DAGIM
isang uri ng ulap ang dagim
dala'y ulan, ulap na maitim
pag tanghali'y biglang kumulimlim
tingni't dagim na kaya nagdilim
sa Ingles, ito pala ang nimbus
kung di ulan, dala nito'y unos
kung nasa lungsod, baha'y aagos
kung lupa'y tigang, tuwa mo'y puspos
gamitin ang sariling salita
sa ating kwento, dula o tula
sa sanaysay, ulat o balita
upang mabatid ito ng madla
ngayon nga'y agad kong nalilirip
pag may dagim, tapalan ang atip
maghanda bago tayo mahagip
dapat tao't gamit ay masagip
- gregoriovbituinjr.
06.07.2024
* dagim - ulap na maitim at nagdadala ng ulan, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 250
No comments:
Post a Comment