Wednesday, September 14, 2022

Kwento: Magrarali ang maralita sa DOLE


MAGRARALI ANG MARALITA SA DOLE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napagkaisahan ng mga maralitang magsagawa ng pagkilos sa harap ng Kagawaran ng Paggawa. Inanyayahan nila ang iba pang lider-maralita upang pag-usapan ang pagkilos.

Dumating si Aling Ligaya sa pulong. Ang agad niyang tanong: “Bakit sa DOLE? Hindi ba’t isyu ng maralita ay pabahay? Hindi ba’t sa matagal na panahon ay pabahay ang ating panawagan? Kaya bakit sa kagawarang iyan tayo magrarali?”

“Tama ka, Ligaya.” Ang sabad ni Mang Bitoy, “Lumaki na akong nasa barungbarong nakatira, at sumasama sa mga pagkilos na pabahay ang isinisigaw. Bakit ngayon, sa DOLE? Hindi naman tayo manggagawa.

Agad naman siyang sinagot ni Aling Luningning, “Iyan nga ang punto, eh. Alam nyo, Ligaya, Bitoy, ang isyu ng maralita kaya siya tinawag na maralita ay hindi lamang pabahay, kundi ang karalitaan, kahirapan, pagdaralita, karukhaan. Karamihan sa ating mga maralita ay walang trabaho. Kaya heto sina Mang Igme na nagmungkahi ng malaking pagkilos sa DOLE para ipanawagan ang Trabaho Para sa Maralita.”

“Dagdag pa riyan, Ligaya,” si Mang Igme, “sabi ng pamahalaan na kulang daw ang trabaho. Kaya ang nakikita nating solusyon diyan, gawing anim na oras na lang ang otso oras na paggawa upang ang natitirang oras ay ibigay sa maralita. Kung sa loob ng 24 oras sa isang araw ay may tatlong manggagawang tigwawalong oras ang trabaho, na legal ayon sa batas, aba, kung magiging anim na oras ang paggawa sa isang araw, sa loob ng 24 oras, may apat na manggagawa na ang nagtatrabaho. Yung nadagdag sa labor force sa bawat araw ay ang maralitang nabigyan ng trabaho.”

“Oo nga, ano,” pagsang-ayon naman ni Aling Ligaya. “Tama po kayo, mga kasama. Bakit hindi natin kaagad naisip iyan? Ibig lang sabihin, kung hindi kaya ng gobyerno makapagbigay ng solusyon, tayong mga maralita ang magsasabi ng solusyon sa kanila. Kung kulang ang trabaho sa paggawang otso oras kada araw, aba’y gawing anim na oras kada araw ang trabaho upang ibigay ang anim na oras pa para sa maralita. Nauunawaan ko na.”

“Sige, paano ang gagawin natin? Kunin muna ang manila paper at pentel pen para maisulat ang ating plano.” Ani Mang Igme.

Kaya sa isang malapad na tabla ay idinikit nila ang isang manila paper upang pagsulatan ng gagawin nilang plano ng pagkilos.

“Ang pangkalahatang layunin ng ating pagkilos,” isinulat ni Mang Igme sa manila paper, “ay maikampanya natin ang ating mga hinaing na magkaroon ng trabaho ang mga maralita. Ang mga isusulat nating islogan sa mga plakard ay:  Trabaho Para sa Walang Trabahong Maralita! Gawing Anim na Oras ang Otso Oras na Paggawa! Palagay ko ang dalawang islogan na iyan ay sapat na. Mga tigsasampung plakard bawat islogan. Ayos ba, mga kasama? Bago ang pagtatakda ng petsa, ilan sa inyo ang nais lumahok?”

Maraming nagtaasan ng kamay, nasa higit dalawampung katao.

“Ilan pa ang maaari ninyong pasamahin para mas marami tayo? Sa ngayon ay may badyet tayo para sa dalawang dyip.” Si Mang Igme pa rin.

“Hindi ba nakakatakot sumama sa rali?” Ani Inggo, na binatilyong sa murang edad ay nagtratrabaho na bilang magbabasura.

“Aba’y karapatan natin ang ating ipinaglalaban dito, kaya bakit ka matatakot, at kasama mo naman kami.” Agad na sabi ni Aling Tikya na dati ring unyonista sa pabrika nila bago iyon nagsara.

Nagtanong muli si Aling Ligaya, “Pwede ba nating imbitahan ang mga unyong kakilala natin upang samahan tayo sa ating pagkilos?”

“Aba’y maganda ang mungkahi mo, Ligaya. Hayo’t anyayahan natin silang samahan tayo.” Agad na pagsang-ayon ni Mang Kulas na isa ring lider sa kanilang purok. “Dagdag pa riyan ay isama natin sila sa ating mabubuong nego panel upang sakaling maharang tayo sa DOLE ay may kasama tayong mga manggagawa.”

“Ikaw na, Ligaya, ang magsabi sa unyon ng mga manggagawa. Sana’y hindi nila tayo tanggihan sa munti nating kahilingan.” Sabi ni Mang Igme. “Kailan ang mungkahi ninyong araw? Sinong gagawa ng panawagan sa midya? Sinong magsusulat ng ating pahayag? Baka ihanda muna natin ang polyeto na magpapaliwanag sa ating mga kapwa maralita kung bakit sa DOLE tayo magrarali.”

“Sige po, akuin ko na po ang pagsusulat,” Sabi ng dalagang si Juday.

“Aba’y maaasahan talaga ang mga kababaihan pagdating sa pagkilos nating maralita.” Pagmamalaki ni Aling Luningning sa kanyang anak.

Natapos ang pulong na may kislap ng pag-asa sa kanilang mga mata.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 1-15, 2022, pahina 18-19

No comments:

Post a Comment

Lugaw

LUGAW nakasanayan ko nang kumain ng lugaw na pagkain ng pasyente sa pagamutan na pag ayaw ni misis at ako ang bantay lugaw yaong siya ko nam...