Thursday, February 26, 2026

Buwaya

BUWAYA

buwaya ba'y naroroon lang sa mga zoo?
o nasa malalalim na ilog lang ito?
bakit buwaya'y turing sa nasa Kongreso?
sa Senado, o sa mga bundat na trapo?

buwaya - katawagan sa mga kurakot
sa pondo ng bayan, mga gawaing buktot
pahirap sa bayan silang mga balakyot
mga mandarambong silang dapat managot

anong petsa na? buwaya'y naglipana pa
sa mga bulwagan ng gobyerno't burgesya
nagpapasasâ sa yamang likhâ ng masa
nasanay mambola upang iboto sila

dapat manggagawa't dukha'y magkapitbisig
at mga kurakot ay kanilang mausig
hunyango't dinastiya'y tuluyang malupig
sistema'y baguhin, iyan ang aming tindig

- gregoriovbituinjr.
02.26.2026

* litrato kuha sa rali sa Edsa, 02.26.2026

No comments:

Post a Comment

Sa gabing pusikit

SA GABING PUSIKIT eklipse'y di matanaw ano ang paliwanag? tanging poste ng ilaw ang sa gabi'y bumasag eklipse raw ng buwan kayâ gabi...