Linggo, Marso 25, 2012

Ang Dalaga sa Bilibid Viejo - ni G. Bituin Jr.

Ang Dalaga sa Bilibid Viejo
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Halos mabasag ang panga ni Brando, ang siga sa lugar na iyon sa Quiapo, nang masuntok ng isang magandang babaeng hinoldap niya. Sa kapapanood niya ng pelikula nina Jet Lee, tila maalam sa kung fu ang babae. Umaringking siya sa sakit, ngunit di nagpahalata. Tumalikod siya’t mabilis na tumalilis upang di mamukhaan ng babae.

Siya, si Brando, ang siga sa lugar na iyon sa Quiapo, sa lugar na pinangalanang Bilibid Viejo St. Ayon sa kasaysayan, sa kinatatayuan ng lugar nila mismo binitay ng mga Amerikano ang rebolusyonaryong bayaning si Macario Sakay, pati na ang kanyang kasamang si Lucio De Vega.

Malapit lang ang Bilibid Viejo sa iba’t ibang unibersidad na sakop ng University Belt area. Dito nakatira at laging nakatambay si Brando. Patulong-tulong siya sa kanyang ina sa maliit nitong karinderya. Ngunit nababagot siya sa gawaing iyon, kaya naghahanap siya ng ibang mapapagkakitaan. At dahil wala namang natapos at pulos pakikipagbarkada lang ang alam, pinasok niya pati pagdudroga at panghoholdap. At iyon nga, nakatapat niya ang matapang na babaeng nanapak sa kanya.

Dalawang araw ang nagdaan, napansin ni Brando na parang ang babaeng hinoldap niya ay naroon sa Bilibid Viejo at isa sa bagong border ng kanilang kapitbahay. Kanina lang ay bumili ito sa kanyang inang maysakit na nagtitinda-tinda ng kung anu-ano sa may kanto. Nais niyang makilala ang babae, ang magandang babaeng kayganda ng mga ngiti, ang babaeng di niya naisahan at unang nakaalpas sa kanya, ang tanging babaeng nakagulpi sa kanya.

Kinaumagahan, papungas-pungas pa siyang ginising ng kanyang ina. “Hoy, Brando, gumising ka nga diyan at pagbilhan mo muna yung babae at masakit ang balakang ko.” Laking gulat niya nang makitang ang babaeng nanapak sa kanya ang bumibili. Nagulat din ang babae nang makita siya. “Ikaw ang nangholdap sa akin nung isang araw, ah! Buti na lang nakawala ako sa iyong hayup ka!” Ito ang pabulyaw na sabi ng babae, sa harap pa naman ng maraming kumakain doon.

“Brando! Nakilala ka ng biktima mo, ah!” sabi ni Berto, isang barangay tanod.

Nagpanting sa galit si Aling Ema, ang nanay ni Brando. Nasapok niya si Brando sa harap ng marami. Nanliit sa hiya ni Brando. Di niya maitanggi ang kanyang ginawa, at bigla niyang nahawakan ang panga niyang inabutan ng sapak ng babae.

Kinahapunan, umalis siya ng kanilang bahay. Di na siya nakapagpaalam sa kanyang ina, nais niyang mabura sa isipan ang kahihiyang sinapit. Gusto niyang maglayas. Ngunit laking gulat niya ng makita niya muli ang babae. Tila, inaabangan siya. Si Ara. May kasama ito. “Brando, maari ba kitang makausap?” ani Ara. “Magmeryenda muna tayo.”

Nahalina si Brando sa magandang ngiti ng babae at magiliw na pakikitungo nito sa kanya na parang di niya ito hinoldap nung isang araw. Kaya sumama siyang kumain ng hamburger sa kanto ng Bilibid Viejo at Matapang St. “Nakausap namin ang nanay mo. Nagtataka raw siya kung bakit mo ginawa iyon, gayong kahit maysakit siya'y nakakaraos naman daw kayo. At naabutan ka naman daw niya ng kahit kaunting barya. Alam mo, sayang ka, guwapo ka pa naman! Kung ginagamit mo sa kabutihan ang tapang mo, mapapakinabangan ka pa ng bayan. Ilang beses mo na bang ginagawa iyon?” Tanong ni Ara.

“Pangatlo ko lang iyon, Bos. Nagbabaka-sakali lang, para pandagdag sa pambili ng gamot ni ermat. Lagi kasing inuubo, eh. Sa hirap kasi ng buhay, di ako makadiskarte ng matino, Bos."

“Ara na lang itawag mo sa akin. Sabi ng nanay mo, pinapag-aral ka raw, ayaw mo namang mag-aral.”

“Paano pa ako mag-aaral, mga kaklase ko, mga bata. Grade 5 nga lang naabot ko.”

“Wala ka bang pangarap? Ano plano mo sa buhay? Halimbawang trenta anyos ka na, o kaya singkwenta anyos ka na, anong gusto mong maging?” Tanong muli ni Ara.

