Saturday, June 28, 2008

Sanaysay: Diyalektika

DIYALEKTIKA: GABAY SA PAGSUSURI
ni greg bituin jr.

Mahalagang pag-aralan ng maralita kung ano ang diyalektika. Mahalaga pagkat ang diyalektika ang teorya at praktika ng wastong pamamaraan ng pag-aaral at pagtuklas sa kaalaman. Ang praktika ay bukal ng teorya habang ang teorya ay pinagyayaman ng praktika. Ito ang walang tigil na pag-unlad ng kaalaman ng tao batay sa tuloy-tuloy na praktikal na karanasan ng tao sa kanyang ugnayan sa kalikasan at kanyang pakikipag-ugnayan sa lipunan.

Halimbawa, sa usapin ng kahirapan. Naniniwala ba ang maralita na ang dahilan ng kahirapan ay katamaran, kasalanan, kamangmangan, kapalaran at populasyon? Ang mga dahilang ito ito ang pilit na isinusubo ng gobyerno sa kanilang utak. Kung susuriin ng maralita ang kanyang kalagayan, hindi ito totoo!

Hindi katamaran ang ugat ng kahirapan, pagkat maraming manggagawa sa pabrika ang napakasisipag sa kanilang trabaho at daig pa ang kalabaw sa pagkakayod pero napakababa ang natatanggap na sahod at nananatiling mahirap. Ang mga magsasaka’y napakaaagang gumising upang asikasuhin ang bukirin, pero naghihirap ang gumagawa ng pagkain. Ang mga vendors ay marangal na naglalako ng kanilang paninda kahit alam nilang maaari silang hulihin, basta’t mapakain nila ang kanilang pamilya.

Kung ang kahirapan ay parusa ng Diyos dahil makasalanan ang tao, ibig sabihin, pinagpala pala ng Maykapal ang mga mayayaman. Ngunit may mga nagkakamal ng salapi sa masamang paraan. At may mga mayayamang nakagagawa ng kasalanan sa kanilang kapwa, pero sagana sa biyaya.

Hindi kamangmangan ang dahilan ng kahirapan pagkat maraming tao ang may kaalaman at napakamalikhain sa kanilang mga trabaho kung saan nagkakamal ng limpak-limpak na salapi’t tubĂ´ ang kanilang mga pinaglilingkuran pero sila’y nananatiling mahirap.

Kung kapalaran ng tao ang maging mahirap, hindi na pala siya uunlad kahit ano pang sipag ang kanyang gawin.

Hindi populasyon ang dahilan ng kahirapan pagkat may mga bansang maliit ang populasyon pero naghihirap, samantalang may mga malalaking bansa naman na ang nananahan ay pawang nakaririwasa sa buhay. Salamat na lang sa diyalektika at natututo tayong magsuri.

Sa kalagayan din ng maralita sa kasalukuyan, ang edukasyon ay binibiling parang karne sa palengke. Kapag wala kang pera, hindi ka makakabili ng edukasyong nais mo sa magagaling na eskwelahan. Kapag may sakit ka, bibilhin mo ang iyong kalusugan. Kailangan mo munang magbigay ng paunang bayad sa ospital bago ka magamot. Kapag wala kang pera, kahit mamamatay ka na, hindi ka magagamot. ng edukasyon at kalusugan ay karapatan ng bawat tao, ngunit ito’y naging pribilehiyo ng iilan. Kung talagang magsusuri tayo sa kongkretong sitwasyon gamit ang diyalektika, alam natin na sa kasalukuyang sistema ng lipunan, kailangang bilhin ang edukasyon, kalusugan, at iba pang karapatan. At hindi dapat ganito kaya dapat itong baguhin. Palitan natin ang bulok na sistemang ito ng sistemang makatao.

Ilan sa pundamental na batas ng diyalektika ay ang mga sumusunod:

Una, ang pagsasanib at tunggalian ng magkatunggali. Sa batas ng paggalaw ng mga bagay, dapat na maunawaan natin na ang lahat ng pagkakaisa ng magkakatunggali ay pansamantala lamang at ang tunggalian ay permanente.

Ikalawa, ang kantitatibo at kalitatibong pagbabago. Ang motibong pwersa sa pagbabago sa loob ng isang kontradiksyon ay ang pagdaragdag ng mga kantidad na dahilan ng mga pagbabago.

