TALIBA NG MARALITA
nagsusulat sa sariling pahayagan ang dukha
nang mabasa ang mga hinaing ng maralita
marunong ding manindigan kahit ang walang-wala
na pinaaabot sa pamahalaan at madla
isang kahig at isang tuka man, di sila mangmang
na marunong ipaglaban ang talagang katwiran
silang handang ipagtanggol ang bawat karapatan
upang kanilang dignidad ay di apak-apakan
kahit hikahos man ay marunong ding makibaka
tila sila'y pader pag lumaban nang sama-sama
upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya
upang labanan ang anumang pagsasamantala
inyo lang basahin ang kanilang ginawang dyaryo
ito'y bahagi ng paglilingkod sa kapwa tao
sa Taliba ng Maralita, mababasa ninyo'y
pahayag, balita, tula, kwento, tindig sa isyu
may kolum ang pangulo ng K.P.M.L., basahin
editoryal ay pagsusuri sa lipunan natin
dyaryo'y kapara ng sugat kung inyong nanamnamin
na nagnanasang bawat pagdugo'y maaampat din
- gregoriovbituinjr.
10.25.2022
* ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)
No comments:
Post a Comment