MULA ALABANG HANGGANG ALAPANG
halos limang oras ang biyaheng kaybilis
tanaw na namin ang kanayunan at bundok
kaysarap bumalik sa bahay nina misis
kaylamig dito habang aking naaarok:
noong manggagawa pa ako sa pabrika
ay nag-opereyt ng makina sa Alabang
makalipas ang higit dalawang dekada
ang naging pamilya'y may bahay sa Alapang
sa una'y nagtrabaho akong manggagawa
sa pangalwa'y tahanang malayo sa lungsod
ang una'y nananatili na lang gunita
ang ikalawa'y kasalukuyan kong lugod
"Mula Alabang hanggang Alapang" sa isip
ko'y pamagat ng libro ng tula't sanaysay
subalit ito sa ngayon pa'y panaginip
kaya dapat lang aking pagsikapang tunay
- gregoriovbituinjr.
08.22.2024
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/u6JJI5vXfc/
No comments:
Post a Comment