Ikatlo, ang pagpawi sa nagpawi. Ang pag-unlad ng mga bagay ay hindi laging mabagal, ito ay kinatatangian din ng biglang pag-igpaw. Hindi rin ito laging tuwid, bagkus ito ay isang spiral na pag-unlad. Ibig sabihin nito, anumang pagbabago sa kalidad ng isang bagay ay dinadala pa din nito ang aspeto ng luma o nakaraan, pero ito ay isa ng ganap na pagbabago sa kabuuan at nagmula sa pagsilang sa pamamagitan pag-igpaw, isang pundamental na pagbabago na dumaan sa proseso.

Sa ngayon, dapat magpakabihasa ang maralita sa diyalektika. Dapat makapagsuri ang maralita batay sa kongkretong analisis sa kongkretong sitwasyon. Panahon na upang kumawala ang maralita sa mga kaisipang pamahiin, pantasya at mahika. Panahon na upang pag-aralang mabuti, isaisip at isapuso ang diyalektika.

Sanaysay: Vendors, Wowowee - ni Pedring Fadrigon

VENDORS, MARALITA, WOWOWEE AT KAHIRAPAN

ni Ka Pedring Fadrigon

(nalathala sa Taliba ng Maralita, Marso 2006, p. 3)

Matindi ang krisis pang-ekonomya bunga ng epekto ng globalisasyon. Patunay dito ang nangyaring stampede sa unang anibersaryo ng programang Wowowee sa ABS-CBN kung saan 74 katao ang namatay habang mahigit 300 ang nasugatan dahil sa pag-aagawan sa tiket na ira-rafol para manalo ng jeep, tricycle at isang milyong piso at mga consolation prizes.

Masakit isipin ang sinasabi ng iba na ang mga biktima ng stampede ay mga maralitang umaasa na lamang sa jackpot at ayaw magtrabaho, mga tamad. Hindi katamaran ang dahilan ng kahirapan! Napakasisipag ng mga vendors at gumigising ng madaling araw para lamang magtinda, pero ano ang ginagawa ng Metro Manila Development Authority (MMDA)? Isa sa dapat sisihin dito at singilin sa nangyaring trahedyang ito ay si Bayani Fernando, ang tinaguriang Hitler ng mga vendors, lalo na ang kanyang polisiyang panununog sa mga paninda ng mga kaawa-awang vendors. Daan-daan, kundi man libu-libong vendors ang tinanggalan niya ng karapatang mabuhay ng marangal. Dahil sa kanya, maraming mga vendors ang nawalan ng puhunan dahil sa pagkumpiska niya at ng kanyang mga bataan sa mga paninda ng mga vendors. Nais ng mga vendors magtrabaho ng marangal, nagsisikap at nagsisipag upang may maipakain sa kanilang mga anak, maipagpaaral at maipanggastos sa pang-araw-araw. Umaasa ang mga maralita sa jackpot para lamang may maipandagdag sa kapos na kinikita, at hindi dahil sila’y tamad.

Batay sa mga datos, milyun-milyon sa kasalukuyan ang walang tiyak na trabaho bunga ng malawakang tanggalan sa mga pagawaan. Milyun-milyon din ang walang tiyak na pangkabuhayan bunga rin ng mga patakarang kontra-maralita. Walang malinaw na plano ang gobyerno sa mga programang pangkabuhayan. Milyun-milyong vendors ang inagawan ng pagkakakitaan na nagresulta sa pagkagutom ng maraming pamilya. Marami ring estudyante ang natigil sa pag-aaral bunga ng pagkawala ng hanapbuhay sa pagtitinda ng kanilang mga magulang.

Ang humigit-kumulang sa 100,000 vendors sa Kalakhang Maynila ay nilapastangan at winalis ng mga berdugong tauhan ng MMDA. Itinuring kaming mga pobreng vendors na mga basura sa lansangan. Kailangang itapon at sunugin. Ganyan ang kalunus-lunos na sinapit ng mga vendors sa Kalakhang Maynila.

Sa tuwing maririnig namin ang mga balita at usap-usapan, wala man lang nagsabing kami ay nakakatulong sa ekonomya ng bansa; nakakatulong sa gobyernong hindi makatulong sa maralita; nakakatulong sa gobyerno pagkat hindi na nila kung paano kami magkakatrabaho. Bagkus kami ay sasabihan pang mga illegal vendors at abala lang sa trapiko. Di kaya ang dahilan ng trapiko ay ang sobra-sobrang sasakyan. Di kaya ang makipot na kalsada? Di kaya problema ng gobyerno na wala siyang nakalaang paglalagyan ng mga maghahanapbuhay?

