PAGNGITI SA PAGWAWANGIS
pag may kakaibang nabasang talinghaga
lalo't kayganda'y mapapangiti kang sadya
animo'y nakikiliti ang iyong diwa
napapaisip sa alindog ng salita
tulad na lang ng tayutay na pagwawangis
o simile, na matulaing binibigkis
bakit puso mo'y gaya ng bato sa batis
pinaluluha mo ako ng labis-labis
kapara mo'y talangka sa laot ng lumbay
katulad ko'y bituin sa langit ng malay
ang gerilya'y tulad ng makatang mahusay
parang tulang di madalumat ng kaaway
pangako ng trapo'y parang dampi ng hangin
laging napapako kundi man nakabitin
sa ChaCha ang bayan ay parang nasa bangin
bantang ibenta sa dayo ang lupa natin
sa ganitong tayutay ay napapangiti
pagkat sa larang ng tula ako'y masidhi
sa pagkatha nito'y di dapat magmadali
na paksa'y inaalam muna't sinusuri
- gregoriovbituinjr.
05.26.2024
* litrato mula sa app game na Word Connect
No comments:
Post a Comment