batas na naglikha sa KWF na sila ang magsalin? Kung meron, dapat ginagawa na nila.” Ani Ingrid.

“Tama ka, mahal ko,” ani Igor, “kailangang kumausap tayo ng mga kongresista at senador na gagawa ng batas upang gawing opisyal na tagasalin ng mga batas ng bansa iyang KWF.”

“Kausapin muna natin si Pangulong Igme,” Ani Ingrid. At nagtungo naman sila sa pangulo ng samahan.

Ani Igor, “Sinimulan ko nang isalin ang UDHA. Subalit bakit ako ang magsasalin ng batas ng bansa. Hindi ba dapat ang Komisyon sa Wikang Filipino dahil ito ang ahensyang pangwika ng pamahalaan? Baka hindi ito maipamahagi sa iba, o baka isiping bara-bara lang ang salin ko?”

“Tama ka, Igor,” ani Igme. “Mungkahi ko, gumawa tayo ng petisyon na lalagdaan ng ating mga kasapian, at ipadala sa mga gumagawa ng batas na hinihiling nating amyendahan ang batas na lumikha ng KWF, at italaga ang KWF bilang opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ng ating bansa. Bukod sa pagsasalin mo ng UDHA ay isa iyan sa ating kampanya upang mas maunawaan ng masa ang mga batas na apektado sila.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 16-30, 2020, pahina 14-15.

Environmental Planning Day of the Philippines tuwing Nobyembre 8, imbes Yolanda, ibang bansa ang pinagbatayan

PROKLAMASYON BLG. 847 (nilagdaan Nobyembre 15, 2019)
DEKLARASYON NG NOBYEMBRE 8 BILANG
“ENVIRONMENTAL PLANNING DAY OF THE PHILIPPINES”

Opisyal na idineklara ng pamahalaan ang Proklamasyon 847 na ang Nobyembre 8 ay "Environmental Planning Day of the Philippines"

Subalit bakit Nobyembre 8? Ayon sa batas, ito’y isinabay nila sa "World Town Planning Day”, subalit mas maganda sana, mula sa sariling karanasan ng bansa ang dahilan ng kanilang pagsasabatas nito. Dahil ang petsang ito’y paalala sa atin sa naganap na bagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013 kung saan mahigir animnalibong katao ang sinasabing namatay sa Tacloban at mga karatig-pook. Di ba’t dapat talagang may “environmental planning” bilang paghahanda sa anumang kalamidad na mangyari, tulad ng lindol, baha, bagyo, at iba pa. Bakit hindi naisip ng mga mambabatas na sa naganap na Yolanda ang dahilan ng petsang Nobyembre 8? Wala ba silang malay sa ating kasaysayan? O wala silang pakialam? Dapat may pagpaplano talaga sa pangkapaligiran upang maiwasan ang ganitong nasabing trahedya. Sumapit man ang kaparehong lakas ng Yolanda o mas matindi pa, may kahandaan ang bansa upang di gayon karami ang mamatay.

‎Layunin ng nasabing batas na kilalanin ang mahalagang papel ng mga environmental planner sa paghubog ng ligtas, maayos, at napapanatiling komunidad. Itinataguyod din nito ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng pagpaplano sa kapaligiran upang maiwasan ang mga sakuna at mapabuti ang pamumuhay sa bansa. ‎Ilan sa nilalaman nito ay isinalin natin sa wikang Filipino upang mabasa ng ating mga kapatid na maralita:

SAPAGKAT, ginagarantiyahan ng Artikulo II, Seksyon 16 ng Konstitusyon ang karapatan ng mga tao sa isang balanse at malusog na ekolohiya alinsunod sa ritmo at pagkakaisa ng kalikasan;

SAPAGKAT, ang Artikulo XIII, Seksyon 9 ng Konstitusyon ay nag-uutos na ang Estado, sa pamamagitan ng batas at para sa kabutihang panlahat, ay dapat magsagawa, sa pakikipagtulungan sa sektor ng publiko, ng isang patuloy na programa ng reporma sa lupang urbano at pabahay, na magbibigay ng abot-kayang disenteng pabahay at mga pangunahing serbisyo sa mga mamamayang kapus-palad at walang tirahan sa mga sentrong urbano at mga lugar ng resettlement;

