TABOL AT TANGLO
nakita ko sa dalawang palaisipan
ang mga salitang ngayon ko lang nalaman
ang TABOL pala'y MASAMANG HANGIN SA TIYAN
at ang TANGLO ay PULUBI ang kahulugan
kaya ngayon ay gagamitin kong totoo
sa kwento, tula't sanaysay ang mga ito
at sa U.P. Diksiyonaryong Filipino
ay tiningnan ko kung kahulugan ay wasto
baka kabag din ang tabol kung tutuusin
dahil ang tiyan ay napuno din ng hangin
tanglo naman ay pulubi kung iisipin
na dapat kaawaan o tulungan natin
salamat sa mga palaisipang iyon
mga lumang salita'y biglang nakaahon
mula sa kanilang nahihimbing na kahon
halina't sa tula'y gamitin natin ngayon
- gregoriovbituinjr.
08.01.2023
Pinaghalawan:
* dalawang palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 31, 2023, p.15
* Unang krosword, 23 Pababa: Masamang hangin sa tiyan - Tabol
* Ikalawang krosword, 22 Pababa: Tanglo - Pulubi
* tabol - Medisina: hangin sa tiyan na lumilikha ng kakaibang tunog kapag tinapik; liyok; mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1197
* tanglo - [Sinaunang Tagalog]: pulubi; mula sa UPDF, p. 1226
No comments:
Post a Comment