Miyerkules, Pebrero 9, 2022

Tagumpay ang proklamasyon ng Manggagawa Naman

TAGUMPAY ANG PROKLAMASYON NG MANGGAGAWA NAMAN

matagumpay ang naganap kagabing proklamasyon
ng Partido Lakas ng Masa, sadyang lingkod ngayon
Ka Leody de Guzman bilang pangulo ng nasyon
na sa mga suliranin ng bayan ay may tugon

mga kandidato ng P.L.M., pawang kaisa
ng taumbayan, ay nagpahayag ng plataporma
walang nagsayaw na artista ngunit nagsikanta'y
Kulay, Teatro Proletaryo't Pabrika, iba pa

nagsalita ang mabuting Propesor Walden Bello
ang pambatong senador na si Ka Luke Espiritu
ang makakalikasang kasamang Roy Cabonegro
at makakalikasan ding si David D'Angelo

mga nominado ng Partido Lakas ng Masa
Baldwin Sykimte, Lidy Nacpil, na mga kasama
Flor Santos, Manny Toribio, Jhuly Panday, pag-asa
ng bayan, para sa Kongreso'y ilagay talaga 

mabuhay kayong magigiting, ituloy ang laban
tunggalian na ng uri sa buong kampanyahan
mga kandidato ng burgesya'y huwag payagan
kundi ipanalo'y kandidato ng sambayanan

huwag hayaang ang trapo'y mabudol tayong muli
kundi baklasin na ang elitistang paghahari
di na dapat neoliberalismong siyang sanhi
ng dusa't kahirapan ng masa ay manatili

- gregoriovbituinjr.
02.09.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa Bantayog ng mga Bayani, 02.08.2022

Miyerkules, Enero 26, 2022

Magkaibang hustisya

MAGKAIBANG HUSTISYA

"At ang hustisya ay para lang sa mayaman."
- mula sa awiting Tatsulok ng grupong Buklod

bigla akong nakakatha ng isang kawikaan
kung ano ang katarungan doon sa aming bayan:
"pinipiit ang matandang lublob sa karukhaan
kinaaawaan ang mayamang makasalanan"

ganyan ang nangyari sa balita ngayong Enero
matandang edad otsenta'y agad nakalaboso
nang nagnakaw umano ng manggang may sampung kilo
habang donyang guilty sa graft ay malayang totoo

dito nga'y kitang-kita ang magkaibang hustisya
ibang hustisya sa dukha, iba ang sa may pera
na katotohanang tatak ng bulok na sistema
kaya tama lang ang pasya kong maging aktibista

na adhikang wakasan ang pribadong pag-aari
na layuning ibagsak ang burgesyang naghahari
na misyong durugin ang mapang-api, hari't pari
na hangad ay itayo ang lipunang walang uri

ang nangyaring ito'y isang tunay na halimbawa 
na dapat mabatid ng masa't mayoryang dalita
magkaisang baguhin ang sistemang walanghiya
at lipunang makatao'y maitayo ng dukha

- gregoriovbituinjr.
01.26.2022

Martes, Disyembre 14, 2021

Kwento: Turok at kamatayan sa COVID-19

TUROK AT KAMATAYAN SA COVID-19
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa opisina ako sa Pasig nitong Agosto nang malaman ko sa pesbuk na sabay-sabay na namatay ang aking tiyahin, na ang asawa'y kapatid ni Tatay, at ang dalawa niyang pamilyadong anak, dahil sa COVID-19. Namatay sila nang minsang magsama-sama sa kasal ng pamangkin sa pinsan. Kaya kagulo ang aking mga kamag-anak sa Batangas nang malaman ito.

"Ano ba naman iyan? Ano nang nangyayari sa atin? Bakit gayon ang nangyaring biglaan ay marami pa sila?" ang himutok naman sa pesbuk ng isa ko pang pinsan sa ama. Sina Nanay Charing Bituin, at kanyang mga anak na sina Kuya Esmer Bituin at Ate Evelyn Bituin-Alipio ang nadale ng COVID. Kaya naulila si Tatay Pablo, at mga asawa't anak nina pinsang Esmer at Evelyn. Buti na lang at hindi pumunta roon ang aking kapatid na babae at asawa niya, na naimbitahan din sa kasalan.

