Wednesday, July 23, 2025

Pinikpikan sa pang-apatnapung araw

PINIKPIKAN SA PANG-APATNAPUNG ARAW

nagpinikpikan habang inalala
ng angkan ang pang-apatnapung araw
ng pagkawala ng aking asawa
habang ramdam ko pa rin ay mapanglaw

isa nang tradisyon ang pinikpikan
bilang alay, bilang pasasalamat
sa lumikha nitong sansinukuban
habang ramdam ko pa rin yaong bigat

sa dibdib, tila sangkaterbang bato
ang nakadagan, buti't di sumikip
ang dibdib, nakakatayo pa ako
habang si misis ang nasasaisip

magpapatuloy pa rin yaring buhay
sa kabila ng nadaramang lumbay

- gregoriovbituinjr.
07.23.2025

No comments:

Post a Comment

Nilay sa digmâ

NILAY SA DIGMÂ ‎ ‎nananakop na ang imperyalistang bansâ upang langis at yaman ng iba'y agawin ‎para sa kanilang pansariling interes ‎nag...