Monday, September 30, 2024

Pagsusunog ng kilay

PAGSUSUNOG NG KILAY

"The first duty of a revolutionary is to be educated." ~ Che Guevara

nagsusunog pa rin nitong kilay
upang pagsusuri ko'y humusay
maraming inaaral na tunay
samutsaring paksang naninilay

di lang sa eskwela makukuha
ang mga natutunan ng masa
ang dunong at pag-aanalisa
ay sa paligid din makikita

tayo'y magbasa ng dyaryo't aklat
kayraming isyung mahahalungkat
na makatutulong din ng sukat
upang mahasa't makapagmulat

ika nga, una nating tungkulin
ay matuto ng laksang aralin
lalo't sistema'y nais baguhin
nang lipunang makatao'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
09.30.2024

Kaylakas ng ulan sa madaling araw

KAYLAKAS NG ULAN SA MADALING ARAW

gising pa rin ako kahit madaling araw
dahil ulan sa yero'y nakabubulahaw
nagtalukbong ng kumot habang giniginaw
nais umidlip ngunit tulog ko'y kaybabaw

paligid ay nilagyan ko ng mga balde
dahil tumutulo na ang yerong kisame
mahirap humimbing, baka magbaha dine
sa loob ng bahay, ay, kaytinding bagahe

minsan, titila at agad muling papatak
ang ulan, talagang mabibigat ang bagsak
animo buong tahanan na'y pinipisak
tila bubong at puso ko na'y winawasak

di na simpleng ulan, kundi unos na, unos
buti kung sakahan ang didiligang lubos
paano pag binaha'y lungsod ng hikahos?
ang magagawang tulong pa rin ba ay kapos?

madaling araw, tuloy ang pagsusulat ko
kayraming paksa: baha, unos, anod, bagyo
mitigasyon, adaptasyon, klimang nagbago
pati lagay ng paslit na nagdidiliryo

- gregoriovbituinjr.
09.30.2024

Sunday, September 29, 2024

Diwa't salita

DIWA'T SALITA

"Thoughts are the gun. Words are the bullets." ~ tatak mula sa isang tshirt

sa pagkatha ng kwento o tula
dapat malay sa diwa't salita
ugnayan ng dalawang adhika'y
paano ginagamit ng tama

mula sa kasabihang masiste
kaisipan ang tangan mong riple
salita naman ang punglo dine
ang diwa't salita ang mensahe

sa pag-akda ng tula o kwento
nobela, o sanaysay man ito
diwa't salita'y gamiting wasto
nang may kapayapaan sa mundo

ang bumuo ng sibilisasyon
ay diwa't salita ng kahapon
na nagagamit pa hanggang ngayon
at mga sunod pang henerasyon

- gregoriovbituinjr.
09.29.2024

Saturday, September 28, 2024

Paalala sa pintuan

PAALALA SA PINTUAN

naroon ang paalala sa pinto
kung hihilahin ba o itutulak
Ingles muna, sunod ay Filipino
Hapon o Tsino't Koreanong sulat

isa'y "Pull the Door" kung nais pumasok
isa'y "Push the Door" kung nais lumabas
iinom doon ng kapeng mausok
o kung nais mo'y masarap na gatas

sa isang mall sa Cubao ko nakita
kaya kinodakan ko ito agad
upang maitula ko kapagdaka
nahalina sa simbolo't panulat

kulang ng panulat Baybayin natin
na magandang dito'y isamang sadya
dapat ay may katutubong Baybayin
subalit sinong magpapasimula?

- gregoriovbituinjr.
09.28.2024

Friday, September 27, 2024

Tapat na dyanitor

TAPAT NA DYANITOR

dyanitor siyang tunay na kahanga-hanga
pagkat sinoli niya'y pitakang nawala
at di lamang isa kundi dalawang beses
na masasabi mong kalooba'y kaylinis

apat na buwan pa lang na nagtatrabaho
bilang dyanitor ang tapat na mamang ito
ang kanyang pangalan ay Vicente Boy Dalut
nagsoli ng wallet, di naging mapag-imbot

malinis ang iskul, malinis pa ang budhi
katapatan niya'y maipagkakapuri
ayon kay Kagawad Pulido, nararapat
lamang parangalan ang mga taong tapat

nagpapasalamat ang mga estudyante
sa kanilang iskul sa Rosario, Cavite
katapatan niya'y isa nang inspirasyon
sa bayan at institusyon ng edukasyon

sa taong tapat, kami rito'y nagpupugay
mabuhay ka, Vicente Boy Dalut, Mabuhay!
sa anumang larangang iyo pang tahakin
nawa ginawa mo'y sa tagumpay ka dalhin

