Saturday, October 26, 2024

Nabaon sa lupa ang isang nayon sa Batangas

NABAON SA LUPA ANG ISANG NAYON SA BATANGAS

anong tindi ng ulat sa Philippine Star
"Landslide buries village in Batangas: 14 dead"
lumubog na ang isang nayon sa Talisay,
Batangas, labing-apat katao'y namatay

sa Purok B ng Barangay Sampaloc dito
nang manalasa si Kristine, kaytinding bagyo
ang mga nakaligtas ay tulungan natin
sa munti mang paraan, tubig at pagkain

may nawawala pa raw na anim katao
kasama ang isang babae't anak nito
ang marahil ay natabunan din ng lupa
pag nahanap, labing-anim na ang nawala

sa bayan ng Laurel, may walong patay naman
natamaan din ang Lemery't Calatagan
na pagitan nito'y ang bayan ng Balayan
naroon ang aking ina't kamag-anakan

nawa'y mabatid ang nangyayari sa klima
o climate change, na panahong paiba-iba
tulungan din natin ang mga nasalanta
ating ibigay ang kailangang suporta

- gregoriovbituinjr.
10.26.2024

* ulat mula sa pahayagang Philippine Star, Oktubre 26, 2024, pahina 1 at 3

No comments:

Post a Comment

Lugaw

LUGAW nakasanayan ko nang kumain ng lugaw na pagkain ng pasyente sa pagamutan na pag ayaw ni misis at ako ang bantay lugaw yaong siya ko nam...