Kung ang usapin ay ilegal, mas ilegal ang pagkakaupo ng pekeng pangulo! Kung ang usapin ay pagiging ilegal, mas ilegal ang gutumin mo ang sambayanang naghihirap! Ang panawagan ng pamahalaan ay magsikap daw ang lahat, ngunit ano ang mangyayari sa mga pagsisikap kung tayo ay gagamitan ng mga batas na kontra sa ating mga pagsisikap? Kapag tayo naman ay mangangatwiran at lumaban, humingi ng alternatibo, kung di ka mapukpok sa ulo, ikaw ay makukulong. At kapag mukha kang bisaya o muslim, ang sasabihin sa iyo, kung di ka rebelde, ikaw ay terorista. Iyan ang buong karanasan nating mga mahihirap. Maliit ang pagtingin sa atin. May pwersa tayo at lakas na hindi natin ginagamit, kaya ang nakikita ng gobyerno ay ang ating pagkakawatak-watak.

Napakarami ng mga vendors, dangan lamang ay di tayo organisado. Hindi tayo solido, kaya kahit ang ating mga problema ay hindi natin maipaglaban at maipagtanggol. Kaya ang ating panawagan ay magtayo ng organisasyon ng mga vendors sa kalunsuran.

Bunga nitong mahirap na kalagayan, ang tanging solusyon dito ay mag-organisa sa mga vendors. May naitayo na dati, ang Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), kung saan ang inyong abang lingkod ang unang tagapangulo.

Ang itatayo nating organisasyon ng mga vendors mula sa iba’t ibang komunidad ng maralita ay hindi lamang pagsuporta sa MMVA, kundi ito’y pagpapaigting pa sa klaradong direksyon ng mga maralita sa pagbabago ng bulok na sistema.

Abutin ang pinakasulok na mayroong mga vendors at pagkaisahin sa iisang layuning makapagtayo ng isang sentrong organisasyong daluyan ng mga problema ng mga vendors sa kanayunan at kalunsuran para isulong ang ating mga laban sa mga batayang kahiligan, at mairehistro dito sa kasalukuyang gobyerno.

Sa stampede sa Wowowee, hindi dapat makalusot sa batas ang tulad ni Bayani Fernando, na umagaw sa kabuhayan ng maraming mga vendors at mahihirap na pamilya.

Katarungan sa lahat ng mga nangamatay sa stampede sa Ultra! Singilin ang MMDA sa mga kasalanan nito sa mga vendors! Itayo ang transisyunal na rebolusyonaryong gobyerno (TRG)!

Tula: Batas at Metro Manila - ni Tek Orfilla

ANG BATAS AT ANG METRO MANILA

ni Silvestre “Tek” Orfilla

Ano itong mga batas, ano itong Metro Manila

Laban sa manggagawa, laban sa maralita

Laban sa manininda, sa karapatan ng tao ay labag pa

MMDA pala ang sinasabing Metro Manila.

Maganda sa pandinig na talagang may batas nga

Ang batas na ito, kanino nga kaya

Bakit kapag si Fernando ang nagpapatupad na

Ang mga batas na sinasabi ay nginunguya pa.

Kay Bayani Fernando’y walang batas talaga

Pagkat siya ay makapangyarihang tao na

Walang pumipigil, walang sumisita

Ngunit ang kawawang vendor sa kalsada’y tinutuligsa pa.

Ang Metro Manila ay puno ng mga dalita

Manininda, mga manggagawa at mga maralita

Ngunit sa kamay ni Fernando’y kawawang-kawawa

Sa kanya’y walang batas, Korte Suprema nga’y walang magawa!!!

Ano itong mga batas, ano itong Metro Manila

Bakit ang taong bayan ay walang magawa

Wala na ngang kinakain, mga tinig ay wala nga

Hanggang kailan, Metro Manila, kayo ay makapagtitiyaga.

Wednesday, June 25, 2008

Tawag sa Inyo'y Hukbong Mapagpalaya

TAWAG SA INYO’Y HUKBONG MAPAGPALAYA

ni Greg Bituin Jr.

