ANG BISYO KO'Y DYARYO
wala akong bisyo tulad ng toma't yosi
ngunit araw-araw gumagastos ng bente
pesos sa mga dyaryong Pang-Masa't Abante
pag isa'y wala, Bulgar ipapalit dini
tumatagay din minsan kapag may okasyon
buti pa ang dyaryo't may mga ulat doon
ano na bang nangyayari sa bansa ngayon?
anong isyung pambayan ang di mo malulon?
balita, tsismis, kasaysayan, kaalaman
mayroon ding nobelang sinusubaybayan
hanap-salita at krosword, palaisipan
aritmetik at sudoku, palatambilang
tulad ng aklat, sa dyaryo na rin naadik
may socmed man, uso pa rin ang natititik
kaya bente pesos ay nakahandang salik
upang dyaryo'y bilhing walang patumpik-tumpik
- gregoriovbituinjr.
05.13.2024
No comments:
Post a Comment