YANGA AT SAPLAD
napakaliit na bagay lang ito sa marami
subalit para sa akin ito'y sadyang malaki
di madali ang itaguyod ang wikang sarili
upang pagbuhusan ko ng panahong sinasabi
tulad na lang sa nasagutan kong palaisipan
ang PASO pala ay YANGA, ang SAPLAD naman ay DAM
salita bang lalawiganin o may kalaliman
kahit sa munti mang tula'y maging tulay sa bayan
bakit ba pinag-aaksayahan ko ng panahon
ang ganitong salitang animo'y sagradong misyon
sa gawaing ito ba sa hirap makakaahon?
o gawain ng makata'y sa ganyan nakakahon?
tungkulin ng makatang tulad ko ang itaguyod
ang mga ganitong salitang nakita sa krosword
tungkuling pinagsisikapan at kayod ng kayod
at pinagtitiyagaan wala man ditong sahod
marahil, sadyang ganito ang buhay ng makata
hinahawi ang alapaap ng mga kataga
nakikipagbuno sa alon ng mga salita
hagilap ang ginto sa gitna ng putik at sigwa
- gregoriovbituinjr.
07.30.2024
* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 29, 2024, pahina 10
* 17 Pababa - Saplad - DAM
* 20 Pababa - Paso - YANGA
Panitikan ng mga Saray na Sagigilid (Literature of the Marginalized Sectors) - tinipon ni Gregorio V. Bituin Jr.
Tuesday, July 30, 2024
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Lugaw
LUGAW nakasanayan ko nang kumain ng lugaw na pagkain ng pasyente sa pagamutan na pag ayaw ni misis at ako ang bantay lugaw yaong siya ko nam...
-
SI DATU AMAI PAKPAK, BAYANI NG MINDANAO Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Noong Disyembre 30, 2022, araw ng kamatayan ng bayaning ...
-
SIBI AT LAOG Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Bigyang pansin natin ang dalawang salitang bago sa ating pandinig, na marahi...
-
ANG LANDAS KONG TINATAHAK tinatahak ko ang landas ng magigiting di ang landas ng hunyango, trapo't balimbing kaya aagahan ko palagi ang ...
No comments:
Post a Comment