Napatungo na lang si Brando. “Di ko alam kung paano na mangarap. Mahirap naman kung pangarapin kong maging presidente ng Pilipinas, o kaya piloto ng eroplano, di nga ako nakapag-aral. Tiyak, labas ko nito, tagawalis ng kalsada.”

“Pwede ka pang mangarap, Brando,” sabi ni Ara. “Tulad namin, kailangan mong pag-aralan ang lipunang ito. Alam mo ba kung bakit may dukha, kung bakit laksa-laksa ang naghihirap at may iilang yumayaman, kung bakit naghihirap ang mga masisipag na manggagawa, habang lumulobo sa yaman ang iilang may-ari ng kumpanya? Bakit pag nang-umit ng isang plastik na tinapay ang maralitang nagugutom, kulong agad, pero ang malakihang pagnanakaw ng mga pulitiko sa pondo ng bayan, hanggang sa ospital lang, tulad ni Gloria.”

“Di ko alam iyan, at wala akong panahon diyan. Ang kailangan ko’y pera para mabili ko dapat bilhin,” tumayo na siya’t akmang aalis.

“Hintay muna, Brando. Eto nga pala ang sandaang piso, makakatulong ito sa iyo kahit konti. Nag-ambagan kami ng kaibigan ko para ibigay iyan sa iyo. Huwag ka sana muling manghoholdap, baka makulong ka na sa susunod. At saka bago ka umalis, samahan mo muna kami. Diyan lang sa Mendiola, mga dalawang oras lang, tapos pamimiryendahin ka muli namin.” Sabi naman ng kasama ni Ara, si Mina.

Naisip ni Brando na umalis na dahil nahihiya siyang makaharap ang dalawang ito. Hinoldap na nga niya si Ara, pero nakawala ito nang masapak siya nito. Tapos sasama pa siya sa mga ito. Ngunit di siya nakawala sa dalawa. Para itong mga amasona na inakbayan siya. Buti na lang magaganda ang dalawang ito at kaysarap amuyin ng kanilang pabango. Naglakad sila hanggang Mendiola. Marami nang tao doon. Ibinigay ni Mina kay Brando ang isang plakard. “Nababasa mo ba ito?”

“Marunong naman akong magbasa, Grade 5 nga inabot ko, eh.” Binasa niya ang nakasulat: “Presyo ng Langis at LPG, Ibaba! - Sanlakas - BMP - KPML - PLM”.

Sa isip ni Brando, alam na nina Ara at Mina kung saan siya pupuntahan. Makakapangholdap pa ba siya? Pero naisip niya, buti na lang di siya ipinapulis ng mga ito’t baka ngayon, nasa bilibid na siya. Hawak ang plakard ay nakinig na lang siya sa mga nagsasalita sa trak. Maya-maya, tinawag si Ara para magsalita.

Hawak ni Ara ang megaphone at sinabi nito: “Naririto tayo ngayon upang ipaglaban ang ating mga karapatan! Tinanggalan ng bahay ang ating mga kasamang maralita sa Mariana, Tatalon, at R10. Biktima ng kontraktwalisasyon ang marami nating manggagawa. At ngayon, patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis at LPG! Apektado ang iba pang bilihin! Walang magawa ang gubyerno kundi sundin ang atas ng mga kauri nilang kapitalista! Walang mapala ang mamamayan sa kanila, kundi pawang kahirapan! Nasaan na tayo, kabataan? Kailangan ba nating mangholdap na lang para maibsan ang ating kahirapan, para may pandagdag gastos para makabili ng gamot ng ating ina, gayong pinahihirapan natin ang ating kapwa? O ang tama ay makibaka tayo para baguhin ang ating kalagayan sa ilalim ng kapitalistang sistemang ito na yumurak sa dangal ng ating pagkatao at dahilan ng pagkawasak ng buhay ng marami? Halina, mga kapwa ko kabataan! Pag-aralan natin ang lipunan at makibaka tayo para sa isang makatarungang lipunan para sa lahat. Rebolusyon! Halina’t ipaglaban natin ang sosyalismo hanggang sa tagumpay!”

Nakatitig si Brando kay Ara. Ang ganda-ganda ni Ara. At pagkaganda-ganda ng kanyang sinabi, nanunuot sa kaibuturan ng kanyang diwa. Tama si Ara, sa isip-isip niya. Bakit nga ba siya manghoholdap kung kapwa niya mahihirap ang binibiktima niya? Mayaman na lang kaya ang kanyang biktimahin? O ang mas mabuti, makiisa siya kina Ara para ipaglaban ang isang magandang bukas?

Natapos nang magsalita ni Ara, at iniabot na sa iba ang megaphone. Ngunit si Brando, nakatulala kay Ara. Parang umaalingawngaw pa rin sa kanyang pandinig ang mga salitang pinagdiinan ni Ara kanina sa megaphone: Rebolusyon. Sosyalismo. Ano ang mga ito? “Maraming salamat, Ara. Nabuksan ang isip ko ng sinabi mo. Ayaw ko nang mangholdap, pero di ko alam ang gagawin ko.”

