Linggo, Hunyo 14, 2020

Kwento - Ang pagtaas ng lebel ng dagat at ang 1.5°C

 


ANG PAGTAAS NG LEBEL NG DAGAT AT ANG 1.5°C
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kausap ni Nestor ang mga kapitbahay niyang sina Inggo at Isay, “Alam n’yo ba, mga kasama, na kung hindi raw kikilos ang iba’t ibang gobyerno ay baka talagang hindi na maiwasan ang pag-iinit lalo ng ating mundo sa 2030. Ayon kasi sa IPCC (Intergovernmental Panel on Climate Change) Special Report on Global Warming, na inilabas noong Oktubre 2018, pag umabot na tayo sa 1.5°C sa 2030, hindi mapipigil ang sea level rise o kaya’y irreversible na ang pag-iinit ng mundo.”

“Nakupo, anong gagawin natin?”, ani Inggo, “Mamumundok na ba tayo pag bumaha na at tumaas na ang lebel ng tubig sa mabababang lugar, tulad sa ating lugar dito sa Malabon at sa karatig na Navotas?”

Sumagot si Isay, “Nabasa ko rin iyan. Napag-usapan nga sa isang talakayan hinggil sa klima na upang maiwasan daw ang mapaminsalang epekto sa klima, nakasaad doong dapat bawasan ang pandaigdigang emisyon ng  humigit-kumulang 45% mula sa antas ng 2010 sa pagsapit ng 2030. Nakakatakot ang hinaharap ng daigdig pag umabot na tayo sa 1.5°C, tataas na ang dagat at lulubog ang maraming mga mabababang isla sa iba’t ibang panig ng mundo. Napakasalimuot ng siyensya lalo na kung di mo talaga aaralin. Hindi agad mauunawaan ng karaniwang tao maliban sa talagang dama na natin ang pag-init lalo ng panahon at mga pagbaha sa di naman dating binabaha. ”

“Oo nga, naiisip lang natin iyan pag nakadarama na tayo ng init. Sa a-otso pala ay World Oceans Day. Dapat ay may gawin tayong aktibidad hinggil sa usaping iyan lalo na’t pagtaas ng lebel ng dagat ang epekto ng sinasabi ng IPCC.” Ani Nestor.

“Buti, pinaalala mo,” ani Isay, “Aba’y katatapos nga lang kahapon ng World Environment Day, at sunod ay World Oceans Day naman. Ano ang naiisip mong aktibidad sa Hunyo 8? Aba’y sa Lunes na iyan, ah?”

“Kung dito lang sa ating Samahang Magkakapitbahay, madali lang magpatawag. Kahit mamaya ay asikasuhin na natin ang imbitasyon. Ala-una ng hapon sa harap ng bahay namin bukas, araw ng Linggo, para sa plano sa Lunes.” Sabi ni Inggo. “Pagkat ang mahalaga’y mapag-usapan natin iyang pagtaas ng lebel ng dagat. Imbitahan natin ang Philippine Movement for Climate Justice o PMCJ upang magtalakay ng 1.5°C at paglubog ng mga isla pag naabot na ang pagtaas ng lebel ng dagat.”

“Teka, sandali,” ani Nestor, “Baka may pagkilos sa a-otso. Kausapin muna natin ang mga taga-PMCJ at baka may rali, dalo tayo.”

“Baka sabihin ng PMCJ, ora-orada kung bukas ang pulong.” Ani Isay.

Si Inggo, “Ganito na lang, alamin muna natin kung may pagkilos sa Lunes, at magpulong muna tayo bukas kahit wala munang taga-PMCJ na magtalakay. Detalyehin muna natin ‘yung  pagkilos sa Lunes. Sakaling umaga ang pagkilos, halimbawa, DENR o kaya sa Mendiola, ‘yung hapon naman ay igiit nating magtalakay sila sa ating kapitbahayan.”

Tumawag si Nestor sa PMCJ. Ani Nestor, “Meron daw pagkilos sa Lunes, sabi ng PMCJ. At pwede raw silang magtalakay sa atin bukas sa pulong natin dito. Kaya maghanda tayo, mabilisang imbitasyon sa mga kapitbahayan. Ayos ba sa inyo, mga kasama?”