Nitong Agosto 26, 2021 ay naturukan ako ng first dose sa Pasig. Akala ko ay dalawang linggo lang ay matuturukan na ako ng second dose. Subalit sabi sa akin ay tatlong buwan pa ang second dose dahil Aztrazeneca ang itinurok sa akin. Ganoon pala iyon.

Nitong Setyembre 3 ay sumabay ako kay bayaw sa pag-uwi sa La Trinidad, Benguet, kung saan naroon naman ang aking asawang si Liberty na nag-aalaga sa inang maysakit. Ayon kay Liberty, nagyaya ang aking biyenang babae na magtungo ako roon sa kaarawan nito sa Setyembre 5. Magkasunod lang sila ng aking ina na ang bertdey ay Setyembre 6.

Umalis kami ni bayaw, kasama ang kanyang drayber, ng madaling araw sa Cubao. Nakarating kami ng La Union, patungo sa kanyang kamag-anak roon ng bandang ikawalo ng umaga. Nagkumustahan at nagkwentuhan muna sila bago umalis bago magtanghali. Nakarating kami sa La Trinidad ng bandang ikalawa ng hapon. Pumunta muna kami sa Benguet State University dahil may pulong doon si bayaw. Ako naman ay nagtungo sa katapat nitong Benguet General Hospital pagkat naroon si misis. Katatapos lang niyang magpaturok ng second dose ng Pfizer matapos ang two weeks after first dose. Bandang gabi ng araw na iyon ay napansin ni misis na para akong may trangkaso. Setyembre 5, kaarawan ni Nanay Sofia, maayos pa ang lagay ko ng umagang tirik pa ang araw. 

Kinagabihan, hindi na ako pinayagan ni misis na sumama kina bayaw sa pagluwas sa Maynila dahil tumindi ang trangkaso ko. Setyembre 9 ay nagtungo kami ni misis sa BenguetGen upang magpatingin. Setyembre 12 ay nai-text kay misis na ako'y positibo sa COVID-19. Setyembre 11 ay nagpabakuna naman ang isa ko pang bayaw at ang kapatid nilang Bunso sa Benguet diyan nang mapadala na ang isked nila. Naturukan sila ng Sinovac.

Setyembre 14, isinugod si Bunso sa BenguetGen. Namatay ng araw na iyon si Kokway. Nagulat si Nanay Sofia na nasa ospital din ng araw na iyon, kasama ang isa kong pamangkin, dahil sa COVID. Umaga ng Setyembre 20 ay namatay na rin si Nanay Sofia.

Limang kamatayan sa loob ng dalawang buwan. Tatlo sa bahagi ng kapatid ni Tatay. Dalawa sa bahagi ng aking asawa. Nakalulungkot at nakakatakot na pangyayari sa panahong may COVID din ako at inaalagaan ng aking asawa sa bahay, pagkat puno na ng pasyente sa BenguetGen.

Sinabihan ako ni Mam Lou, na ninang namin ni misis sa sa kasal at siyang nagturo sa amin ng pageekobrik, na itigil ko muna ang pagiging vegetarian ko at kumain akong muli ng karne habang nagpapagaling. Sinunod namin ang payo kaya minsan ay nagbubulalo kami ni misis.

Oktubre 26 ay naiekedyul ako sa second dose sa Pasig. Ang sinabi nilang tatlong buwan ay dalawang buwan lang pala. Dahil nasa Benguet ako at nagpapagaling sa COVID ay hindi ako makaluwas. Kaya nagpasabi na lang ako na magpapaturok ng second dose pag may iskedyul.

Naalala ko ang Disyembre 27 na kababago pa lang kadedeklara na International Day on Epidemic Preparedness nito lang panahon ng pandemya. Marahil dapat magkaroon ng pagkilos sa araw na ito, hindi man sa kalsada, kundi kahit selfie sa pesbuk na may hawak na plakard na nagpapaalala sa araw na ito. Yayakagin ko ang mga kasama na makibahagi sa araw na ito.

