Monday, June 24, 2024

Ang kuwago at ang lapira

ANG KUWAGO AT ANG LAPIRA

nagpupuyat ang kuwago sa gabi
pagsusunog ng kilay ang diskarte
ang tawag pala sa kanya'y lapira
na katugma'y panggabi ring bampira

gising naman ang kuwago pag araw
na nagsusunog din naman ng kilay
pulos pagbabasa dito at doon
hinahasa ang kanyang edukasyon

subalit magkaiba man ang tawag
silang dalawa ay magkamag-anak
pawang palaaral, matatalino
kapara'y karakas ni Tata Lino

ngunit isa't isa'y walang hamunan
na magpaligsahan ng nalalaman
imbes kompetisyon, kooperasyon
walang payabangan ang mga iyon

nabatid nilang sa kapitalismo
pataasan ng ere yaong tao
kumpetisyon kung sino ang magaling
kaya may trapong gahaman, balimbing,

may pang-aapi't pagsasamantala,
elitista't mapanlamang sa kapwa
pagkat nag-aral ang mga kuwago
pasya nila'y di tularan ang tao

- gregoriovbituinjr.
06.24.2024

* 35 Pahalang: Kuwago sa gabi, palaisipan mula sa pahayagang Abante, Hunyo 7, 2024, pahina 10
* lapira - uri ng kuwago (Tyto capensis) na abuhing kayumanggi ang pakpak at puti ang dibdib at mukha, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 678

No comments:

Post a Comment

Lugaw

LUGAW nakasanayan ko nang kumain ng lugaw na pagkain ng pasyente sa pagamutan na pag ayaw ni misis at ako ang bantay lugaw yaong siya ko nam...