“Okay. Kita-kits ng alauna sa tapat ng bahay mo. Mag-iimbita na rin ako kahit wala pang nakasulat na imbitasyon.” Nakangiting sabi ni Isay.

Kinabukasan, araw ng Linggo, alauna. Dumating si Jinky ng PMCJ at nagtalakay sa pulong na dinaluhan ng nasa dalawampung katao.

“Mga kasama,” ani Jinky, “Nakakapangamba ang ulat na ang sea level rise ay tumataas sa bilis na 5.7 hanggang 7.0 mm bawat taon dahil sa pag-iinit ng mundo, na sana’y di abutin ang 1.5°C. Maraming lulubog na isla at mga baybayin dahil sa sea level rise, at maaaring marating na natin ang point of no return. Bukas, Hunyo 8, ay World Oceans Day. May pagkilos tayo sa Mendiola. Ikawalo ng umaga ay magkita tayo sa harap ng UST. Ang dahilan bakit tayo tutungo sa Mendiola ay upang irehistro ang ating mga panawagan sa iba’t ibang gobyerno sa mundo, lalo na sa tinatawag na Annex I countries, na bawasan ang kanilang emisyon. Kaya ang mga panawagan natin: Cut the Carbon, Save the Coastline! Phase Out Coal and Fossil Fuel Now! Climate Justice Now!”

“Idagdag natin, Sea Level Rise is Genocide!” Ani Nestor. “Dalawang dyip tayo, ayos ba? Kita-kits bukas. Maghanda na rin tayo ng pagkain.”

“Okay, dalawang dyip. Agahan natin ang gising.” Ani Inggo.

“Maraming salamat, Jinky, sa iyong mga paliwanag!” Sabi ni Isay.

“Salamat din po sa inyong imbitasyon.”  Tugon ni Jinky.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hunyo 1-15, 2020, pahina 18-19.

Linggo, Mayo 31, 2020

Sa mga mambabasa ng Taliba ng Maralita

Mayo 31, 2020
Sa mga mambabasa ng Taliba ng Maralita,

Maraming salamat sa inyong pagtangkilik sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Simula nang matagumpay na mailunsad ang Ikalimang Pambansang Kongreso ng KPML, nakapag-umpisa muli tayo ng paglalathala ng Taliba ng Maralita. Noong mag-umpisa ako sa KPML bilang staff noong taon 2001 hanggang Marso 2008, sa akin pinatrabaho ang paglalabas ng Taliba ng Maralita, kaya nakapaglathala tayo ng Taliba ng Maralita noon sa size na 8.5 x 11 o short bond paper bawat pahina, at walong pahina kada labas nito. Nalalathala ito noon ng isang beses kada tatlong buwan, apat na beses sa isang taon, may kulay ang unang pahina. Nang mawala na ako noong Marso 2008 bilang staff, at naging volunteer na lamang, di na nakagawa ng Taliba ng Maralita dahil na rin sa kakapusan ng badyet.

Subalit lumiit ito ngayon, bawat pahina ng Taliba ng Maralita ay kalahati na lang ng short bond paper. Kaya sa isang buong bond paper, ito'y titiklupin na sa gitna. Matapos ang 5th National Congress ng KPML noong Setyembre 16, 2018, at nahalal ang inyong lingkod bilang sekretaryo heneral ng KPML, inumpisahan muli natin ang Taliba ng Maralita, at ginawang isyu number 1 ang Oktubre-Nobyembre 2018 na labas nito. Mula Nobyembre 2018 hanggang Pebrero 2019 ay isang beses kada buwan ang labas nito. Subalit simula ng Marso 2019 hanggang sa kasalukuyan ay dalawang beses bawat buwan na ito nalalathala. Sa ngayon, nakapaglathala na tayo ng tatlumpu't tatlong isyu, at ang huling nalathala ay ito ngang Isyu 33, Mayo 16-31, 2020, at ang susunod ay Isyu 34, Hunyo 1-15, 2020.