- gregoriovbituinjr.
09.27.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, Setyembre 27, 2024, pahina 8

Thursday, September 26, 2024

Mula sinapupunan hanggang hukay

MULA SINAPUPUNAN HANGGANG HUKAY

sa aking ugat ay nananalaytay
ang dugong bayani ngunit may lumbay
dapat na mayroong pagkakapantay
mula sinapupunan hanggang hukay

kaya patuloy kaming nangangarap
ng isang sistemang di mapagpanggap
kundi lipunang walang naghihirap
pagkat ginhawa na'y danas nang ganap

kaibigan, maaari ba nating
sabay-sabay na ito'y pangarapin
ang pagsasamantala'y gagapiin
at lipunang may hustisya'y kakamtin

kaya ipaglaban nating totoo
maitayo'y lipunang makatao
may pagkakapantay-pantay ang tao
at walang sinumang api sa mundo

- gregoriovbituinjr.
09.26.2024

Tuesday, September 24, 2024

Dalawang magkaibang aklat, iisa ang pabalat

DALAWANG MAGKAIBANG AKLAT, IISA ANG PABALAT
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong Manila International Book Fair 2024, sa SMX, ay nakabili ako ng dalawang magkaparehong aklat, sa booth ng UP Press, ngunit magkaiba ng Volume. Ang unang aklat ay The Achieve of, the Mastery, Filipino Poetry and Verse from English, mid-'90s to 2016; The Sequel to A Habit of Shores, Volume I, at ang ikalawang aklat ay may gayon ding pamagat, ngunit Volume II. Pareho itong inedit nina national artist for literature Gemino H. Abad at Mookie Katigbak-Lacuesta.

Noong araw na iyon ay nakabili ako ng 15 aklat, na halos pampanitikan lahat. Ang pito ay tigtitrenta pesos, at limang tigpi-P59. Kaya marahil ay di ko napansin na may magkaparehong aklat, na mabigat din nang binuhat kong lahat. Kaya ang nabanggit kong dalawang aklat sa itaas ay hindi ko napunang nabili ko pala pareho. Akala ko nga ay parehong libro ang nabili ko, kaya labis akong nanghihinayang. Subalit sa pagsusuri ay nakita kong magkaiba pala, ang isa ay Volume I at ang isa ay Volume II. Buti na lang.

Ang Volume I, na hanggang pahina 430, ay nagkakahalaga ng P100 at ang Volume II, na hanggang pahina 440, ay P59 lamang. Sa nilalaman, magkapareho rin mula pahina xvii - Acknowledgements, at mula pahina xix hanggang xxxiv - General Introduction: The Achieve of, the Mastery. Sa bandang dulong kabanata ng aklat ay magkapareho rin ang nilalaman ng Poets' Bio-Notes and Sources of Poems, na binubuo ng 68 pahina.

Pareho rin ang disenyo ng pabalat, kaya akala ko'y parehong aklat. Napatanong ako sa aking sarili: Bakit hindi man lang pinag-iba ang disenyo ng pabalat ng Volume I at Volume II? Wala na bang ibang naisip na disenyo ang nag-layout nito? Dapat ay pinag-iba nila ang disenyo ng pabalat upang hindi makalito, at hindi hahanapin kung anong volume ba ito.

Subalit mula pahina 1 ay nagkaiba na ang nilalaman. Sa Volume I ay nalathala ang mga tula ng dalawang national artist for literature ng bansa - sina Edith Tiempo at Cirilo F. Bautista. Magkaiba naman ng volume ang mag-amang Mario at Maningning Miclat. Kasama naman sa Volume II ang anim na tula ng editor ng nasabing aklat na si Mookie Katigbak-Lacuesta.

Animnapu't pitong makata ang bumubuo ng Volume I, habang pitumpu't apat na makata naman ang nasa Volume II. Bale isandaan at apatnapu't isang makata lahat. Binilang ko rin ang talambuhay ng bawat makata sa dulo ng aklat, at 141 din silang lahat.

Sa ngayon, nais kong namnamin muna ang mga kathang tula sa Ingles ng mga makatang Pinoy na nasa aklat. At kumatha ng munting tula sa usaping naisiwalat.

