Monday, July 1, 2024

Pusong uhaw, pusang uhaw

PUSONG UHAW, PUSANG UHAW

minsan, uhaw ang ating puso sa pag-ibig
hanap ang giliw upang kulungin sa bisig
sumasaya agad pag narinig ang tinig
ng sintang sa iwing puso'y nagpapapintig

habang pusa kong alaga'y uhaw sa tubig
na tubig-ulan yaong tumighaw sa bibig
matapos pakainin nang hindi mabikig
nang di magkasakit at umayos ang tindig

salamat sa pag-irog na di palulupig
sa anumang suliraning di makadaig
sa pusong naglalagablab kahit malamig
ang panahong balat nati'y nangangaligkig

minsan, sa pag-ibig, sagisag ay sigasig
sigasig ay sagisag kaya lumalawig
ang pagsasama ng dalawang umiibig
di mauuhaw ang pusong laksa sa dilig

- gregoriovbituinjr.
07.01.2024

* mapapanood ang bidyo ng pusang uhaw sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/898819382053667 

No comments:

Post a Comment

Sa lugar-lagdaan

‎SA LUGAR-LAGDAAN ‎ ‎balang araw ay uupo rin ako ‎sa lugar-lagdaan ng mga libro ‎naming sinulat, nobelang totoo ‎o kaya'y ng tula't ...