Tulad ng karaniwang dyaryong nabibili sa news stand, ibinebenta sa halagang sampung piso (P10.00) ang Taliba ng Maralita, upang maibalik lang ang puhunan. Gayunman, dahil sa higit dalawang buwang kwarantina o lockdown dahil sa COVID-19, ibinahagi na natin sa lahat, na mababasa na ng libre, ang lahat ng isyu ng Taliba ng Maralita na nasa blog na https://talibangmaralita.blogspot.com.

Sa ngayon, naisipan kong gumawa ng ilang patakaran hinggil sa Taliba ng Maralita, at nais ko kayong magbigay ng mungkahi o puna, pagsusuri, o marahil ay mag-ambag ng sulatin, bilang aming mga mambabasa ng Taliba ng Maralita.

Draft Guidelines, o patakaran ng Taliba ng Maralita

- Dapat ipaalam sa Pambansang Lupong Tagapagpaganap (NEC) ang lalamanin ng bawat isyu ng Taliba ng Maralita

- Dalawang beses isang buwan ang labas ng Taliba ng Maralita, tuwing a-kinse at katapusan ng buwan

- Ito ay naglalaman ng dalawampung (20) pahina, sa isang 8.5 x 11 size bond paper, titiklupin kaya bawat pahina ay kalahati ng bond paper, nasa kalahating pulgada ang margin, at 1 pulgada ang gitna (para sa pagtiklop)

- Ang unang pahina ay headline, o tampok na pagkilos ng maralita, o anumang putok na isyu

- Ang ikalawang pahina ay hinggil sa batas at karapatan

- Ang ikatlong pahina ay Editoryal, at may maliit na kahon hinggil sa Taliba ng Maralita

- Ang ikaapat na pahina ay nakalaan sa sulatin ng pambansang pangulo ng KPML, subalit kung wala siyang sulatin, ang pahina 4 ay maglalaman ng pahayag ng KPML sa anumang putok na isyu

- Ang panggitnang pahina o spreadsheet, pahina 10-11, ay hinggil sa mga tampok na lathalain

- Ang pahina 12-13 ay hinggil sa Balita Maralita, at komiks na Mara at Lita

- Ang iba pang pahina, mula pahina 5-9, at 14-19, o labing-isang pahina, ay maglalaman ng iba pang sulatin, tulad ng pahayag ng KPML, mga saliksik, sanaysay, balita mula sa mga kapatid na organisasyon ng BMP, Sanlakas, PLM, ZOTO, Piglas-Maralita, atbp. 

- Paminsan-minsan ay may isang pahinang Bukrebyu at mga sanaysay at salin hinggil sa sosyalismo, o sosyalistang adhikain

- Ang pahina 20 o huling pahina ay panitikan, o mga tula, na siyang masasabing kolum ng sekretaryo heneral ng KPML, na isa ring makata

- Kung kulang ng artikulo, magsaliksik. O kaya naman, dapat may mga reserbang artikulo, salin, bukrebyu, awit na pangmasa, tungkol sa pampublikong pabahay, sulating teoretikal, na ilalagay pag wala nang iba pang pumasok na artikulo

- Tuwing ikalima at ikadalawampu ng buwan ay ilalabas ng sec gen ang plano para sa isyung malalathala sa a-kinse o sa katapusan ng buwan

- Tuwing ikasampu o ikadalawampu't lima ng buwan ang deadline ng mga artikulo

- Sa ika-12 at ika-27 ng buwan ay umpisa na ng layout

- Kung may artikulong ihahabol, dapat sa ika-12 o ika-27 ng buwan ay maihabol na. Kung hindi makahabol, ito'y sa susunod na isyu na ilalathala

- Kung kakayanin, makapaglathala tayo ng mga balita mula sa rehiyon ng KPML at mga kasaping pederasyon at lokal na organisasyon, na sana'y maiambag nila

- Ang mga pahayag o artikulo, hangga't kakayanin ay kunin sa kalahating pahina ng short bond paper, o mas maikli pa kung may litrato, dahil bawat pahina ng Taliba ay kalahati ng 8.5 x 11 na papel, ang font ay size 11, Calibri, Arial o Times New Roman; ito'y upang di mahirapan sa layout bawat pahina