Lampas na ako ng 21 days na na-COVID. Kaya nagpasya kami ni misis na lumuwas ng Maynila. Nagpa-antigen muna kami at nagpa-checkup sa BenguetGen bago lumuwas. Nang makuha na namin ang resulta ng anti-gen at general check-up, lumuwas kami ni misis ng Nobyembre 16 ng gabi at nakarating sa Cubao, sa bahay ng aking biyenan, ng madaling araw. 

Napuno ng tula hinggil sa pagkakasakit ko ang aking pesbuk at blog. Patunay ng matindi kong karanasan at alaala ng COVID.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2021, pahina 16-17.

Linggo, Nobyembre 14, 2021

Pagdatal ng bagyong Ulysses


PAGDATAL NG BAGYONG ULYSSES
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matindi ang hagupit ng bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009 na nagpalubog sa maraming lugar sa Metro Manila at karatig-pook. Subalit tila ba naulit ang bagyong Ondoy nang inilubog ng bagyong Ulysses ang maraming lugar sa Metro Manila at karatig pook noong Nobyembre 11-12, 2020.

Kaluluwas ko lang mula sa Benguet kung saan tagaroon ang aking napangasawa. Oktubre 31, 2020 ay lumipat na ang opisina ng paggawa mula Lungsod ng Quezon sa Lungsod ng Pasig. Nagsilbi akong tagabantay ng opisina. Halos magdadalawang linggo pa lang ako sa opisinang iyon nang manalasa si Ulysses. Mataas naman ang lugar sa may Barangay Palatiw kaya sa kasagsagan ng bagyong Ulysses ay hindi naman kami binaha. Subalit ang katotong si Benny, na isang lider-manggagawa, at naninirahan sa San Mateo, Rizal, ay matindi ang ikinwento sa akin. 

Sa kasagsagan ng bagyong Ulysses, umabot sa ikalawang palapag ng kanilang inuupahang bahay ang baha. Kaya silang mag-anak na naroroon sa unang palapag ay napilitang umakyat sa ikatlong palapag, at umakyat ng bubong dahil pataas ng pataas ang tubig.

Nang may dumating na saklolong bangka, pinasakay niya ang kanyang misis at mga anak. Nagdalawang-isip pa siya dahil mayroon pa siyang alagang aso, at maraming kagamitang maiiwan.

Mabuti't nakinig siya sa kanyang misis na sumama na siya sa dumating na bangkang sumaklolo sa kanila. Naiwan niya ang aso nila na sa kalaunan ay hindi na nila nakita. Marahil ay nalunod na sa kasagsagan ng bagyo. 

At kung hindi siya nakinig sa kanyang misis, malamang ay hindi na siya nasaklolohan pang muli, at marahil ay hindi na siya nasagip, tulad ng kanyang asong mahal na mahal niya.

Marami pang kwento akong napanood sa telebisyon. Nagbabalik ang alaala ng Ondoy, pati na ng bagyong Yolanda, na naging dahilan upang mapasama ako sa mga lakaran hinggil sa klima, tulad ng pagkakapunta ko sa Thailand, dalawang araw matapos ang Ondoy. Setyembre 21, 2009, Lunes, nang mag-aplay ako ng ikalawa kong pasaporte, nakuha iyon ng Setyembre 25, 2009, Biyernes. Sumapit ang bagyong Ondoy, biglaan, kinabukasan, Setyembre 26, 2009. 

Lumubog ang opis ng paggawa kung saan ako natutulog, at mabuti't nasa ibang opis ako natulog nang araw na iyon kaya hindi nabasa ang aking bagong pasaporte. Dahil kung hindi'y tiyak na hindi ako makakasama patungong Thailand para dumalo sa pagpupulong hinggil sa usaping climate change. Setyembre 28, 2009 ay nakalipad na kami ng tatlo pang kasama patungong Bangkok.

