SA AKING LUNGGA
ang noo ko'y kunot sa aking lungga
nagninilay sa ilalim ng lupa
naghahanda sa malawakang sigwa
diwa, pluma't gulok ay hinahasa
nabubuhay kahit nagsasalat man
sa munti kong mundo ng panitikan
tambak ang pahayagan, may aklatan
sa lunggang di ko kinaiinipan
sa sinapupunan ng laksang kwento
ay nagbuntis ang pag-aalburuto
ng masa laban sa pang-aabuso
ng mga linta, tiwali't dorobo
dapat nang managot lahat ng sangkot
sa korapsyon nilang katakot-takot
ang ginawa nila'y nakapopoot
ang ginhawa nila'y baha ang dulot
anang bayan, di dapat manatili
sa pwesto kahit na isang sandali
ang trapo't dinastiyang naghahari
ikulong lahat ng mga tiwali
sa aking lungga mamaya'y lalabas
maghahanap ng pambili ng bigas
habang pangarap ay lipunang patas
at bulok na sistema na'y magwakas
- gregoriovbituinjr.
09.28.2025
No comments:
Post a Comment