- Sinusunod ng Taliba ng Maralita ang prinsipyo ng creative commons, na maaaring ilathala ang anumang artikulo basta sinabi mo kung saan ang source, kahit di na magpaalam upang ilathala sa Taliba, tulad ng mga press statement, polyeto, litrato, at balita ng mga organisasyon; dahil nais talaga nila itong ipalaganap, at isa lang ang Taliba ng Maralita sa magpapalaganap nito; "Creative Commons aspires to cultivate a commons in which people can feel free to reuse not only ideas, but also words, images, and music without asking permission — because permission has already been granted to everyone." (mula sa https://wiki.creativecommons.org/wiki/Legal_Concepts)

- Imbes na copyright, sinusunod ng Taliba ng Maralita ang copyleft, na ibig sabihin, "which seeks to support the building of a richer public domain by providing an alternative to the automatic "all rights reserved" copyright, and has been dubbed "some rights reserved" (mula sa Wikipedia). Katulad din lang ito ng pagsi-share natin ng anumang sulatin sa facebook upang mabasa ng iba.

- Kung pribadong sulatin ng mga indibidwal na nasa facebook, ito'y dapat munang ipaalam sa nagsulat na ilalathala ang kanyang artikulo; tulad ng pagpapaalam ng Taliba ng Maralita na ilathala ang mga sulatin ng pangulo ng KPML na nasa kanyang facebook

- Dapat eksaktong a-kinse at katapusan ng buwan ay tapos na, at nailathala na ang Taliba ng Maralita

- Dahil lahat ng isyu ng Taliba ng Maralita ay nasa blog na https://talibangmaralita.blogspot.com, maaari na natin itong i-share sa ating mga kamag-anak, kakilala at kaibigan, sa pamamagitan ng facebook upang mabasa ng mga kasapian, mga kapatid na organisasyon, mga kasama, at mga kapwa dukha, at kahit ng pamahalaan

Kung may maidadagdag kayo, mungkahi o puna, bilang mambabasa ng Taliba ng Maralita, kayo po ay inaanyayahang magbigay ng mga mungkahi.

Hindi ko alam, ngunit bilang manunulat, ang Taliba ng Maralita na lang ang tanging publikasyong aking sinusulatan. Kaya parang personal na krusada ko na ito bilang makata't manunulat. At matindi ang inilapat kong disiplina sa aking sarili upang patuloy na malathala ang pahayagang ito sa takdang panahon, walang patid. Mahirap kasi na naturingan kang manunulat nang wala ka namang pinagsusulatang anumang dyaryo o magasin.

Wala na ang mga pinagsulatan ko noong magasing Tambuli ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (1996-1999 kung di ako nagkakamali), magasing Maypagasa ng Sanlakas (na nakadalawang isyu, 1998 at 1999), pahayagang Obrero ng BMP (na higit 40 isyu ang nalathala mula 2003 hanggang 2010), ang magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (na nakapitong isyu noong 2012), ang nag-iisang isyu ng pahayagang Sosyalista ng PLM (bandang 2008 o 2009 kung di ako nagkakamali, lumabas ng SONA ni GMA), ang Siklab ng Super Federation (na naglathala ng ilang artikulo ko at tula). Sa totoo lang, kung may pahayagan ang MASO (Manggagawang Sosyalista) at PAGGAWA (Pagkakaisa ng Uring Manggagawa, magboboluntaryo rin ako, di lang sa pagsusulat, kundi sa layout at pamamahagi.

Kaya nais kong mag-iwan ng tulang medyo personal, ipagpaumanhin. Naiiyak lang ako dahil Taliba ng Maralita na lang ang napagsusulatan ko, dahil wala na ang iba. Kaya bigay todo na ako rito. Na kahit nitong panahong kwarantina ay patuloy ang paglalathala natin ng Taliba ng Maralita. Taos-pusong pasasalamat sa lahat ng mga kasama sa National Executive Committee ng KPML sa kanilang taospusong suporta. Pasensya na sa tula:

pinagbubutihan ko ang paggawa ng Taliba
ng Maralita't ito ang tanging naglalathala
ng aking kathang sanaysay, tula't iba pang akda
tanging dyaryong sinusulatan ko bilang makata

may Aklatang Obrerong naglalathala rin naman
ng mga tula ko sa aklat, aba'y kainaman
subalit bihira nang nagagawa pa ang ganyan
di tulad nitong Talibang talagang pahayagan

kinsenas at katapusan, dapat nalathala na
itong Taliba ng Maralita upang mabasa
ng madla ang mga nilalaman nito tuwina
balita, paninindigan, komiks, isyu't problema

Taliba ng Maralita'y dyaryo ng masa, ninyo
kaya suportahan natin ang pahayagang ito
ito lang ang tangi kong pinagsusulatang dyaryo
kung dito na ako mamamatay, payag na ako

Maraming salamat. Mabuhay kayo!

