KAPITBISIG LABAN SA DEMOLISYON
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nagulantang kami sa tawag na may demolisyong nagaganap sa isang pamayanan sa Maynila, at kailangan daw nila ng tulong upang masawata ang nasabing demolisyon. Sa ganitong mga pagkakataon ay dapat maagap ang pagkilos at mabilis ang isipan dahil buhay at karapatan ang nakataya. Pag biglang nawalan ng tahanan ang isang pamilyang maralita, tiyak na malaking suliranin ito sa kanila. Saan na sila tutuloy pansamantala habang inaayos ang gusot na ito? Saan na ba titira ang kanilang mga anak? Paano ang eskwela ng mga bata?
Hindi ba’t kaya naman naroon sa iskwater ang pamilyang dukha ay dahil malapit iyon sa kanilang trabaho? Hindi sila titira roon kung malayo iyon sa pinakukunan nila ng ikabubuhay. Subalit nakatira sila sa nakatiwangwang na lupa, na noong una’y tinirhan ng kanilang mga magulang, na mula sa lalawigan ay umalis doon dahil sa hirap ng buhay.
Nakakita ng trabaho o anumang mapagkakakitaan sa lungsod na umampon sa kanila, sa lungsod ng mga pangarap. Kaya sa lungsod ding iyon nila napiling manirahan kung saan malapit sa pinagkakakitaan nila.
Napakaraming kwento ng pakikipagsapalaran ng maralita upang maabot ang pinapangarap na buhay na maginhawa. Ngunit ngayon…
“Magbarikada tayo, mga kapitbahay! Hindi tayo papayag pasukin nila tayo upang wasakin ang ating mga tahanan at itaboy tayong parang mga daga sa malayo! Dito na tayo isinilang, nagkaisip, nagkaasawa, nagkaapo. Dito natin nakagisnan ang ating mga magulang, tapos ay basta na lang tayo palalayasin dahil nabili na ng isang malaking kumpanya ang kinatitirikan ng ating bahay? Ni wala man lang pag-uusap na naganap kung paano na tayo, kung may relokasyon bang malapit sa ating trabaho? Wala! Tayong mga maralita kasi ay masakit sa kanilang mga mata kaya para tayong hayop na tatanggalan nila ng karapatan at tahanan! May dignidad tayo bilang tao na di dapat binabalewala!” Ito ang mariing sabi ni Ate Lona sa kanyang talumpati sa magkakapitbahay.
Sang-ayon naman ang mga tao. At sinabi naman ni Mang Gusting, “Tama si Ate Lona, tayo ay mga taong may dignidad, may karapatan, may mga pangarap sa ating mga anak. Na kahit tayo’y mahirap, tayo ay may dangal na iniingatan. Kung tatanggalan nila tayo ng ating tahanan, winawasak nila ang ating buhay, kabuhayan at kinabukasan ng ating mga anak. Papayag ba tayo! Hindi! Tara na sa barikada, at ipagtanggol ang ating karapatan sa paninirahan at kinabukasan ng ating mga anak!”
Nasa gayon silang pagkilos nang dumating ang mga lider-maralita mula sa kabilang barangay sa pangunguna ni Ka Linda. Lumakas ang loob ng mga tao. Sina Ka Linda ang isa sa mga nagtagumpay sa pakikipaglaban noon laban sa paggiba sa kanilang kabahayan sa Brgy. 143. Muli nilang itinayo ang kanilang bahay at buhay. Dumating din sina Ka Igme ng Brgy. 147.
Nakaamba na ang demolition team sa pangunguna ng isang malaking tao. Inihatid nito ang liham na diumano’y order na pinaaalis na sila sa kanilang mga tahanan dahil gigibain na ang mga ito upang bigyang daan ang pagtatayo ng malaking mall sa lugar. Nakapalibot sa kanya ang demolition team na mukha rin namang galing sa iskwater, tulad nilang maralita.
“Hindi kami papayag na mapaalis sa aming mga tahanan!” Sabi ni Ka Lona. Nagkapit-bisig na ang mga tao. Habang naghahanda naman ang iba ng kanilang pandepensa tulad ng binalot na tae at ihi upang ibato sa mga demolition team sakaling umatake na ang mga ito.
Umawat sina Ka Linda at Ka Igme at kinausap ang nagpapademolis na mukhang goons. “Bakit hindi man lang kinausap ang mga maralita tungkol sa proyekto? Wala silang kaalam-alam na may ganyang proyekto. Labag iyan sa UDHA! Dapat may negosasyon muna bago demolisyon! Saan sila titira, kakain at matutulog? Sa kalsada? Paano ang mga bata?” Ani Ka Igme.
“Bahala kayo! Basta sabi ng aking amo, dapat lumayas na kayo sa lupaing ito dahil nabili na niya ito. Maghabol na lang kayo sa korte! Sige, layas!” At sinenyasan ang demolition team na pumasok na. Dumating ang mga midya at kinunan ang nagaganap na tensyon. Patuloy pa ring kapitbisig ang mga maralita. Tila bato silang hindi matinag, habang nasa likod nila ang mga nakaalalay pang maralita sakaling magkaduguan.
Pumagitna si Ka Lona. Nakahanda na rin ang mga tao. Subalit…
Nahupa lang ang tensyon nang dumating ang isang taga-City Hall na pinahihinto ang demolisyon. “Huwag ituloy ang demolisyon, inatasan kami ni Mayora, ihinto na ang demolisyon. May negosasyong naka-iskedyul. Hintayin muna iyon.” Ilang sandali pa’y umalis na ang demolition team.
Alam nila, pansamantala lang ang tagumpay na iyon. Kailangan pa rin nilang maghanda at maging mapagbantay. Dahil anumang sandali ay maaari pang bumalik ang mga iyon sa araw na hindi nila inaasahan.
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2023, pahina 18-19.
No comments:
Post a Comment