
PALAKINGKINGAN
kung ang hinliliit ay kalingkingan
hinlalato pala'y palakingkingan
habang may daliring palasinsingan
may salitang madalas di magamit
ang palakingkingan ay parang pilit
palasinsingan sa kasal malimit
mabuti na rin at nabatid iyon
na para sa mga makata'y misyon
at para sa tugmaang nilalayon
anumang tawag, daliri'y may silbi
tulad ng hintuturo't hinlalaki
pagtipa sa selpon, kompyuter, busy
di man pamilyar ang ilang salitâ
mabuti't nabatid ang bago't lumà
bago sa akin, batid ng matandâ
- gregoriovbituinjr.
03.21.2026 (World Poetry Day)
* mulâ sa Diksiyonaryong Adarna, pahina 674
No comments:
Post a Comment