Greg Bituin Jr.
Tagapangasiwa ng Taliba ng Maralita
Sekretaryo Heneral, KPML

Biyernes, Mayo 29, 2020

Sa Taliba ng Maralita na ako mamamatay

isang makata't manunulat akong naturingan
na dapat ay maraming dyaryong pinagsusulatan
subalit nagsusulat lang sa isang pahayagan
sa Taliba ng Maralita ng aming samahan

pasalamat ako sa Taliba ng Maralita
pagkat ako'y nakakapaglingkod sa mga dukha
Taliba ng Maralitang tanging naglalathala
sa ngayon ng mga sanaysay ko't nalikhang tula

dalawampung pahinang pahayagang dukha ito
kaya ang paggawa nito'y pinagbubutihan ko
pagkat tanging ito lang ang sinusulatang dyaryo
kada buwan ay dalawang beses ang labas nito

kung sina Lopez Jaena nga'y may La Solidaridad
sa kasaysayan pa'y may pahayagang La Libertad
ako'y sa Taliba ng Maralita naglalahad 
isyu't problema ng bayan ang dito'y nilalantad

sa lalamaning artikulo'y laging nagninilay
sinong susulat, sinong may akdang maibibigay
anong wastong linya't artikulong dapat ilagay
ito na ang pagsusulatan ko hanggang mamatay

salamat sa publikasyong ito ng mga dukha
at sa pagkakataong akda'y dito malathala
taos-pagpupugay sa Taliba ng Maralita
at sa mga mambabasa nitong di nagsasawa

- gregbituinjr.

* Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Lunes, Abril 13, 2020

Ang Manggahan Low Rise Building Project sa Pasig


Ang Manggahan Low Rise Building Project sa Pasig
Saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Sa isang blog ay tinalakay ng dalawang babaeng awtor ang tungkol sa Manggahan Low Rise Building Project na umano'y isang climate-resilient na gusali. Ibig sabihin, matatag na itinayo ang gusali anumang klima pa ang magdaan, tulad ng matinding bagyo at pagtaas ng tubig. Halina't hanguan natin ng aral ang kwentong ito.

Ipinaliwanag ito nina Talia Chorover and Jessica Arriens sa kanilang artikulong pinamagatang "Faced with Forced Relocation, the People of One Philippine City Designed Their Own Climate-resilient Neighborhood" na nalathala sa kanilang blog noong Enero 6, 2020.

Nang tumama ang Bagyong Ondoy sa Pilipinas noong 2009, 40,000 katao ang nakatira sa mga iskwater, tulad ng Manggahan Floodway, isang artipisyal na daanan ng tubig na itinayo upang mabawasan ang peligro ng baha. Nagtapon ng isang buwang dami ng tubig ang bagyong Ondoy sa ilang oras lamang. Biglaan. Maraming nawalang buhay at ari-arian.

Matapos nito, nagpasya ang pamahalaan na alisin agad ang mga nakatira sa danger zones, at nagbanta ang mga awtoridad na wasakin ang mga bahay ng mga taong ayaw umalis. 

Kaya nabuo bilang tugon ang Alliance of Peoples’ Organizations Along Manggahan Floodway (APOAMF). Ipinaglaban nila ang karapatan ng mga pamilya sa pabahay at lupain, at manatili sa kanilang lungsod.

Noong 2010, inilunsad ng APOAMF ang People’s Plan, isang prosesong nakabatay sa partisipasyon ng maralita na bumuo ng alternatibong pabahay. Pinayagan ng plano ang mga residente ng Manggahan na magplano ng isang bagong anyo ng pabahay na hindi malayo sa kanilang komunidad.

