MAY ISANG PUNO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
May matandang salaysay na ikinukwento ng aking mga nuno na halos di ko na matandaan subalit parang ganito: Sa isang ilang na pook ay may isang namumungang puno, kung saan sinumang mapadaan doong manlalakbay ay nakakakain at nabubusog sa bunga nito.
Anang nuno, "Basta kunin mo lang ang kaya mong kainin habang ikaw ay napaparaan doon patungo sa iyong pupuntahan. Madali kasing mabulok ang bunga pag hindi agad kinain." Maraming manlalakbay ang napapadaan sa ilang na pook na iyon at namimitas ng masarap na bunga sa nag-iisang puno, lalo na't kainitan ng araw ay doon na rin sila sumisilong at kumakain. Hanggang magpatuloy sila sa paglalakbay.
Kaya kilala ang punong iyon na nagbibigay ng ginhawa sa mga manlalakbay. Patuloy iyong namumunga sa anumang bahagi ng taon. Ibinibigay ng kalikasan sa sinumang tao ang pagkaing nakakatugon sa kanilang gutom.
Marami rin mangangaral ang naringgan ko ng matalinghagang kwentong ito noong kabataan ko. Hanggang mapag-isip ko, paano kaya kung mayroong mag-angkin ng iisang punong ito? Kaya naman dinugtungan ko ang kanilang kwento.
Isang araw, naisipan ng isang ganid at tusong manlalakbay na nakakabatid ng ginhawang dulot ng puno sa sinumang maparaan doon na angkinin ito at bakuran. At sinumang manguha ng bunga ng puno ay kailangang magbayad, kundi man bilhin ito sa kanya.
Samakatwid, inangkin niya't ginawang negosyo ang bunga ng punong sinasabi ng mga tao'y di nawawalan ng bunga.
Kaya ang nangyari, bawat manlalakbay na magdaan sa pook na iyon, na sa layo ng nilalakbay ay nagugutom at nais kumain ng libreng bungang bigay ng kalikasan, ay napipilitan nang bumili ng pagkaing bunga sa tusong manlalakbay upang maibsan ang kanilang gutom.
Yaong mga may di sapat na salapi ay hindi makabili ng bunga kaya nagpapatuloy na lang sa paglalakbay sa kabila ng nadaramang gutom.
Yaong mga maralitang napapadaan lang ay di na rin makapitas ng bunga ng puno upang maipakain sana sa kanilang anak na nagugutom.
Hanggang napagpasyahan ng mga manlalakbay na nakakaunawa sa kabaitan ng kalikasan sa kanila na sila'y makapag-usap-usap.
Anang isang manlalakbay, "Dati ay nakakakain tayo ng bigay ng kalikasan, subalit ngayon ay inangkin iyon ng isang ganid para sa kanyang sariling kapakinabangan. Bigay iyon ng kalikasan sa bawat manlalakbay, subalit bakit niya iyon inangkin? Ah, pinaiiral niya ang sistemang walang dangal, ang magkamal ng limpak na salapi, at pagtubuan ang kalikasan."
Anang isa pa, "Ginawa niyang pribadong pag-aari ang kalikasan upang siya lang ang makinabang. Dapat tanggalin sa kamay ng iilan ang pag-aaring dapat ay para sa taumbayan upang lahat ay makinabang."
Nagsipag-aklas ang mga manlalakbay at binuwag ang bakod sa puno at dinakip ang tusong nangamkam ng puno at pinalayas ito. Napakabait pa nila't pinalayas lang ang sakim at hindi pinaslang.
Nang mabuwag na ang bakod, ang bawat manlalakbay na dumaan sa punong iyon ay nakakapitas na ng bunga, nabubusog at nakadarama ng ginhawa. Natatamasa nila ang libreng bungang bigay ng kalikasan.
Makalipas pa ang maraming taon, nagkaisa ang mga mamamayan sa pook na iyon na alagaan ang puno at protektahan iyon laban sa mga pusong ganid na nais ditong umangkin.
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 1-15, 2021, pahina 18-19.
No comments:
Post a Comment