Lunes, Marso 6, 2023

Agab

AGAB

agab pala'y ibang katawagan sa mga swapang,
tuso't mapagsamantalang nais lang magpayaman
na ginagamit ay ilegal na pamamaraan

anong tawag pag legal namang nagsasamantala?
nandyang ayaw iregular ang manggagawa nila!
pagsasamantala'y naging legal na sa pabrika?

mula sa pawis ng iba'y nagpayaman ang agab
kakainin na ng dukha'y kanilang sinusunggab
tila di na mabusog, patuloy lang sa pagngasab

sila kaya'y biktima rin nitong sistemang bulok?
kaya nagsasamantala ang mga trapo't hayok?
nagpapayaman nang sila'y di na maging dayukdok?

sa ganyang mga tao'y anong dapat nating gawin?
mga kontrabida silang dapat nating kalusin!
walang puso't banta pa sa buhay at bukas natin!

- gregoriovbituinjr.
03.06.2023

* agab (salitang Ilokano): pagpapayaman sa pamamagitan ng ilegal na pamamaraan,  mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 16

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Trapo at basahan

TRAPO AT BASAHAN bentador ng bayan ang trapo ang turing sa dukha'y basahan trapo'y nanloloko ng tao ayuda ang nasa isipan ano bang a...