Nakipagtulungan ang mga residente sa isang arkitekto at sa lokal at pambansang mga opisyal ng gobyerno para sa lokasyon at disenyo, na nakapwesto sa lugar na mababawasan ang peligro sa pagbaha. Nagtatampok ito ng mga matitibay na materyales, makapal na dingding at kisame, nakataas na tangke ng tubig, at estratehikong paglagay ng mga istraktura upang matatag na nakatayo pa rin kahit sa matinding pagbaha o bagyo.

Nakipag-usap ang APOAMF sa gobyerno at itinaguyod nila ang kanilang plano sa lokal, pambansa at internasyonal na antas bago nila opiyal na lagdaan ang kasunduan. Nagsimula ang konstruksyon noong 2017. Kapag nakumpleto, dapat ang proyekto’y magkaroon ng kabuuang 15 mga gusali na may 900 mga yunit, o 60 yunit bawat gusali. Sa ngayon, 480 na pamilya na ang nakalipat sa mga rent-to-own na mga apartment.

Habang binibigyan nito ng pagkakataon ang maraming pamilya na manatili sa Lungsod ng Pasig, di nito kayang mapagbigyan ang lahat. Lalo na't maraming tao na ang nailipat sa mga lugar na higit isang oras ang layo. Gayunpaman marami pa rin ang maaaring matutunan ng ibang mga komunidad mula sa proyekto. Nabanggit ng dalawang awtor sa kanilang artikulo ang  Global Commission on Adaptation’s Action Tracks on Cities and Locally Led Action, na maganda rin na ating alamin kung ano ito. Sa People’s Plan, nakipagtulungan sa proyekto ang mga miyembro ng komunidad at tiniyak ang pagiging matatag o resiliency ng komunidad, nang may nagkakaisang pananaw at malinaw na mga layunin.

Noong panahong buhay pa si Ka Roger Borromeo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), napuntahan namin itong Manggahan Floodway matapos ang Ondoy. Kaya nakita ko kung paano nasalanta ng Ondoy ang maraming lugar, tulad ng Santolan at Manggahan Floodway. Kaya naging interesado agad ako sa balitang ito.

Suriin natin at aralin ang mga ito at kung kinakailangan ay magawa rin natin sa ating mga komunidad.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 1-15, 2020, pp. 10-11.

Linggo, Abril 12, 2020

Bakit sinasabing ang relihiyon ay opyo sa mamamayan?


Bakit sinasabing ang relihiyon ay opyo sa mamamayan?
Saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Ang isa sa madalas sipiing pahayag ni Karl Marx ang “Religion is the opium of the people”. Salin umano ito mula sa Aleman ng "Die Religion ... ist das Opium des Volkes". Makikita ang pahayag na ito sa sulatin ni Karl Marx na "A Contribution to the Critique of Hegel's Philosophy of Right" na nalimbag sa Deutsch-Französische Jahrbücher, na nalathala  sa Paris noong Pebrero 7 & 10, 1844. Ngunit parirala lang ito sa buong pangungusap na  "Religion is the sigh of the oppressed creature, the heart of a heartless world, and the soul of soulless conditions. It is the opium of the people". Salin ko ay "Ang relihiyon ay buntong-hininga ng inaapi, puso ng isang walang pusong mundo, at ang kaluluwa ng walang kaluluwang kalagayan. Ito ang opyo sa mamamayan".

Marahil ay may paniwala si Marx na ang relihiyon ay may ilang mga praktikal na gamit sa lipunan tulad ng opyo para sa maysakit upang mabawasan ang agarang pagdurusa ng mga tao at binigyan sila ng mga kasiya-siyang ilusyon (ang relihiyon) na nagbigay sa kanila ng lakas na magpatuloy. Nakita rin ni Marx na mapanganib ang relihiyon, dahil pinipigilan nito ang mga tao na makita ang pagkakaiba sa uri, at pang-aapi sa kanilang paligid. Kaya pinipigilan ng relihiyon ang kinakailangang rebolusyon.