SAPAGKAT, kinikilala ng Republic Act No. 10587 o ang "Environmental Planning Act of 2013," ang kahalagahan ng pagpaplanong pangkapaligiran sa pagbuo ng bansa at pag-unlad ng ekonomiya;

SAPAGKAT, ang Nobyembre 8 ay ipinagdiriwang sa buong mundo bilang "World Town Planning Day," upang isulong ang kamalayan ng publiko at propesyonal sa lokal at internasyonal na pagpaplano, at upang mapataas ang kamalayan sa mga epekto sa kapaligiran na nagreresulta mula sa pag-unlad ng mga lungsod at teritoryo…

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 16-30, 2019, pahina 2.

Huwebes, Oktubre 29, 2020

Kwento: Nawalan ng trabaho dulot ng pandemya

NAWALAN NG TRABAHO DULOT NG PANDEMYA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Noong mag-lockdown, nahinto kami sa produksyon sa pabrika dahil hindi kami makapasok sa trabaho. Hindi ko malaman ano ang gagawin. Paano na kami ng aking pamilya? Ang kakarampot kong sahod ay di sapat lalo't nangungupahan lang kami ni misis, kasama ng apat naming anak." Ito ang sabi ni Mang Inggo nang unang linggo ng lockdown at hindi sila pinayagang magbiyahe patungo sa trabaho.

Wala na kasing pinayagang makalabas ng bahay noon, kaya pati mga nagtatrabaho, sa pabrika man iyan, sa opisina, sa pamamasada o maging tindera sa palengke, ay napatigil sa pagtatrabaho. Ayon naman sa pamahalaan, kailangan mag-lockdown upang labanan ang COVID-19. 

Ang mga maralita nga ng San Roque sa Lungsod Quezon ay nagrali na dahil sila'y nagugutom. Gutom ang dulot ng lockdown. Gutom dahil di makalabas upang makadiskarte ng pang-ulam. Di makakain si Bunso. Mabuti kung may natitira pa silang salaping pambili sa tindahan. Subalit kahit pagbili sa tindahan ay pahirapan din dahil nga hindi sila makalabas.

Si Mang Tune na drayber ng dyip ay naghihimutok dahil hindi na sila makapamasada. Ang nangyari ay tambay na lang sila sa looban. Naaabutan lang ng may malasakit. Ang ayudang bigay ng pamahalaan ay di naman sapat. Ang iba’y nabibigyan ng salapi, habang ang iba’y nabibigyan ng grocery na pang-ilang araw lang, na tulad ng ibinibigay sa mga nasunugan. Limang kilong bigas, ilang delatang sardinas, ilang noodles, kape, asukal, nadagdagan lang ng alkohol at face mask.

“Anong dapat nating gawin?” Sabi ni Mang Igme sa kanyang mga kapitbahay. “Hindi tayo makalabas. Gutom ang aabutin natin nito?” 

Kaya nagkaisa ang mga magkakapitbahay, sa pamamagitan ng HOA nila, upang pag-usapan ang mga hakbang na dapat gawin. Di makapag-patawag ng pulong ang HOA dahil lockdown. Walang makalabas. Gayunman, nagawan nila ng paraang makapagpulong, nang isa-isa silang magpuntahan sa bahay ni Mang Kanor, ang pangulo ng HOA.

Ayon kay Mang Kanor, “Dalawang dahilan lamang upang bigyan tayo ng pamahalaan ng makakain, pag panahon ng gera at pag panahon ng kalamidad. Ngayong idineklara ng pamahalaan ang lockdown, ito’y nasa linya ng kalamidad, kaya dapat bigyan nila tayo ng ayuda upang hindi magutom ang ating pamilya. “

Sa ganitong punto ay napagkaisahan nilang sumulat sa pamahalaan upang bigyang katugunan ang kanilang kalagayan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2020, pahina 16.

