Monday, March 14, 2022

Kwento: Saan Patungo ang Maralita?


SAAN PATUNGO ANG MARALITA?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Saan nga ba nanggaling ang mga maralita? Bakit nga ba kayraming mga maralita? Ayon sa PAMALU o Panimulang Aralin ng Maralitang Lungsod, ang mga maralitang lungsod ay nagsulputang kabute matapos ang Ikalawang Daigdigang Digmaan (hindi Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na nakasanayang gamitin ngunit maling salin ng World War Two). Mula sila sa mga malalayong lalawigan na sinira ng digmaan. 

Tinawag silang maralitang lungsod dahil sila’y mahihirap na pamilyang napunta sa marangyang lungsod. Sila ang mga mahihirap na walang kakayanang mabili ang pangunahing pangangailangan, kung hindi man sapat, kulang o gipit sa salapi o sinasahod, o kita mula sa diskarte upang maipanggastos at mabili ang mga kailangan, pangunahin na ang pagkain at gamot.  Sila’y mga maralitang walang pag-aaring lupa kaya nakikitirik sa lupa ng pamahalaan o sa pribado.

Mas marami akong nalaman sa laban ng maralita nang ma-deploy ako bilang staff sa pambansang samahan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong 2001 na nakikibaka na ang lider nitong si Ka Roger Borromeo o KR, at nakikinig ako sa kanyang mga sinasabi hinggil sa buhay, karanasan at kasaysayan ng mga maralita.

Ayon sa kanya, maraming nagugutom, at maraming maralitang ang mga bahay ay dinedemolis. 1997 nang pormal ko siyang makadaupang palad sa laban ng mga maralitang taga-North Triangle, na kinatatayuan ng TriNoMa ngayon. Bagamat una ko siyang nakita sa basketball ball court ng Estella Maris College sa ikalawang Kongreso ng KPML noong Nobyembre 27, 1994 kung saan lider-kabataan pa ako noon bilang Basic Masses Integration (BMI) officer ng KAMALAYAN (Kalipunan ng Malayang Kabataan). Napunta ako bilang staff ng Sanlakas noong ikalawang Kongreso nito noong Agosto 1996. 

Hulyo 1997 ay muli kong nakadaupang palad si KR sa matinding labanan sa Sitio Mendez sa Lungsod Quezon, kung saan nademolis ang mga bahay at napalayas ang mga maralita sa kanilang mga tahanan. Hanggang sila’y magkampo sa Quezon City Hall. Matapos ang isang buwan ay nakabalik ang mga maralita sa Sitio Mendez at nagmartsa sila sa tinaguriang Martsa ng Tagumpay noong kalagitnaan ng Agosto 1997. Iyon ay sa tulong ng KPML, Sanlakas, at iba pang samahan ng maralita, pati na ni QC Mayor Ismael Mathay na siyang naging daan upang makabalik sa kinatitirikan ng kanilang lupain ang mga maralita.

Subalit saan nga ba patungo ang mga maralita? Mula 2001 hanggang 2008 ay naging staff ako ng KPML. Matapos ay napunta ako sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) bilang staff. Nang mahalal akong sekretaryo heneral ng KPML sa ikalimang pambansang kongreso nito noong Setyembre 2018 ay pormal akong nakabalik sa KPML at patuloy na naglilingkod sa maralita.

Ang pagiging maralita o mahirap ay isang matinding suliraning kinakaharap natin sa kasalukuyan. Bagamat nakakasabay ang bansa sa pag-unlad ng teknolohiya, ang mga maralita ay nakakasabay din, lalo na’t may mga selpon din silang gamit. Ito ay naging mahalagang gamit upang makontak at makausap ang mga mahal sa buhay. Gayunpaman, marami pa rin ang nagugutom, hindi sapat na nakakakain, mababa ang sahod, ang iba’y walang trabaho. Samutsari talaga ang dahilan ng kahirapan.

Ano ang dapat nating gawin? Marahil, bukod sa isa-isang maghanap ng pagkakakitaan o trabaho, dapat kolektibong kumilos ang maralita na hingin sa pamahalaan na mabigyan sila ng trabaho. 

Bagamat naniniwala naman tayong huwag iasa sa pamahalaan ang lahat, subalit dapat tayong mag-organisa upang palitan ang sistema ng lipunang wala namang pakialam sa ating abang kalagayan. 

Kumilos tayo tungo sa isang lipunang makatao, na walang pagsasamantala ng tao sa tao dulot ng hayok sa tubong sistemang kapitalismo. Sa bagong sistemang iniisip natin, hindi indibidwalismo ang iiral kundi kolektibismo. Pag-aaralin natin ang lahat ng walang itinatangi kung mahirap man siya o mayaman. Gayundin naman, matuto tayong gamitin ng tama kung ano ang bigay ng kalikasan at huwag sirain ito. Ang mga magsasakang gumagawa ng pagkain ay hindi dapat naghihirap. Ang mga masisipag na manggagawa ay hindi dapat kontraktwal bagkus gawing regular sa trabaho. Tanggalin ang mga linta na manpower agencies na wala namang ambag sa produksyon. 

Kung maitatayo natin ng wasto at ganap ang lipunang makataong pangarap natin, baka wala nang tawaging maralita, kundi tatawagin silang kapwa. At ang lahat ay nagpapakatao at nakikipagkapwa.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 1-15, 2022, pahina 15-16.

No comments:

Post a Comment

Lugaw

LUGAW nakasanayan ko nang kumain ng lugaw na pagkain ng pasyente sa pagamutan na pag ayaw ni misis at ako ang bantay lugaw yaong siya ko nam...