Sunday, May 14, 2023

Kwento - Sahod vs. Presyo? O Sahod vs. Tubo?

SAHOD VS. PRESYO? O SAHOD VS. TUBO?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Bakit pag sa malalaking kinikita ng mga kapitalista o ng malalaking negosyante, walang nagsasabing tataas ang presyo ng mga bilihin pag tumaas ang kanilang kinikita? Subalit kaunting baryang taas ng sahod ng manggagawa, sinasabing magtataasan na ang presyo ng mga bilihin?” Ito ang bungad na tanong ni Aling Ines kay Mang Igme, habang sila’y naghuhuntahan sa karinderya ni Mang Igor katabi ng opisina ng unyon.

Narinig iyon ni Mang Inggo, isa sa lider ng unyon. “Hindi po totoo na pag tumaas ang sahod ng manggagawa ay tataas din ang presyo ng bilihin. Binobola lang tayo ng mga iyan. Paraan nila iyan nang hindi tayo taasan ng sahod habang limpak ang kita nila sa ating lakas-paggawa.”

Sumabad din si Mang Igme, “Ano ka ba naman, kasamang Ines. Syempre, kapitalista sila. Mga negosyante, malakas ang kapit sa gobyerno, at makapangyarihan. Tama si Inggo. Ang totoo niyan, ang talagang magkatunggali ay sahod at tubo, sahod ng manggagawa, at tubo ng kapitalista. Pag tumaas ang sahod ng manggagawa, bababa ang tubo ng kapitalista. Upang tumaas ang tubo ng kapitalista, dapat mapako sa mababa ang sahod ng manggagawa. Kaya walang epekto sa kapitalista ang presyo ng bilihin, tumaas man o bumaba.”

“Subalit bakit nga ganyan? E, di, ang dapat pala nating hilingin o kaya’y isigaw: Sahod Itaas, Tubo Ibaba! Hindi ba?” Sabi ni Aling Ines.

“Tama ka, Ines!” si Mang Igme uli, “Subalit ang Sahod Itaas, Presyo Ibaba ay mas makapagmumulat sa mas malawak na mamamayan, dahil iyon ang mas malapit sa kanilang bituka. Baka hindi nila intindihin ang Sahod Itaas, Tubo Ibaba, baka sabihing panawagan lang iyan sa loob ng pagawaan. Sa ngayon, nananatili pa rin namang wasto, bagamat kapos, ang Sahod Itaas, Presyo Ibaba.”

Sumagot din si Mang Igor na nakikinig matapos magluto. “Kaya kailangan pa ng mamamayan ang makauring kamalayan, na magagawa lang natin sa pagbibigay ng edukasyong pangmanggagawa, tulad ng Landas ng Uri, Aralin sa Kahirapan, at ang paksang Puhunan at Paggawa. Hangga’t hindi naaabot ng manggagawa ang makauring kamalayan, baka hindi nila maunawaan ang panawagang Sahod Itaas, Tubo Ibaba, o Tubo Kaltasan. Paano ito maiuugnay sa buhay sa lipunan.”

“Sige,” sabi ni Aling Ines. “Magpatawag tayo ng pulong at pag-aaral sa Sabado upang talakayin ang konseptong iyan. Bago iyan sa amin.”

Dumating ang araw ng Sabado, at sa opisina ng unyon ay dumalo ang nasa dalawampung manggagawa. Idinikit nila sa pader ang isang manila paper. Matapos ang kumustahan ay nagsimula na ang talakayan.

Si Mang Igme, "Alam nyo ba na may apat na sikreto ang kapitalismo hinggil sa sahod, subalit apat na katotohanang pilit nilang itinatago sa manggagawa. Una, ang sahod ay presyo. Ikalawa, ang sahod ay kapital. Ikatlo, ang sahod ang pinanggagalingan ng tubo. At ang huli, ang sahod ay galing mismo sa manggagawa. Napakaliit na nga ng naibibigay sa manggagawa, nais pang baratin ng kapitalista upang humamig pa limpak-limpak na tubo. Ang sahod ay hindi lang panggastos ng manggagawa para siya mabuhay. Ito mismo ay gastos ng kapitalista para umandar ang kanyang negosyo at lumago ang kanyang kwarta. Ibig sabihin, ito ang pinakaimportanteng bahagi ng kanyang kapital.”

Nagtanong si Iking, “Ibig po bang sabihin, hindi sapat ang sigaw nating Sahod Itaas, Presyo Ibaba, kundi ang sinabi ni Aling Ines na Sahod Itaas, Tubo Bawasan, kung sa atin palang manggagawa galing ang tubo.”

“Tama ka.” Sagot ni Mang Igme. Mahaba pa ang naging talakayan. Maraming tanong at paliwanag. 

Pinutol ni Mang Inggo ang talakayan, "Kung wala nang mga tanong, iyan muna ang ating tatalakayin. Sunod nating paksa ay bakit kailangan natin ng kamalayang makauri." Sumang-ayon naman ang mga kasama.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 1-15, 2023, pahina 18-19.

No comments:

Post a Comment

Pakner sa paglaya ng inaapi

PAKNER SA PAGLAYA NG INAAPI Nobyembre 29 - International Day of Solidarity with the Palestinian People  minsan, pakner kami ni Eric pag may ...