PAGGIGITARA
pinag-aaralan ko na ang maggitara
nang kathang tula'y malapatan ng musika
sa ngayon ay patipa-tipa na lang muna
hanggang sa pagtugtog ay masanay talaga
dapat lapatan ng tono ang mga tula
aralin ang gitara habang tumatanda
kung magkakalyo ang daliri'y maging handa
na tiyak daranasin ng abang makata
nawa'y makalikha rin ng sariling awit
na isyu ng manggagawa't dukha ang bitbit
na may pagkalinga sa babae at paslit
na lipunang makatao'y maigigiit
di na lang tutula sa raling dinaluhan
aawit na sa entablado ng lansangan
pagkatha't paggigitara'y pag-iigihan
na sa pagtanda'y may nagawa pa rin naman
- gregoriovbituinjr.
04.01.2023
No comments:
Post a Comment