Biyernes, Hulyo 31, 2020

Bukrebyu: How Much Land Does A Man Need, ni Leo Tolstoy

BUKREBYU
How Much Land Does A Man Need by Leo Tolstoy
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nabili ko ang aklat na “How Much Land Does A Man Need” ni Leo Tolstoy sa Fully Booked sa Gateway, Cubao, noong Pebrero 24, 2018 sa halagang P80.00. Isinalin ito sa Ingles, mula sa Ruso, ni Ronald Wilks. Ang aklat na iyon ang ika-57 aklat sa kabuuang 80 aklat ng Penguin Classics. Umabot ang aklat ng 64 pahina, na may dalawang maikling kwento. Ang una nga ay ang nabanggit ko, na may 21 pahina, at ang ikalawa’y ang What Men Live By, na akda rin ni Tolstoy, na umaabot naman ng 31 pahina, mula mp. 23-53.

Ang kwento ay binubuo ng siyam na kabanata. Ang bida rito ay si Pakhom, isang magsasakang naghangad magkaroon ng maraming lupain.

Noong panahong iyon, nagpasya ang isang kasera sa nayon na ibenta ang kanyang mga ari-arian, at ang mga magsasaka roon ay bumili ng halos lahat ng lupaing kaya nilang bilhin. Si Pakhom mismo ay bumili ng ilang lupain, at sa pamamagitan ng pagtatrabaho ay nabayaran niya ang kanyang mga utang at nabuhay ng komportable. Pumunta pa siya ng ibang lupain upang bumili pa ng mas maraming lupain. Paniwala niya, pag marami siyang lupain, hindi na siya matatakot sa demonyo.

Hanggang makilala ni Pakhom ang mga Bashkirs, na mga simpleng tao lang na maraming lupain.  Nais niyang bilhin ang lupa ng mga ito. Sa halagang isang libong rubles, lalakarin ni Pakhom ang lupa mula sa simula o tinatapakan niya hanggang makarating muli sa simula bago magtakipsilim, at ang mga naabot niya ang kanyang magiging lupain. Subalit pag hindi siya nakarating sa simula bago magtakipsilim, mawawala na ang kanyang pera’t hindi magkakaroon ng lupa. Kaya naglakad siya hangga’t kaya niya. Nang dapithapon na’y nagmadali siya upang makaabot sa pinagsimulan niya. Subalit sa kanyang pagod, siya’y tumumba’t namatay. Inilibing siya ng kanyang mga kaibigan sa isang libingang may anim na talampakan, na siyang sagot sa katanungang binanggit sa pamagat ng kwento.

Isa ito sa mga sikat na akda ni Tolstoy. At kung may pagkakataon ay isasalin ko ito sa wikang Filipino upang mas mabasa ng nakararami pa nating kababayan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-31, 2020, pahina 16.
* Nalathala rin sa isyung ito ng Taliba ng Maralita, pahina 20, ang tulang: 

Gaano karaming lupa ang kailangan ng tao?

pamagat pa lang ng aklat, nakakaintriga na
anong sagot sa tanong? ito ba'y pilosopiya?
"How much land does a man need?" ay pamagat at tanong pa
na magandang akda ni Leo Tolstoy mula Rusya

tanong bang ito'y tungkol sa pribadong pag-aari?
ilang lupa ang dapat mong ariin kung sakali?
libu-libong ektarya ba sa puso mo'y masidhi?
dahil ba sa lupa kaya maraming naghahari?

ilan bang lupa ang kailangan ng isang tao?
bibilhin? aagawin? palalagyan ng titulo?
pinalalayas ba ang dukha para sa negosyo?
at kapag yumaman na, sa pulitika'y tatakbo?

di ko pa tapos basahin ang nobela ni Tolstoy
sa pamagat pa lang, mapapaisip ka na tuloy
ilan na bang dahil sa lupa'y lumuha't nanaghoy?
ilan ang naging playboy, ilan ang naging palaboy?

pag wala ka bang lupa, ang buhay mo na'y hilahod?
kaya pribadong pag-aari'y itinataguyod?
ideyang pyudal? magkalupa ba'y nakalulugod?
o lupa'y kailangan mo sa libingan mo't puntod?

