Tuesday, June 4, 2024

Dapithapon, dapit-tanghali, dapit-umaga

DAPITHAPON, DAPIT-TANGHALI,  DAPIT-UMAGA

noon pa man, dapithapon na'y batid
at sa kwento't tula na'y nagagamit
oras ng pag-aagawdilim iyon
bandang mag-iikaanim ng hapon

mayroon pa palang dapit-tanghali
oras bago ang ganap na tanghali
bandang alas-onse na iyong sadyâ
sa pananghalian na'y naghahandâ

at nariyan din ang dapit-umaga
o nagbukangliwayway nang talaga
mga salitang ngayon lang napansin
na sa kwento't tula na'y gagamitin

magagandang salitang natagpuan
na dagdag sa kaalaman ng bayan
sino pa bang diyan magpapasikat
bukod sa makata'y ang masang mulat

di namimilosopong masasabi
o salita'y inimbento lang dini
pagkat ito'y nalathalang totoo
sa iginagalang na diksyunaryo

- gregoriovbituinjr.
06.04.2024

* nasaliksik mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 265

No comments:

Post a Comment

Pananghalian sa ospital

PANANGHALIAN SA OSPITAL pananghalian dito'y gulay, isda't lugaw ayaw kumain ni misis, siya'y busog daw natulog siya't ibibil...