KAYLAKAS NG ULAN SA BUNDOK
kaylakas ng ulan sa kabundukan
ang mga bubong ay nagkalampagan
tubig sa dalisdis ay nagdaluyan
pusa't manok ay nagsipagtaguan
mabilis na niligpit ang sinampay
di na lumabas, doon lang sa bahay
ihip ng hangin ay napakaingay
na sa pisngi't balat ko'y lumalatay
ginawa na muna'y magmuni-muni
habang may ulan ay di mapakali
taludtod at saknong ang hinahabi
sa panulat man lang makapagsilbi
sana biyahe bukas ay maaraw
mula sa Benguet pauwi ng Cubao
ayos lang kahit biyahe'y maginaw
at si haring araw sana'y lumitaw
- gregoriovbituinjr.
08.25.2024
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/ueud3ZCtjh/
No comments:
Post a Comment