1

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Sapagkat kayo lang, uring manggagawa

Ang pinakarebolusyonaryong uri

Na magbubuwal sa mga mapang-api.

Kaya humayo kayo’t mag-organisa

At manggagawa’y palayain sa dusa.

2

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Na dudurog sa mga kagahamanan

Ng sistemang para lamang sa iilan

At walang malasakit sa sambayanan.

Kaya humayo kayo’t mag-organisa

At manggagawa’y palayain sa dusa.

3

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Sapagkat walang pribadong pag-aari

Na ginagamit sa mga pang-aapi

At pagsasamantala sa inyong uri.

Kaya humayo kayo’t mag-organisa

At manggagawa’y palayain sa dusa.

4

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Na magpapalaya sa buong pabrika

Ang palakad dito’y tulad sa pasista

Sadyang sa pabrika’y walang demokrasya.

Kaya humayo kayo’t mag-organisa

At manggagawa’y palayain sa dusa.

5

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Palad nyong agawin ang kapangyarihan

Sa gobyerno’t kapitalistang gahaman

Na dahilan nitong ating kahirapan.

Manggagawa, halina at magkaisa

Sangkatauhan ay iligtas sa dusa.

6

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Tungkulin ninyong itayo ang lipunan

Na ang lahat, di ilan, ang makinabang

Sa produkto na inyong pinagpawisan.

Manggagawa, halina at magkaisa

Sangkatauhan ay iligtas sa dusa.

7

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Pagkakapantay-pantay itong hangarin

Lahat ay titiyaking makakakain

Hustisya sa kapwa ang paiiralin.

Halina, manggagawa, at magkaisa

Sandaigdigan ay iligtas sa dusa.

8

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Sapagkat hindi na tubo ang batayan

Ng pag-unlad ng bawat isa’t ng bayan

Kundi pagkakaisa’t pagmamahalan.

Halina, manggagawa, at magkaisa

Sandaigdigan ay iligtas sa dusa.

9

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Kababayan o taga-ibang bansa man

Isang pamilya kayong nagdadamayan

Magkakapatid sa uri ang turingan.

Uring manggagawa sa lahat ng bayan

Nasa inyong kamay ang kinabukasan.

10

Tawag sa inyo’y hukbong mapagpalaya

Tagasulong ng tunay na demokrasya

Tagapagtaguyod ng bagong sistema

Itatatag ay lipunang sosyalista.

Uring manggagawa sa lahat ng bansa

Halina tungo sa landas ng paglaya.

Hunyo 22, 2008

Sampaloc, Maynila

Wednesday, June 11, 2008

Tula: Buhay ni Lenlen - ni Anthony Barnedo

buhay ni len len ni anthony barnedo March 25, 2008 sa opisina ng KPML ang hirap maging mahirap kung sa katulad ni len len nakaatang ang lahat sa buhay kumakayod, umaasa sa kakarampot na kita kakarampot na tumataguyod sa kanyang pamilya pamilya, mula sa pamangkin hanggang sa kanyang lola sa pamilya ng kasama, sa iba, sa masa sa kuryente, tubig, upa sa bahay, saan hahanapin ang pera, kung titilad tilarin sa malalaking bayarin ang kakarampot na kita ang hirap maging mahirap kung sa katulad ni len len ang mundo ay problema naglalakad sa kalsada ng walang pera, sumisigaw nakikipagbuno sa hampas ng kapalaran kapalaran ba ang maging dukha ang maging isang manggagawa, para sa iba para ba sa bayan at kapitalista wala nang natira,puro na lang sa kanila ang hirap maging mahirap kung sa katulad ni len len ay hirap ang pag-asa sige lang ang taas ng ekonomiya, maunlad ang lamesa`y walang laman,gutom gutom na nilikha ng sistema sistemang inabuso ng naghaharing uri, buwaya buwayang iniluklok ng lagim na makinarya makinarya na siyang nagiging sistema mahirap maging mahirap kung sa katulad ni len len na umiibig sa bayan nakikibaka, nagsusulong, naghahangad nang pagbabago ng sistema…. nang pagbabago ng sistema…

Lugaw

LUGAW nakasanayan ko nang kumain ng lugaw na pagkain ng pasyente sa pagamutan na pag ayaw ni misis at ako ang bantay lugaw yaong siya ko nam...