Dugtong pa ni Marx, "The abolition of religion as the illusory happiness of the people is the  demand  for their real happiness. To call on them to give up their illusions about their condition is to call on them to give up a condition that requires illusions. The criticism of religion is, therefore, in embryo, the criticism of that vale of tears of which religion is the halo." Isinalin ko na "Ang pagpawi ng relihiyon bilang ilusyon ng kasiyahan ng tao ang hinihingi upang matamo nila ang tunay na kasiyahan. Ang panawagan sa kanilang tigilan na ang ilusyon tungkol sa kanilang kalagayan ay panawagan sa kanilang mapigil na ang kalagayang nangangailangan ng ilusyon. Kaya, ang kritisismo sa relihiyon, sa buod, ay kritisismo sa mga bula ng luha kung saan ang relihiyon ang sinag sa ulo."

Ang relihiyon ay nagsisilbing opyo upang matiis ng tao ang kanilang abang kalagayan, at umasa na lang sa diyos upang lumaya sa kahirapan. Mapalad nga raw ang mahihirap, ayon sa Sermon at the Mount. 

Kaya sa awiting Imagine nga ni John Lennon ay may linyang  "Imagine there's no heaven, its easy if you try" at "Nothing to kill or die for, And no religion, too. Imagine all the people livin' life in peace." Nakita na rin ni John Lennon na pag nawala ang organisadong relihiyon ay maniniwala ang tao sa sama-sama nilang lakas upang baguhin ang bulok na sistema. Iyon din ang kailangan natin ngayon, dahil ayon nga sa awiting Internasyunal, "Wala tayong maaasahang Bathala o Manunubos, pagkat ang ating kaligtasan ay nasa ating pagkilos."

* Unang nalathala sa kalahating pahina ng pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 1-15, 2020, pahina 18.

Martes, Pebrero 11, 2020

Soneto sa dukha

Soneto sa dukha
(taludturang 2-3-4-3-2)

tinuturing kayong iskwater sa sariling bayan
sapagkat dukhang walang sariling lupa't tahanan

kaya tinataboy kayong animo'y mga daga
ng naghahari-harian at masisibang pusa
wala kasi kayong pribadong pag-aari, wala

dangal ng burgesya'y nasa pribadong pag-aari
yaman ng uring elitista'y pinagmamapuri
tuklasin mo, maralita, bakit may naghahari
pribadong pag-aari ang sanhi bakit may uri

suriin mo't pag-aralan ang takbo ng sistema
ng lipunang animo'y may totoong demokrasya
na paraan ng kapital upang magsamantala

maralita, di ka iskwater sa sariling bayan
lumaban ka't itayo ang makataong lipunan

- gregbituinjr.

Miyerkules, Enero 29, 2020

Kwento - Magsabatas din ng National Liquid Waste Management ang pamahalaan


MAGSABATAS DIN NG NATIONAL LIQUID WASTE MANAGEMENT ANG PAMAHALAAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Mayroon nang National Solid Waste Management Commission na naitatag ang pamahalaan. Layunin nitong magpatupad ng pambansang patakaran para sa mandatoryong paghihiwalay ng basura sa pinagmulan at ang pagbabawas ng basura sa mga lokal na yunit ng pamahalaan. Itinatag ito sa pamamagitan ng Republic Act No. 9003, na kilala rin bilang Ecological Solid Waste Management Act of 2000. Bagama't may ‘of 2000’ ang batas, ito’y ipinatupad at nilagdaan noong Enero 26, 2001.” Ito ang pambungad na pananalita ni Mang Kanor sa pulong ng mga maralitang lungsod sa isyu ng kalikasan. “May tanong ba kayo?”

Nagtaas ng kamay si Ingrid, “Tanong ko lang po, kung may solid waste management hinggil sa paghihiwalay ng mga basura sa nabubulok at di nabubulok, di ba’t magandang may liquid waste management din na dapat pairalin ar isabatas?”

“Maganda ang katanungan ni Ingrid. Subalit maaari mo bang mas ipaliwanag pa sa amin ang iyong naiisip na iyan upang mas maunawaan pa namin,” ang sabi ni Mang Kanor.

“Tama, Ingrid, ipaliwanag mo’t bago lang sa pandinig ko iyan.” Sabi naman ni Pidyong.

