Saturday, February 18, 2023

Pahinga sa hangganan ng Quezon at Laguna


PAHINGA SA HANGGANAN NG QUEZON AT LAGUNA

pagsapit ng Kilometer Sixty-Nine nagpahinga
pagkalampas ng hangganan ng Quezon at Laguna
doon naghihiwalay ang Mabitac at Pililla
namuti sa kapote ang mahaba naming pila

pagkat umuulan noon, nakakapote lahat
umupo ako sa bato habang dinadalumat
ang adhikaing nakaatang sa aming balikat
na talagang kakayanin gaano man kabigat

upang irehistro ang pagtutol sa Kaliwa Dam
upang ipagtanggol ang buhay at kinabukasan
at depensahan ang lupang ninuno't kalikasan
lalo ang Sierra Madre, ang buong kabundukan

buti't ako'y nakiisa, kaya damang-dama ko
ang kanilang ipinaglalaban, at ang prinsipyo
dama mo ito kung nauunawaan ang isyu
kaya sila'y ipaglalaban mo hanggang sa dulo

- gregoriovbituinjr.
02.18.2023
* kinatha habang nagpapahinga sa simbahan ng Famy kung saan doon na rin kami naglatag ng banig at nagpalipas ng magdamagPahinga sa hangganan ng Quezon at Laguna

No comments:

Post a Comment

Lugaw

LUGAW nakasanayan ko nang kumain ng lugaw na pagkain ng pasyente sa pagamutan na pag ayaw ni misis at ako ang bantay lugaw yaong siya ko nam...