Monday, February 2, 2026

Di pa ubos ang tinta ng aking panulat

DI PA UBOS ANG TINTA NG AKING PANULAT

di pa ubos ang tinta ng aking panulat
kayâ habang may tinta pa'y sulat ng sulat
lalo't hilig ko'y magbasa ng dyaryo't aklat
bata pa'y ito na ang sa akin nagmulat

habang may tinta ang pluma'y kathâ ng kathâ
animo'y walang pagkapagod yaring diwà
laging nagsusumigasig na makalikhâ
ng mga obrang nagmumulâ sa harayà

panatà sa sarili'y magsusulat lagi
ng mga kwento't tulâ, iyan na ang gawi
anuman ang paksang nanilay o nasuri
anong puno't dulo, anong epekto't sanhi

marahil, tumanda ma't magmistulang laos
para mang kandilang marahang nauupos
sa putik man ay umahon o dumausdos
kakathâ pagkat pusò ko'y ito ang utos

- gregoriovbituinjr.
02.02.2026

No comments:

Post a Comment

Tinuring mang makatâ ng lumbay

TINURING MANG MAKATÂ NG LUMBAY tinuring na makatâ ng lumbay sa mga tulang may luhang taglay lalo't nag-iisa na sa buhay bálo na't la...