UNANG MADALING ARAW NG ABRIL
madaling araw na naman, muli akong nagising
kaya agad minasdan ang talang bibitin-bitin
mayroong nagpadilat sa aking pagkakahimbing
na di ko mawari sa pagtingala sa bituin
April Fool's Day daw ngayon, bakit iyon ang taguri
magsisilang na ba ng sanggol ang inang naglihi
mapalago ko kaya ang itinanim kong binhi
unang madaling araw ng Abril, di ko mawari
muli'y kaharap ko na naman ang kwaderno't papel
habang nagninilay ano bang mayroon sa Abril
mayroong Earth Day, pag-init ng klima'y di mapigil
sa diwa'y climate emergency yaong umukilkil
tara na, salubungin ang Abril nang may pangarap
na ang ating kabuhayan ay di sisinghap-singhap
na ang asam na ginhawa'y atin ding malalasap
habang narito pa ring patuloy na nagsisikap
- gregoriovbituinjr.
04.01.2023
No comments:
Post a Comment