- gregbituinjr.
04.29.2020

Huwebes, Hulyo 9, 2020

Ang katwiran ng bituka

Ang katwiran ng bituka

anila, binigyan na ng bahay ang maralita
nang sa iskwater at barungbarong daw makawala
subalit nang nasa relokasyon na'y biglang-bigla
ibinenta ang bahay, bumalik sa dating lupa

ang ibang nakakaalam ay napapailing lang
lalo't di maunawaan ng kinauukulan
bakit muling pumaroon sa dating karukhaan
di pa ba sapat ang pabahay nilang inilaan

kung tinanong muna nila ang mga maralita
kung bahay ba ang problema kaya mukhang kawawa
upang tamang kalutasan sa problema'y magawa
at di sila itaboy sa malayong parang daga

bakit sila mahirap, hanapin ang kasagutan
bakit bahay na binigay ay kanilang iniwan
pagkat di sapat ang bahay kung walang kabuhayan
kayhirap kung danasin ng pamilya'y kagutuman

sa pinagtapunan sa kanila'y walang serbisyo
mag-iigib sila sa sapa o malayong poso
walang kuryente kaya di makapanood dito
mabuti kung may maayos kang de-bateryang radyo

ospital ay kaylayo, paano pag nagkasakit
walang palengke, paano ka kaya magpapansit
wala ring masasakyan, maglalakad ka sa init
sa daang baku-bako, pawis mo'y tiyak guguhit

walang paaralan, saan mag-aaral ang anak
malayo ang bayan, kilo-kilometrong di hamak
tila kayo dagang sa relokasyon itinambak
may pabahay nga, ngunit gagapang naman sa lusak

makakain ba nila ang ibinigay na bahay
di sapat ang may tahanang doon ka humihimlay
paano kung pamilya'y magutom, doon mamatay
kaya unahin ang katwiran ng bitukang taglay

mabuting may makakain, tahanan mo ma'y dampa
ang pamilya'y di magugutom, di kaawa-awa
dapat lagi kayong busog upang di namumutla
kahit bumalik sa iskwater na kasumpa-sumpa

iskwater kasi'y masakit sa mata ng mayaman
at ito'y inayunan naman ng pamahalaan
dahil daw walang bahay, bahay din ang kalutasan
di nakurong dapat unahin ang kalam ng tiyan

tinawag silang mahihirap dahil hirap sila
tinawag silang dukha dahil walang-wala sila
walang pribadong pag-aari, sarili lang nila
di bahay ang problema, kundi kakainin nila

busog kung may pagkukunan lang ng ikabubuhay
ito ang sa pamahalaan ay dapat manilay
at kung may trabahong sapat, di problema ang bahay
mabibili pa ang pagkaing may sustansyang taglay

ang katwiran ng bituka'y huwag balewalain
sa batas at patakaran, ito'y laging isipin
at sa relokasyon, di dapat mahal ang bayarin
ibatay sa kakayahan ng naninirahan din

pabahay, ikabubuhay, serbisyong panlipunan
sa mga negosasyon ay magkasamang tandaan
tatlong sangkap upang maralita'y di magbalikan
sa dating tirahang sa kanila'y pinag-alisan

- gregbituinjr.
07.09.2020

Maikling Kwento: Pagdaluhong sa karapatan

Pagdaluhong sa karapatan
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hulyo 1, 2020

"Alam nyo, naulit na naman pala ang nangyari kay Winston Ragos, iyon bang sundalong sinita ng limang pulis noong Abril at binaril ng walang laban ng isang pulis," sabi ni Mang Kulas na naggugupit sa barberya.

"Oo nga, Mang Kulas. Narinig ko rin sa balita kanina," sabi ng estudyanteng si Roberto na ginugupitan ni Mang Kulas.

"Bakit? Anong nangyari? Hindi ko yata narinig sa radyo kanina..." sabat naman ni Mang Lando na isa ring barbero.

"Aba'y pinagbababaril ng mga pulis ang apat na sundalo ng walang laban. Nangyari sa Sulu. Isang major, isang kapitan, at dalawa pang sarhento ang pinaslang, ayon sa balita. Galit na galit nga ang pamunuan ng Philippine Army. Rubout daw," paliwanag ni Mang Kulas.

