Saturday, January 7, 2023

Samakatuwid


SAMAKATUWID

"Therefore" is a word the poet must not know. (Ang "samakatuwid" ay isang salitang di dapat mabatid ng makata.) ~ André Gide

makata'y di raw dapat batid
ang salitang "samakatuwid"
tutula mang sala-salabid
ang salita'y di nauumid

mga paksa'y mailarawan
may talinghaga't kainaman
di man agad maunawaan
ay mula sa puso't isipan

anong dahilan, bakit kaya
nabigkas iyon ng makata
nasabi ba niyang may tuwa
o habang siya'y lumuluha

samakatuwid nga ba'y ano
kaparehas ng "dahil dito"
"alipala", at "bunga nito"
"alalaong baga", at "ergo"

tula ba'y may pilosopiya
o ekspresyon lang ng pandama
sa tula'y magpatuloy kita
sa ating mga sapantaha

- gregoriovbituinjr.
01.07.2023

* Si André Gide, (Nobyembre 22, 1869 - Pebrero 19, 1951, Paris), manunulat na Pranses, at ginawaran ng Nobel Prize for Literature noong 1947.

No comments:

Post a Comment

Pagbabasa sa ospital

PAGBABASA SA OSPITAL ikatatlumpu't pitong araw sa ospital animo'y tahanan ng higit isang buwan dito na naghahapunan, nag-aalmusal na...