"Totoo ba iyan, wala nang holdap-holdap, ha? Pangako?"

"Pangako," nagugulumihanang sagot ni Brando.

“Mabuti pa, sumama ka na lang sa sunod na rali namin. Pero bago iyon, may pag-aaral mamaya sa tinutuluyan ko. Ang paksa “Aralin sa Kahirapan”, dalo ka doon, ha? At saka usap pa tayo. Marami pa tayong pag-uusapan. Papunta na nga pala kami roon.” Tumango siya. Mula Mendiola, sabay silang bumalik ng Bilibid Viejo.

Bagong buhay, bagong pangarap, bagong pag-asa. Ito ang naramdaman ni Brando sa mga bago niyang kaibigan. Ang nais niyang takasang Bilibid Viejo noon ay binago ng dalagang nakilala niya't nanirahan na sa kanilang lugar sa Bilibid Viejo.

Sabado, Pebrero 25, 2012

Polyeto para sa Marso 8

Sa Gitna ng Kapitalistang Krisis, Labanan ang Tumitinding Pagsasamantala at Pang-aapi sa Kababaihan
Pagbabago! Isulong ang Kilusang Kababaihan para sa Paglaya!
Sa rumagasang pagbulusok ng ekonomiya ng mga maunlad na bansa gaya ng Amerika. at sa Europa na nagdudulot ng malawakang pagsasara ng mga kompanya at pagkatanggal sa trabaho ng maraming manggagawa, Ang pangunahing prioridad ng Estado ay proteksyunan at isalba ang interes ng mga kapitalista. habang ang libo-libong manggagawa na nawalan ng trabaho ay hayaang magsakripisyo, at magtiis sa pagbabawas at pagkakait ng mga sebisyong panlipunan. Hayaan ang bawat indibidwal na mangagagawa at mamamayan na lunasan ang kanyang kahirapan.
Ito rin ang ginagawa ng gobyerno ni Noynoy. Taliwas sa kanyang mga pangako at pagtahak sa tuwid na landas. Hangang ngayon ang slogan na walang mahirap kung walang korap ang kanyang ginagamit upang patuloy niyang linlangin ang masang Pilipino. Ganung kung susuriin ang kanyang yaman, isa siya sa pinaka-korap na lider ng bansa. Nais libangin ni Noynoy ang taumbayan sa panonood ng teleserye, ang impeachment ni Chief Justice Corona, upang maiwaksi ang tunay na isyu at problema ng bayan.
Ang walang habas na pagtatataas ng presyo ng langis at tila awtomatikong pagtaas din ng lahat ng presyo ng singil sa serbisyo ng kuryente. tubig, . transport, medikal, pabahay at ganundin higit sa lahat ang sunod-sunod na pagtatangal ng trabaho sa mga manggaggawa, ang dapat tutukan at lapatan ng solusyon at programa ng pamahalaan.
Ngunit katulad ng mga nagaganap na krisis sa ibang bansa, ang ayuda kay Noynoy ay sagipin ang mga naghaharing kapitalista gaya ni Lucio Tan. Isang patunay ang pagpabor ng gobyerno sa PAL maneydsment kontra sa 2, 600 na manggagawa. na karamihan ay kababaihan na tinanggal sa layunin ng outsourcing o pagbibigay ng trabaho sa iba bilang contractual.
Ganito, din ang mas masaklap na karanasan ng mga mangagagawang kababaihan sa elektroniks at sa garments. Nilulunasan ang matinding kahirapan sa pamamagitan ng pagtitipid. Nagsasalo ang buo pamilya sa halos araw-araw na pagkaing de lata, frozen foods, NFA rice at noodles. Hindi na mahalaga ang nutrisyon at kalusugan sa pamilyang kumakalam ang sikmura. Napipilitan ang mga manggagawang nawalan ng trabaho lalo na ang mga kababaihan na maghanap ng iba ikakabuhay. Ang iba ay nag-aabroad upang magtrabaho bilang mga domestic helper, ngunit nakakalungkot na marami sa kanila ay nagiging biktima ng karahasan, pang-aabuso sekswal. at pambugbog ng mga amo sa kanilang pinuntahan bansa. At ang tanging ginagawa ng pamahalaan ay bigyan ng pampalubag loob na tulong pinansyal na nanggaling din naman sa kontribusyon ng mga OFWs. Ang iba naman women workers na nakakapasok muli sa trabaho bilang mga kontraktuwal ay sari-saring panggigipit at diskriminasyon ang nararanasan umpisa sa pagkuha ng mga requirements sa mga ahensya ng gobyerno hanggang sa agency humahawak sa kanila kapalit ng maliit na sahod sa napakahabang oras ng pagtatrabaho. Na sa ganitong kalagayan, hindi na rin nabibigyan ng pansin ng mga kababaihan ang kanilang kalusugan lalo na ang kanilang reproductive health. Dahil bukod sa nakatali sila sa maraming gawain at mahabang oras ng paggawa, walang programa ang gobyerno para sa mura at komprehensibong pangangalaga sa kanialng kalusugan bilang babae.
Sa pag-aaral napakaraming kababaihan ang kalahok sa ibat-ibang larangan ng gawain, sahuran at mga unpaid workers. Lahat sila ay nagbibigay ng kontribusyon sa lakas –paggawa upang mabuhay, ngunit ang mga kapitalista ginagamit ang lakas-paggawa upang tumubo at magkamal pa ng maraming yaman. Ito ang pinanatili na sistema ng gobyerno. Kaya mahalaga sa bawat babae na maunawaan at makita ang tunay na kalagayan at mukha ng lipunan bilang isang malawak na puwersa. Hindi nararapat na umasa lamang at mag-antay na mababago ang takbo o ikot ng mundo. Kailangan kumilos, mula sa sarili ay magmulat, at ibahagi sa iba ang mga natutuklasan pang-aapi at pagsasamantala sa anyo ng huwad na demokrasya. Alamin at tumindig sa mga unibersal na karapartan bilang babae. Isang hakbang ang naka-pendng na Reproductive Health Bill, na nais ng gobyerno na matulad sa mga batas na nakaligtaan na dahil hindi na ipinursigeng ilaban.
SA DARATING NA MARSO 8, ANG PANDAIGDIGAN ARAW NG MGA KABABAIHAN, IPAKITA NATIN ANG MALAWAK NA PUWERSA AT LAKAS PARA SA HINAHANGAD NA PAGBABAGO! PAGLAYA NG KABABAIHAN! NGAYON NA!!!
-WE-

