Saturday, September 21, 2024

Maibabalik nga ba ang kahapon?

MAIBABALIK NGA BA ANG KAHAPON?

may dalawang kahulugan ang katanungang iyon
umaasang maibabalik pa ang dating buhay
o huwag nang ibalik ang mga nangyari noon
kung saan panahong iyon ay kayraming namatay

ibalik ang dati na ang mga mahal sa buhay
ay di pa nabiktima ng buhong na diktadura
upang di natin dinaranas ang kaytinding lumbay
may desaparesido at bulok pa ang sistema

"Batas Militar, Parang Pamilyar", iyan ang tema
ng paggunita sa naganap na marsyalo noon
"Bagong Lipunan, Bagong Pilipinas", anong iba?
kaya "Never Again, Never Forget" ay ating misyon

huwag na nating ibalik ang kahapong kaytindi
na mismong diktadura'y halimaw sa mamamayan
nabiktima't humihiyaw ng hustisya'y kayrami
sapilitang iwinala'y di pa natatagpuan

ibabalik ba ang kahapong walang diktadura?
bakasakaling buhay pa ang ating minamahal...
"Never Again, Never Forget", halina't magkaisa
nangyari noon ay paghanguan natin ng aral

- gregoriovbituinjr.
09.21.2024

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa paggunita sa ikalimampu't dalawang anibersaryo ng batas militar, sa pangunguna ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), sa Bantayog ng mga Bayani, Setyembre 21, 2024
* inawit ng Soulful Band ang awiting Pana-Panahon ni Noel Cabangon, at sumabay naman sa pag-awit ang mga dumalo sa pagtitipon
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/uKuFUPiNZ6/ 

No comments:

Post a Comment

Lugaw

LUGAW nakasanayan ko nang kumain ng lugaw na pagkain ng pasyente sa pagamutan na pag ayaw ni misis at ako ang bantay lugaw yaong siya ko nam...