"Grabe na talaga ang nangyayari sa bayan natin. Sundalong walang laban pa ang pinaslang ng mga pulis. Tapos, sasabihin, nanlaban. Kung sila nga ay di nagkakakilanlanan na umabot pa sa patayan, paano pa ang simpleng mamamayang mapapagkamalan?" ang komento naman ni Mang Lando. "Lalo na ngayong nais isabatas ang Anti-Terror Bill?"

"Dapat nga po huwag maisabatas iyang Terror Bill, dahil marami na tayong batas laban sa krimen. Dadagdagan pa ng mapanggipit na batas sa ating kalayaang magpahayag at yaon bang 'dissenting opinion'." Sagot naman ni Roberto.

Dagdag pa niya, "Nabalita pang 122 kabataan pala ang napaslang ng walang proseso dahil sa War on Drugs, kabilang na sina Danica Mae Garcia, limang taon, at Althea Barbon, apat na taon."

"At ano naman ang kaugnayan niyan?" tanong ni Mang Kulas.

"Para bang polisiya na ng mga pulis ang pumaslang, dahil iyon naman ang sabi ng Pangulo. Ubusin lahat sa ngalan ng War on Drugs. Kaya paslang lang sila ng paslang, tulad ng pagpaslang sa mga sundalo. Kaya dapat huwag maisabatas ang Anti-Terror Bill, dahil baka maraming pagdudahan at mapaslang ng walang due process." Paliwanag pa ni Roberto.

"Kaisa mo ako riyan. Tama ka. Sana'y respetuhin ang karapatang pantao ng bawat mamamayan," sabi naman ni Mang Lando. "May pagkilos pala bukas laban sa Anti-Terror Bill. Nais mo bang sumama? Magkita tayo rito bukas ng alas-otso ng umaga."

"Kung wala pong gagawin, susubukan ko pong sumama. Salamat po sa paanyaya."

"Pupunta tayo sa CHR ground. Doon gagawin."

"Sige po. Salamat po, Mang Kulas, sa gupit. Ito po ang bayad."

"Salamat din sa paliwanag mo. Ingat."

Hulyo 2, 2020

Nagkita-kita sina Roberto at Mang Lando sa Bantayog ng mga Bayani. Doon sila magsisimulang magmartsa patungo sa CHR ground. Sa Commission on Human Rights nila napiling gawin ang pagkilos dahil maaaring di sila galawin pag dito nila ipinahayag ang  kanilang  damdamin  laban  sa Anti-Terror Bill, na instrumento ng rehimen, na maaaring yumurak sa kanilang karapatang magpahayag, at akusahang terorista dahil lumalaban umano sa rehimen. 

Maya-maya lang ay nagmartsa na sila patungong CHR at doon ay nagdaos sila ng maikling programa, may mga talumpati at awitan.

Hulyo 3, 2020

Nabalitaan na lang nina Roberto sa telebisyon na pinirmahan na pala ng pangulo ang Anti-Terror Act of 2020, na mas kilala ngayon bilang Terror Law.

Hulyo 4, 2020

Agad na nagsagawa ng mga pagpupulong ang iba’t ibang grupo upang kondenahin ang anila’y batas na maaaring yumurak sa karapatang pantao. Ang petsang napagkaisahan nila ay Hulyo 7, 2020, kasabay ng ika-128 anibersaryo ng pagkakatatag ng dakilang kilusan ng Katipunan. Dito’y ipapahayag nila na ang Terror Law ang huling tangka ng rehimen upang depensahan ang administrasyon nito laban sa ngitngit ng mamamayan sa mga kapalpakan nito na mas inuna pa ang pagsasabatas ng Terror Law gayong walang magawa upang lutasin ang COVID-19. 

Naghahanda na rin ang mamamayan upang depensahan ang bayan laban sa ala-martial law na karahasan sa hinaharap.

* Ang maikling kwentong ito'y unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 1-15, 2020, pahina 18-19.

Munting tula sa rali sa DOLE

MUNTING TULA SA RALI SA DOLE‎ binibilog nilang muli ang ating mga ulo ‎ayaw na raw ibigay ang walumpu't limang piso ‎ganito katindi ang ...