“Ganito po iyon,” pagsisimula ni Ingrid. “Napakamahal na ng tubig galing sa gripo na binabayaran natin. Ang tubig pang-inom na iniinit pa natin, ang pampaligo, ang panghugas ng pinggan, ang tubig sa paglalaba, ang panglampaso sa sahig, ang pambuhos sa inidoro, ay pawang galing lahat sa gripo, malinis na tubig. Gayong pwede namang pambuhos sa inidoro at panglampaso sa sahig ang tubig ulan galing sa mga alulod. Kailangan lang nating may paglalagyan ng mga iyon. Sobra-sobra ang tubig ulan, nagbabaha pa nga, gayong libre lang ang tubig ulan. Iyan po ang sinasabi kong dapat mayroon din tayong batas hinggil sa liquid waste management upang nagagamit ang mga libreng tubig ulan.”

Patango-tango lang ang mga dumalo sa solid waste management.

Nagsalita si Pidyong, “Sang-ayon ako sa ganyang mungkahi. Pag nagbagyo ay bahang-baha sa kalsada ngunit hindi naman natin magamit ang baha dahil marumi. Pwede iyan sa inidoro basta salain, walang basurang babara sa ating mga inidoro. Distilled water ba ang tubig-ulan at maaari ba sa sasakyan tulad ng dyip na pinapasada ko?”

“Ayon sa pananaliksik, distilled water ang tubig ulan, subalit ingat pa rin sa paggamit nito sa makina ng sasakyan. Kung panlinis ng kotse, pupwede. Itanong natin iyan sa mga eksperto sa sasakyan.” Ani Ingrid. 

“Nagtanong si Ingrid na lumalabas ay isa nang mungkahi. Sino pa ang sususog o nais magdagdag?” Tanong muli ni Mang Kanor.

Nagtaas ng kamay si Kulas, “Sang-ayon ako kung sa mga lalawigan gagawin ang liquid waste management o yaong pagsalo ng tubig ulan. Mahirap kasi sa lungsod, pag naihian ng daga ang bubong, sasama sa tubig ulan sa alulod ang ihi. Ingat pa rin sa lestospirosis.”

Muling nagsalita si Ingrid, “Nabanggit ni Mang Kanor ang National Solid Waste Commission. Subalit wala naman tayong National Liquid Waste Commission na mamamahala naman sa mga tubig na di naman nagagamit ng tama, tulad nga ng tubig ulan, bagamat may Philippine Clean Water Act of 2004 (Republic Act No. 9275) na tayo.”

Nagsalita rin si Kulas, “Mungkahi ko, Ingrid, magsulat tayo ng petisyon hinggil sa iyong mungkahi at ipanawagan natin iyan sa ating mga mambabatas. Dapat lang tayong magkaisa at kumilos upang may ginagawa naman ang mga tutulog-tulog nating mga mambabatas.”

“Kaya ibig sabihin,” ani Mang Kanor, “hindi lang solid waste ang ating pagtutuunan ng pansin, kundi pati na liquid waste. Tama ba?”

“Tama po, Mang Kanor,” tugon naman ni Ipe na isa rin sa mga dumalo. “Kausapin din natin ang iba’t ibang samahang makakalikasan, tulad ng EcoWaste Coalition, Green Convergence, Ban Toxic, Philippine Movement for Climate Justice, Saniblakas ng Inang Kalikasan, at marami pang iba tungkol sa gagawin nating petisyon upang makatulong.”

“Mahaba-haba ring laban ito,” ani Mang Kanor, “Pati Kongreso at Senado ay ating kausapin sa ating panukala. Ayos ba sa inyo? Sana, Ingrid, ay masulat mo na ang mungkahi at magawa na ang petisyon.”

“Opo, susulatin ko po kaagad ang mungkahi bilang batayan ng ating petisyon, at sana po ay magtulong-tulong po tayo.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Enero 16-31, 2020, pahina 18-19.

Munting tula sa rali sa DOLE

MUNTING TULA SA RALI SA DOLE‎ binibilog nilang muli ang ating mga ulo ‎ayaw na raw ibigay ang walumpu't limang piso ‎ganito katindi ang ...