Huwebes, Enero 19, 2012

Kuwentong Kahayupan sa Gubat - ni Jhuly Panday

Kuwentong Kahayupan sa Gubat
ni Jhuly Panday
Ilang daang taon na ang nakararaan, nakaranas ang mga hayop na nakatira dito sa ating kagubatan ng kahirapan sa buhay dahil sa hindi mapigilang pagtaas ng halaga ng pagpapalitan ng mga produkto. Isang halimbawa nito ay ang palitan ng isang tumpok ng kamote na nuon ay kalahating baso ng gatas lamang ang katapat na halaga.
Ang masaklap nito ay ang anunsyo ng mga hayop na nagmamay-ari ng lupaing tinatamnan ng kamote na muli silang magtataas ng halaga dahil raw sa pagtaas ng presyo ng kamote sa ibang kagubatan ng mundo. Inihayag nila na magtatas sila mula kalahating baso sa dalawang baso ng gatas sa bawat isang tumpok ng kamote. Nangangahulugang magtataas sila ng isa't kalahating baso ng gatas sa bawat tumpok ng kamote.
Muling umugong sa buong kagubatan ang masamang balita na ito. Ngunit kahit anong angal ang gawin ng mga hayop ay wala silang magawa upang mapigilan ito. Halos lingo-linggo ang pagtaas ng halaga ng palitan ng mga pangunahing produkto. Nadidismaya na sila ngunit parang bingi ang mga may hawak ng merkado sa kanilang mga hinaing.
Narinig ng pinuno ng kagubatan ang balitang pagtaas ng halaga ng kamote, alam niya na kung hindi siya gagawa ng hakbang upang ito ay mapigilan siguradong mag-aalsa ang mga nasasakupan niya. Kinakabahan siya, kailangan niyang maka-isip ng solusyon sa madaling panahon!
"Ayos!" Sigaw ng pinunong hayop.
"May naisip na akong solusyon sa problemang ito!" Deklarasyon ng pinunong hayop.
"Ipatawag ang mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote!" Utos ng pinunong hayop sa mga hayop na kawal.
Ilang sandali pa ay dumating ang mga hayop na kawal kasama ang mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote.
"Paano ba natin magagawan ng paraang hindi mag-alsa ang mga hayop sa napipinto na namang pagtataas ninyo ng halaga ng kamote?" Tanong ng pinunong hayop sa mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote.
"Pinunong hayop, wala na kaming magagawa pa, malaki na ang nawawala sa aming kinikita. Kilangan naming bawiin ang nawalang kita namin." Sagot ng mga hayop na may control sa merkado ng kamote.
Nakangiting nakikinig ang pinunong hayop sa paliwanag ng mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote, parang hindi nababagabag sa sinasabi ng kanyang mga kaharap.
"May mungkahi ako sa inyo na magiging kapakipakinabang para sa akin at para na rin sa inyo." Sabi ng pinunong hayop.
Seryosong naghintay ang mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote sa ano mang sasabihin ng pinunong hayop, kapakipakinabang nga naman ito para sa kanila.
"Itaas ninyo ang halaga ng kamote ng tatlong baso ng gatas sa bawat isang tumpok!" Pahayag ng pinunong hayop.
Ano?" Gulat na biglang bulalas ng mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote.
"Eh di lalong nagalit ang mga hayop sa amin dahil sa sobrang pagtaas na iminumungkahi ninyo?" Dugtong ng mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote.
"Teka lang mga hayop na kaibigan ko." Buwelta ng pinunong hayop.
"Palalabasin nating kailangan ninyong itaas ng tatlong baso ang halaga ng palitan ng isang tumpok ng kamote, at ako naman ay magpapalabas ng isang anunsyo pagkatapos ninyong maipatupad ang pagtaas na ito. Makiki-usap ako kunwari sa inyo na ibaba ng kalahati ang itinaas na halaga ng kamote. Nangangahulugan na ibaba ninyo ang halaga ng isa at kalahating baso, malaking pagbaba ito diba?" Paliwanag ng pinunong hayop.
Biglang napakamot ng baba ang mga hayop na may kontrol sa merkado ng kamote. Magandang ideya nga naman ito, lalabas na sila ay hindi gahaman dahil sila ay magbababa ng kalahating halaga ng kanilang produkto, at ang pinunong hayop naman ay lalabas ring bayani dahil nagawan niya ng solusyon ang problema ng mga nasasakupan.
Ilang araw pagkatapos ng pulong na iyon ay napatupad nila ang kanilang magandang balakin. Tumaas ng tatlong beses ang halaga ng palitan ng kamote at gatas.
At nangyari rin ang inaasahang paglabas ng mga hayop upang ikundina ang hindi makatwirang pagtataas ng halaga ng kamote.
Ngunit isang araw makaraan ang pagtaas na ito ay narinig ng buong kagubatan ang ginawang paki-usap ng pinunong hayop na kung maaari ay ibaba ang halaga ng palitan upang maibsan ang nararamdamang kahirapan ng kanyang mga nasasakupan.
Hindi pa natatapos ang araw ay ibinaba nga ang nasabing halaga ng palitan. Perpekto ang plano, napigilan ang paglaganap ng pag-aaklas ng mga hayop sa kagubatan.
Ayun ang akala nila.
Sa isang sulok ng kagubatan ay may mga hayop na nagpupulong at pinag-aaralan ang mga kaganapan sa buong kagubatan. Sila ang mga hayop na sukdulan na ang galit sa manipulasyong ginagawa ng pinunong hayop at ng ilang hayop na makapangyarihan. Hindi na nila mapalalagpas ang mga pang-uutong ginagawa ng mga naghaharing hayop
Kung hindi sila gagawa ng pagkilos siguradong ang mga susunod na salinlahi ng mga hayop ay sasakmalin rin ng mga mapang-abuso at mapagsamantalang uri sa kagubatan.
Panahon na upang baguhin ang sistema, panahon na upang wakasan ang pagsasamantala sa kagubatan.

