Tuesday, July 22, 2025

Marubdob

MARUBDOB

ngayon nga ako'y nagkukumahog
sapagkat araw na'y papalubog
mga gulay sana'y di malamog
at ang tinapay ay di madurog

nakikiramdam lamang sa unos
habang mga tubig umaagos
tikatik ay kaylaki ng buhos
sa balat ko'y tila umuulos

kaytagal ko ritong nakatanghod
ay wala pang nalikhang taludtod
rumaragasa na sa alulod
sa kwento'y anong saysay at buod

buti't diwa sa libro sinubsob
kalabaw naman ay nakalublob
sa putikan, habang nakalukob
sa aking kinakathang marubdob

- gregoriovbituinjr.
07.22.2025

No comments:

Post a Comment

Ngayong World Poetry Day 2026

NGAYONG WORLD POETRY DAY 2026 ‎ ‎tumatagaktak man / ang pawis sa noo ‎nilalakad ko ma'y / kilo-kilometro ‎patuloy ang nilay / sa kalsada...