Nanalasa ang matinding bagyong Yolanda ng Nobyembre 8, 2013, at isang taon matapos iyon ay nangampanya kami sa pamamagitan ng Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban noong 2014. Hanggang mapasama sa French leg ng Climate Walk mula Rome hanggang Paris noong 2015, ang panahong nilagdaan ang Paris Agreement, kung saan ang usaping klima'y pinag-isipan, pinag-usapan, pinagkaisahan at nilulutas.

Nang dumating ang bagyong Ulysses, nagbabalik ang mga alalahanin. Ano nang mangyayari sa ating daigdig? Noong 2018 nga, inilabas na ng mga siyentipiko na labingdalawang taon na lang ay hindi na mababalik sa dati ang klima ng mundo kung hindi magbabawas ng emisyon ang maraming bansa. At ngayon, 2021 na. May siyam na taon pa. May climate emergency na.

Hanggang ngayon, sumisigaw pa rin kami ng Climate Justice Now! upang dinggin ng iba't ibang bansa na magbawas na ng emisyon at huwag nang gumamit ng dirty energy tulad ng coal plants. Patuloy din ang aming pagbibigay ng pag-aaral sa iba’t ibang samahan upang magpaliwanag hinggil sa usaping klima. Patuloy pa rin ang pangangalsada. Subalit hanggang kailan tayo sisigaw?

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 1-15, 2021, pahina 13-14.

Biyernes, Oktubre 29, 2021

Kwento: Kahalagahan ng tubig

KAHALAGAHAN NG TUBIG
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Madalas, nag-iipon kami ng tubig sa malaking dram mula sa tubig-ulan upang may maipambuhos sa inidoro o kaya'y panglinis sa sahig at sasakyang pampasaherong dyip ng tiyo.

Isang araw, biglang nawalan ng tubig sa kahabaan ng kalsadang kinatitirikan ng aming mga bahay, kaya ang mga magkakapitbahay ay nagsipilahan sa pag-igib ng tubig sa isang posong binuksan ng barangay. Poso iyong ginagamit ng mga bumbero para maglagay ng tubig sa kanilang trak. Inaayos daw ang daluyan ng tubig sa kabilang kalsada dahil pulos kalawang ang lumalabas, sabi ng isang kapitbahay. Pag natapos na raw iyon ay saka magkakaroon ng tubig sa gripo.

Kami namang magkakapatid, naiwan naming nakabukas ang gripo kahit hindi tumutulo. Umaasang pag pumatak na ang tubig sa gripo ay may tubig na. Nakipila rin kami, at nagdala ng mga balde upang maigiban ng tubig.

Kinagabihan, nakatulugan na naming magkakapatid na hindi naisasara ang gripo sa lababo at sa banyo.

Nagising kami ng madaling araw na umawas na ang tubig sa dram sa banyo. Tulo naman ng tulo ang tubig sa lababo gayong walang anumang nakasahod na timba o palanggana. Buti na lang at nagising si Itay. Pinatay niya ang mga gripo. Nagising din kami. Nasermunan kami ni Itay. "Kayong mga bata kayo, bakit iniwan ninyong nakabukas ang gripo? Tulo tuloy ng tulo ang tubig at umawas pa sa ating sahig."

"Hala, linisin ninyo iyan," sabi ni Itay. Kaya kinuha naming magkapatid ang map. Ako ang gumamit ng map habang ang kapatid kong mas bata sa akin ang kumuha ng palanggana upang doon pigain ang tubig sa map.

Yaon namang tubig-ulan sa dram ay ginamit din namin upang tuluyang luminis ang sahig, di lang malapit sa banyo kundi sa sala. Kumuha kami ng tubig-ulan, nilagay sa timbang may sabon, at ibinuhos namin sa sala upang walisin at tuluyang linisin ang sahig.

Nakita iyon ni Itay. "Bakit kayo nagbuhos ng ganyan?"

"Tubig-ulan naman po iyan, 'Tay. Libre galing sa langit," ang sabi ko.

"Nangangatwiran ka pa. Porke ba libre ang tubig ay aaksayahin na lang ninyo?" ang sabi ni Itay. "Kung tubig dagat iyan o tubig sa ilog, libre iyan. Subalit pag nasa gripo na, libre pa ba iyan? May bayad na iyan, at dapat lagi tayong may nakahandang pambayad diyan. Baka pag nawalan tayo ng tubig, aba'y malaking perwisyo iyan! Di tayo makakaligo, di makakainom ng tubig, di makakapagsaing. Aba'y pag hindi ginagamit ang gripo, isara ninyo!"