Linggo, Nobyembre 13, 2011

Tayo ang 99.999%

TAYO ANG 99.999%
ni Greg Bituin Jr.
Simboliko ang katawagang 99%. Tumutukoy ito sa mga mayorya ng naghihirap na mamamayan sa buong mundo. Sila ang pinahihirapan ng 1% ng bilyonaryo at milyonaryo sa daigdig.
Ayon sa United Nations, umabot na sa 7 Bilyon ang tao sa buong mundo. Ang 99% ng 7B ay 6,930,000,000, at ang 1% ay 70,000,000. Ibig sabihin, 70 Milyon ang mayayamang kumokontrol sa buong mundo. Napakalaki ng bilang nila, 70M. Baka nga mas maliit pa ang bilang nito dahil sa kanilang kumpetisyon ay tiyak nagkakainan sila. Marahil 0.01% o 700,000 lang sila, at tayo naman ay nasa 99.99% o 6,999,300,000. O kaya sila'y 0.001% o 70,000 milyonaryo sa buong mundo, at tayo naman ay 99.999% = 6,999,930,000.
Gayunpaman, dahil ipinanawagan na sa buong mundo ang 99%, na hindi naman ito round-off, ito na rin ang tinanggap natin, dahil mas madaling maunawaan ng simpleng masa. Naghihirap ang 99%. Ang damuhong 1% ang dahilan ng patuloy na kahirapan at pagdurusa ng sambayanan.
Dito sa Pilipinas, sa populasyon nating 94 Milyon, tayong nasa 99% ay bumibilang ng 93,060,000, habang silang 1% ay 940,000 milyonaryo lamang, o marahil ay napakababa pa ng bilang nito. Marahil sila'y 0.001% o 940 lamang, habang tayo'y 99.999% o 93,999,060 katao. Ang bilang ng bilyonaryo'y tiyak na mabibilang sa daliri.
Ngunit sa ating kabilang sa 99%, ilan dito ang organisado? Wala pa bang 1% ng 99%, o 930,600? May 1,500 na unyon na nakatala sa DOLE, kung saan nasa 8 milyon ang organisado. Pero ang may CBA lamang ay nasa 200,000 indibidwal. Ibig sabihin 8.5% lamang manggagawa ang organisado, ngunit 0.2% lamang ang may CBA.
Nakararami ang mga mahihirap sa bansa. Nariyan ang nasa sektor ng maralita, magsasaka, mangingisda, at iba pa. Kaunti na lang ang mga regular na manggagawa, at karamihan ay mga kontraktwal na. Dapat silang maorganisa bilang kasama sa 99% upang baguhin ang kalagayang ang kumokontrol lamang sa buhay ng mayorya sa Pilipinas ay ang 1%. Isama na rin natin dito ang ispesyal na sektor ng kababaihan at kabataan upang mas tumaginting ang tinig ng protesta laban sa mga naghaharing uri.
Kabilang sa nasa 1% ang mga nakaupo sa kongreso at senado, mga nasa ekekutibo at hudikatura, mga malalaking negosyante, anupa't nakapwesto sila sa matataas na posisyon sa pamahalaan at mayhawak ng malalaking negosyo sa bansa. Sila ang mga bilyonaryo't milyonaryong dahilan ng kahirapan ng higit na nakararami. Sila ang may-ari ng mga pabrika, makina, at malalawak na lupain, na kahit yata dagat at hangin ay gusto ring ariin at pagtubuan. Sila ang gumagawa ng batas, na dapat sana'y para sa lahat ng mamamayan, ngunit laging pabor sa kanilang uri. Sila ang nagpauso ng salot na kontraktwalisasyon na pahirap sa manggagawa. Sila ang madalas magpademolis ng bahay ng maralita. Sila ang mga kapitalistang mahilig magpunta sa simbahan, magdasal, at laging nagbibigay ng malaking donasyon sa simbahan, ngunit hindi maitaas ang sahod ng kanilang manggagawa. Silang 1% ang dahilan ng malaking agwat ng mahirap at mayaman.
Sa buong mundo, ang 1% ang kumokontrol sa ekonomya ng daigdig. Sila ang nagsasagawa ng polisiya sa World Bank, International Monetary Fund, World Trade Organization, at iba pang mga financial institution. Sila ang nagpapautang sa maraming mahihirap na bansa, ngunit may malaking interes, na dahilan upang lalo pang maghirap ang mga mahihirap.
Silang mga nasa 1% ang pahirap sa bayan, pahirap sa buong mundo. Hangga't pag-aari nila ang malalawak na lupain, makina't pabrika, paiikutin lang nila tayo sa kanilang mga maninipis na palad, habang ang mga manggagawa't iba pang aping sektor ng lipunan ay pulos lipak at kalyo na ang palad ngunit nananatiling mahirap. Silang mga nasa 1% ang dapat nating patalsikin.
Tayong nasa 99% ay dapat maorganisa sa adhikaing baguhin ang lipunang ito tungo sa pagtatayo ng isang lipunang makatao kung saan wala nang 1% na nagpapahirap sa sambayanan. Dapat tayo na'y maging 100% na nakakakain ng sapat sa bawat araw, at nakakamtan ang ating mga batayang karapatan, kabilang na ang karapatan sa paninirahan, trabaho, kalusugan, edukasyon, at iba pa.
Ngunit hindi natin ito makakamtan kung hindi tayo kikilos. Kung hindi tayo, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan pa? Halina’t mag-organisa! Baguhin ang sistema!

Lunes, Nobyembre 7, 2011

Mga Agos sa Disyerto: Isang Pagsusuri

MGA AGOS SA DISYERTO: ISANG PAGSUSURI
ni Greg Bituin Jr.
Ang pag-alon ng Mga Agos sa Disyerto ang nagbukas ng bagong yugto ng panitikang Pilipino na nakabatay sa totoong kalagayan ng nakararami sa lipunan - ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan at kabataan. Ang mga maiikling kwento sa Mga Agos sa Disyerto ay inakda nina Efren Abueg, Dominador Mirasol, Rogelio Ordoñez, Edgardo Reyes at Rogelio Sikat. Sa mga manunulat na ito'y tanging si Ordoñez pa lang ang aking nakadaupang-palad at nagbigay sa akin ng huli niyang libro ng mga tula sa launching nito.
Binago ng grupong Mga Agos sa Disyerto ang panitikang Pilipino nang pinaksa nila sa kanilang mga akda ang buhay ng karaniwang tao, lalo na ang mga manggagawa, magsasaka, maralita, kababaihan, at kabataan. Sa usapin ng uring manggagawa, nariyan ang mga kwentong "Mga Aso sa Lagarian" at "Makina" ni Dominador Mirasol, "Dugo ni Juan Lazaro" at "Buhawi" ni Rogelio Ordoñez, at “Daang Bakal” ni Edgardo M. Reyes. Sa paksa ng magsasaka, nariyan ang kwentong "Tata Selo" ni Rogelio Sikat, "Lugmok na ang Nayon" ni Edgardo Reyes, at "Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya" ni Rogelio Ordoñez. Sa paksang maralita, nariyan ang "Impeng Negro" ni Rogelio Sikat, na siyang una kong nabasa nang ako'y nasa high school pa. Sa usaping kababaihan, nariyan ang "Ang Lungsod ay Isang Dagat" ni Efren Abueg, "Isang Ina sa Panahon ng Trahedya" ni Dominador Mirasol, at "Ang Gilingang-Bato" ni Edgardo Reyes. At sa usaping kabataan ay ang "Mabangis na Lungsod" ni Efren Abueg at "Di Maabot ng Kawalang Malay" ni Edgardo Reyes.
Mabisa ang mga paglalarawan sabuhay ng karaniwang tao. Lumitaw ang grupong Mga Agos sa Disyerto sa panahong tigang ang panitikang Pilipino sa mga agos ng totoong nangyayari sa lipunan, sa panahong pulos pag-iibigan at romansa ang nangingibabaw na panitikan, dahil ito ang nais ng komersyal. Binali nila ito at sinundan nila ang yapak ng mga nauna sa kanila, tulad ni Rizal na may-akda ng Noli at Fili, ni Amado V. Hernandez na may-akda ng marami ring maiikling kwento at kilalang nobelang "Mga Ibong Mandaragit" (na dumugtong sa El Fili ni Rizal) at "Luha ng Buwaya", ni Lazaro Francisco na may-akda ng nobelang satire na "Maganda pa ang Daigdig" at "Daluyong", at marami pang iba.
Batay sa mga totoong pangyayari at may mabisang paglalarawan ng tunggalian ng uri, ang mga akda sa aklat na Mga Agos sa Disyerto ay sadyang taga sa panahon, mga paglalarawan ng mga pangyayaring hanggang ngayon ay umiiral pa, lalo na ang kahirapan at pagmamalupit ng mga kapitalista sa mga manggagawa. Mga kwentong hindi pumasa sa magasing Liwayway ngunit nanalo ng Palanca, at nailathala sa magasin ng kolehiyo, tulad ng The Quezonian ng MLQU.