Tinandaan namin ang sinabi ni Itay, dahil tama siya. Kung libre ang tubig ay gamitin namin ng tama. Kung may bayad ang tubig, lalo nang dapat naming gamitin ng tama. Dahil ang mahirap ay kung mawalan kami ng tubig.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-21, 2021, pahina 17.

Linggo, Oktubre 17, 2021

Sa araw upang mapawi ang kahirapan

SA ARAW UPANG MAPAWI ANG KAHIRAPAN
(Oktubre 17 - International Day for the Eradication of Poverty)

ngayon ang araw upang wakasan ang kahirapan
dineklara ng UN, araw na pandaigdigan
deklarasyon itong di natin dapat kaligtaan
dahil ito ang adhika ng dukhang mamamayan

sino nga bang aayaw sa ganitong deklarasyon
baka ang mga mapagsamantala pa sa ngayon
upang tumubo ng tumubo, masa'y binabaon
sa hirap, ani Balagtas nga'y sa kutya't linggatong
"Wakasan ang kahirapan!" yaong sigaw ng dukha
"Lipunan ay pag-aralan!" anang lider-dalita
ito rin ang panawagan ng uring manggagawa
at misyon din ng United Nations sa mga bansa

kaya ngayong araw na ito'y ating sariwain
ang panawagang ito ng maraming ninuno natin
mga lider-maralitang talagang adhikain:
wakasan ang kahirapan at sistema'y baguhin

- gregoriovbituinjr.
10.17.2021

litrato mula sa Uring Manggagawa FB page noong Oktubre 16, 2016
ikalawang litrato mula sa google

Martes, Setyembre 14, 2021

Kwento - Mataas na upa, sa iskwater tumira


MATAAS NA UPA, SA ISKWATER TUMIRA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Baguhan lang sa Maynila si Igme. Galing siyang lalawigan at lumuwas lang ng Maynila upang maghanap ng trabaho. Nakahanap naman ng trabaho si Igme. Hindi sa pabrika kundi bilang magbabasura. Iyon bang kumukuha ng basura sa bahay-bahay at inilalagay sa trak.

Gaano lang ang sinasahod ni Igme sa isang buwan. Sapat lang sa pagkain, na minsan ay kulang pa nga. Paano na ang pambayad sa upa sa bahay? Noong una ay nakipisan muna siya sa pamilya ng kanyang pinsan noong bagong salta pa lang siya sa lungsod. Subalit tila kinaiinisan na siya ng asawa ng kanyang pinsan kaya nagpasya siyang mangupahan na lang. Kaytataas ng mga upa ng kwarto. Kaya nag-bed spacer muna siya. Kahit paano ay kaya pa niya ang upa. Hanggang manligaw si Igme sa isang may di gaanong kagandahang dilag na nagtitinda ng gulay sa palengke. Nagkaibigan sila hanggang sila’y ikasal. Hindi na mag-isa si Igme sa kanyang kama, at di na bed-space, kundi kwarto na ang kanyang inupahan bilang mag-asawa. Mahal na ang upa. Hanggang sa abutan sila ng pandemya. Nawalan sila ng trabaho nang mag-lockdown.

Nang lumuwag na ang lockdown, nagbalik siya sa pagtatrabaho bilang basurero, habang ang buntis niyang asawa ay hindi na makapag-tinda sa palengke. Subalit tumutulong sa asawa sa pamamagitan ng paglalabada. Hindi naman maganda ang kinikita nilang dalawa, kaya napilitan si Igme na maghanap ng mauupahang mas mura hanggang mayaya siya ng kanyang mga katrabaho na magtayo ng barungbarong na pansamantala nilang matitirahan sa malapit sa tambakan ng basura. 