Gayunpaman, bagamat mabisa ang mga paglalarawan, kulang upang kumbinsihin ang mambabasa upang baguhin nila ang api nilang kalagayan, baguhin ang bulok na sistema, baguhin ang mapagsamantalang lipunan. Marahil, hindi sakop ng panitikan ang ideyolohikal na pakikibaka. Ngunit may pangangailangang gamitin ang panitikan upang ilarawan ang masahol na kalagayan ng mahihirap sa ilalim ng kapitalistang sistema, at kasabay nito’y makapangumbinsi at manawagan ang panitikan ng pagwasak sa pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon dahil ito ang ugat ng kahirapan, paksain kahit pampulitikang ekonomya, kung bakit sosyalismo at di unyonismo ang landas ng paglaya, bakit walang dapat magmay-ari ng lupa’t pabrika, bakit kailangan ng sosyalistang rebolusyon, atbp.
Ang panitikan ay nagbabago, umuunlad. At ang mga kwentista'y mas nagiging matalas na rin sa pagsusuri sa lipunan. Kung noon ay palasak sa mga kwento ang malapyudal at malakolonyal na lipunan, ngayon naman ay naging tungkulin na ng mga manunulat na ilagay sa kwento ang mga pagsusuri ngayon batay sa kongkretong kalagayan ng kapitalistang lipunan. Nasapol ito mismo ni Rogelio Ordonez sa kanyang maikling kathang "Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya" nang kanyang tinalakay dito kung paanong ang isang bukirin ay naging pabrika, ang mga magsasaka'y naging manggagawa, pati na mga problema sa pabrika tulad ng kawalan ng umento sa sahod at ang pangamba sa pag-uunyon.
Sa ngayon, may panibagong hamon sa mga seryosong manunulat, ang ilarawan sa kanilang mga maikling kwento ang tunay na kalagayan ng mga aping sektor ng lipunan, laluna ang uring manggagawa, sa ilalim ng kapitalistang lipunang umiiral ngayon, at ang pangangailangan ng isang bagong sistemang ipapalit sa kapitalismo - ang sosyalismo. At ang mahalaga, mailathala ito sa mga magasin, at sa kalaunan ay maisalibro ito sa darating na panahon upang magamit din ng mga mag-aaral sa sekundarya at sa kolehiyo. Sa ngayon, tanging ang nobelang Banaag at Sikat (1906) ni Lope K. Santos ang tumatalakay sa sosyalismo. Nasundan ito ng mahabang tulang Pasion Ding Talapagobra (Pasyon ng Manggagawa) (1936) ni Lino Gopez Dizon. Ngunit sa pagsingit ng kaisipang pambansang demokratiko sa panitikan ay hindi na nasundan ang mga akdang may sosyalistang adhikain, na batay sa pagkakaisa ng uring proletaryado.
Ito ang kailangan ngayon ng bayan upang makatulong sa pagmumulat tungo sa sosyalismo. Mula sa Mga Agos sa Disyerto ay durugtungan natin ito ng mga kwentong magmumulat sa masa patungo sa ating sosyalistang adhikain.
Sa panahong disyerto pa ang panitikan, unti-unti natin itong tatamnan at didiligan upang maging lupaing masasaka, na mapapayabong ang mga tanim upang balang araw ay maani natin ang isang totoong lipunang makatao. Hanggang sa ito’y di na disyerto kundi isa nang lupaing sagana dahil wala nang panginoong maylupa't kapitalistang nag-aangkin ng likas yaman at huhuthot sa lakas-paggawa ng manggagawa. At sinisimulan na ito ngayon.
Siyanga pala, maraming salamat sa isang kasamang nagbigay ng aklat na Mga Agos sa Disyerto na kabilang sa mga binigay niyang halos dalawampung aklat pampanitikan, na pawang nasa sariling wika. Mabuhay ka, kasama!