Doon muna sila pansamantalang nagtirik ng tirahan kasama ang kanyang mga katrabaho. Doon sa tabi ng tapunan ng basura ay libre silang makatira dahil walang upa, walang maniningil sa kanila. Kaya doon sila nagtayo ng kanilang paraiso - isang munting barungbarong.

Libre ang paninirahan. Walang upa. Libre rin ang magkasakit dahil nasa tabi ng basurahan. Marahil ay ganyan ang kapalaran ni Igme at ng iba pang mahihirap na tulad niya. Ayaw nila ng hirap, tulad ng marami sa atin. Nais nila ng ginhawa, tulad ng marami sa atin.  Subalit dahil sa mahal na upa ng kahit maliit na kwarto na hindi kaya ng kanilang sinasahod, napilitan silang tumira sa iskwater, sa tabi pa ng tambakan ng basura. Naalala ko tuloy ang awitin ni Gary Granada na may pamagat na “Bahay.” Tila ganuon ang nangyari kina Igme. Nagtayo ng tagpi-tagping barungbarong na pinatungan ng bato.

Hanggang magkasarilinan ang mag-asawa at nagkausap.

“Hanggang kailan ba tayo titira rito, Igme?” tanong ni Teresa. “Dito ba natin palalakihin ang ating mga magiging anak?”

Nakatunganga sa kawalan si Igme. Hindi niya mawari ang kanyang kapalaran. Ang nasabi na lang niya sa kanyang asawa na aalis din sila doon kung makakaluwag-luwag na sila. Naisip niyang umuwi sa lalawigan, ngunit anong trabaho ang madadatnan niya roon kundi magsaka na mas mabigat na trabaho kaysa pagtatapon ng basura.

“Kailan ba tayo makakaluwag-luwag? Kakarampot lang naman ang sinasahod mo, kontraktwal ka pa. Hindi pa sigurado kung kailan ka mareregular sa trabaho mo?” ungkat muli ng kanyang asawa.

“Hindi ko alam, Teresa. Basta ang alam ko, aalis tayo rito. Ayoko rin namang itira ka rito. Basta makaluwag-luwag tayo, hahanap ako ng mas maayos-ayos na kwartong uupahan natin. Basta hindi mahal o mataas ang presyo. Baka mapunta na lang sa upa ang sahod ko at hindi na tayo makakain.” Ito na lang ang malungkot na nasabi ni Igme.

“Makakaraos din tayo.” Muling sabi ni Igme sa kanyang asawa. Tila baga pagbibigay ng pag-asa sa walang kapaga-pag-asang kinabukasan.

“Tara, mahal ko, matulog muna tayo. Mag-aalas-dose na pala ng hatinggabi,” ang nasabi na lang ni Igme habang nakatitig sa kawalan.

Umalingawngaw sa di kalayuan ang isang mahinang awitin sa radyo. Tila ba batid ni Gary Granada ang kanilang sinapit. Hanggang unti-unting nakatulugan ni Igme ang pakikinig.

“Isang araw, ako'y nadalaw sa bahay-tambakan
Labinlimang mag-anak ang doo'y nagsiksikan
Nagtitiis sa munting barong-barong na sira-sira
Habang doon sa isang mansiyon, halos walang nakatira

Sa init ng tabla't karton, sila doo'y nakakulong
Sa lilim ng yerong kalawang at mga sirang gulong
Pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato
Hindi ko maintindihan, bakit ang tawag sa ganito ay bahay?

Sinulat ko ang nakita ng aking mga mata
Ang kanilang kalagayan, ginawan ko ng kanta
Iginuhit at isinalarawan ang naramdaman
At sinangguni ko sa mga taong marami ang alam

Isang bantog na senador ang unang nilapitan ko
At dalubhasang propesor ng malaking kolehiyo
At ang pinagpala sa mundo, ang diyaryo at ang pulpito
Lahat sila'y nagkasundo na ang tawag sa ganito ay bahay.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 1-15, 2021, pahina 16-17.

Ang apat kong tanága sa Poetry Night

‎ANG APAT KONG TANÁGA SA POETRY NIGHT ‎ni Gregorio V. Bituin Jr. ‎ ‎Matapos manood ng dulang Manila Carnival Queens sa Metropolitan Theater ...