Linggo, Hulyo 18, 2010

Tula ng kahirapan

Tula ng Kahirapan
kathanimona
Sinulat ni Mona, dating manggagawa ng Temic na ngayon ay nasa New York na

Kaming mga dukha
Sa baryo Binagoongan
Galunggong, kangkong
Tanghalian, hapunan

Pagkaing karne
Tanging pangmayaman
Almusal ay pandesal
Mantikilyang palaman

Pamutat ay saging
Bukayo paminsan
Walang reklamo
Makaraos lamang

Ngayon ang dukha
Sa aking bayan
Kahit tuyo, isda
Di makapag ulam

Sagad sa kahirapan
Gumagawa ng paraan
Basura kinakain
Malamnan lang
Ang tiyan

Kay sakit isipin
Ang yaman ng bansa
Di pakinabangan
Ng maralita

Anong ginagawa
Inutil na pamahalaan
Korapsiyon ,mag umit
Sa kaban ng bayan

Meron bang konsiyensiya
Sa mundo ng burgesya
Silang naghahari
Bulok na burukrasya

Nakita ko si ineng
Pumasok sa iskwela
Butas ang tsinelas
Tagpian ang palda

Lapis niya ay pudpod
Kuwaderno ay kulang
Sikmurang mahapdi
Masakit kumakalam

Walang pamasahe
Utak nagugulumihan
Sustansiya ay salat
Pag aaral ay nabalam

Musmos na mukha
Nagkalat sa lansangan
Nanghihingi ng limos
Damit ay basahan

Ano na ang mangyayari
Sa anak ng bayan
Nalimutang tao
Na may pangangailangan

Sila ay biktima
Gobyernong mapanlinlang
Tanging adhikain
Sarili mapayaman

Sa dulo ng tulay
Mayroon hangganan
Di maglalaot
Maaalsa,lalaban

Silang nagugutom
Daigdig ang pasan
Pulang rebolusyon
Maglilibing sa gahaman

Miyerkules, Marso 31, 2010

Pasyon ng Manggagawa't Maralita

PASYON NG MANGGAGAWA’T MARALITA
ni greg bituin jr.
8 pantig bawat taludtod

(ito'y binasa sa Pasyon ng Manggagawa't Maralita sa Welcome Rotunda, Marso 31, 2010)

ang gumagawa ng yaman
laging pinahihirapan
ng naghaharing iilan
namumuno sa lipunan
ay pawang mga gahaman

lagi nang nasa kalbaryo
ang buhay nitong obrero
kayod doon, kayod dito
kaybaba pa rin ng sweldo
sadyang hirap silang todo

ngayon, sa ating lipunan
kapitalista'y gahaman
sa salapi at puhunan
kanila ang pakinabang
sa obrero'y laging kulang

sa mga kapitalista
pawang tubo itong una
walang pakialam sila
sa mga obrero nila
kahit na ito'y magdusa

ang uring kapitalista
ay talagang walang kwenta
sariling interes nila
ang palaging nangunguna
sadyang kaysisiba nila

ang kawawang manggagawa
kanilang lakas-paggawa
di mabayaran ng tama
pulos sila dusa't luha
manggagawa silang dukha

kontraktwalisasyon, salot
ang kapitalista'y salot
sila nama'y isang dakot
ngunit sila ang kilabot
halina at makisangkot

mga ganid ay ibagsak
na sa tubo'y tambak-tambak
at pagapangin sa lusak
ang kapitalistang tunggak
silang pawang mapanghamak

magkaisa, manggagawa
saanmang sulok ng bansa
sa inyo ang mawawala
ay ang pagkatanikala
ng inyong lakas-paggawa

magkaisa na, obrero
itayo ang sosyalismo
na sadyang lipunan ninyo
sistemang kapitalismo
ay palitan nang totoo

Ang apat kong tanága sa Poetry Night

‎ANG APAT KONG TANÁGA SA POETRY NIGHT ‎ni Gregorio V. Bituin Jr. ‎ ‎Matapos manood ng dulang Manila Carnival Queens sa Metropolitan Theater ...