DALAWANG MAGKAIBANG AKLAT, IISA ANG PABALAT

pag-uwi ng bahay, ako'y sadyang nagulat
akala ko, nabili ko'y parehong aklat
pagkat pareho ang disenyo ng pabalat
panghihinayang sa puso ko'y umakibat

hanggang sa masuri kong magkaiba pala
ang dalawang libro, at Volume I ang una
magkasingkapal, Volume II naman ang isa
buti na lang, tingin ko'y pareho talaga

pareho rin ang una't huling kabanata
ngunit ang nilalaman ay nag-ibang sadya
katipunan ng tula ng mga makata
katasin mo't may libog, danas, luha't tuwa

bawat tulang narito'y nais kong manamnam
kung alin ang matamis, maalat, maanghang
dapat lang nating maunawa't malasahan
ang dagta't gata ng kanilang panulaan

06.24.2024

Palasiwi

PALASIWI

palasiwi pala pag sinalin sa ating wika
ang upong cross-legged o nakasalampak sa lupa
at magkakurus ang paa sa harap, tingnan mo nga
yaong larawang ipinaliwanag ng patula

nabasa sa UP Diksiyonaryong Filipino
na may sarili pala tayong salitang ganito
na dapat ay gawin nating popular na totoo
upang bagong henerasyon ay magamit din ito

madalas palasiwi akong umupo sa bahay
imbes na sa silya, nakasalampak akong husay
sa sahig, habang sa dulang ay nagtitipang tunay
sa kompyuter habang patuloy pa ring nagninilay

sa mga pagtitipon sa labas na nadaluhan
minsan palasiwi kaming uupo sa damuhan
doon ay magbabahaginan ng nasa isipan
na madalas mauwi sa tawanan at kwentuhan

- gregoriovbituinjr.
09.24.2024

* palasiwi - mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.891
* litrato ng palasiwi mula sa google

Monday, September 23, 2024

Papogi lang ang mga trapo

PAPOGI LANG ANG MGA TRAPO

ibinulgar ng Mambubulgar ang katotohanan
na ibinotong mga artista'y papogi lamang
na di makapagserbisyo ng matino sa bayan
ika nga ng sambayanan, sila'y hanggang porma lang

marami nga raw namamatay sa akala, di ba?
akala ng masa, gaganda na ang buhay nila
dahil binoto'y idolo nilang bida't artista
ngayon, tanong niya: "Ba't puro papogi lang sila?"

pinakitang nagdarasal ang masa sa litrato
na sinisisi'y mga artistang kanyang idolo
sumagot naman ang langit sa mahirap na ito:
"Iyan ang napapala ng bobotanteng tulad mo!"

walang pinag-iba sa dinastiyang pulitikal
na ilang henerasyon nang naupo nang kaytagal
na lugar ay hinahawakan ng kamay na bakal
subalit pag-unlad ng buhay ng masa'y kaybagal

tama na ang pamumuno ng mga naghahari
palitan na ang bulok na sistema, hari't pari
dapat tayong magkaisa sa diwang makauri
ilagay sa posisyon ay atin namang kauri

- gregoriovbituinjr.
09.23.2024

* komiks mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 23, 2024, pahina 4

Pera ng bayan

PERA NG BAYAN

paano ba dapat gamitin ang pera ng bayan?
dapat batid iyan ng sinumang nanunungkulan
dahil sila'y halal, ibinoto ng taumbayan
dapat sa kapakanang pangmasa ang katapatan

perang di dapat magamit sa sariling interes
kundi sa kapakanan ng maraming nagtitiis
sa hirap dahil sa kapritso ng kuhila't burgis
na katiwaliang ginawa'y makailang beses

dapat pera ng bayan ay gamitin sa serbisyo
ngunit di sa kapakanan ng tusong pulitiko
di para sa dinastiyang pulitikal at trapo
at lalo na, serbisyo'y di dapat ninenegosyo

kayraming corrupt na pera ng bayan ay inumit
iba'y ginagamit upang sila'y iboto ulit
dapat batid nilang iulat paano nagamit
ang pera ng bayan, gaano man iyon kaliit

ah, wala tayong kakampihan sa sinumang paksyon
ng naghaharing uri, kampon man niya o niyon
maging tapat lang ang halal sa sinumpaang misyon
ay makatitiyak ng suporta sinuman iyon

- gregoriovbituinjr.
09.23.2024

* ulat at litrato mula sa People's Journal Tonight, Setyembre 23, 2024

Lovely Inan, naka-2 ginto sa World Weightlifting

LOVELY INAN, NAKA-2 GINTO SA WORLD WEIGHTLIFTING

tulad ni Caloy Yulo, nakadalawang ginto rin
si Lovely Inan sa sinalihan niyang weightlifting
ayon sa ulat, nauna si Angeline Colonia
na makakuha rin ng dalawang gintong medalya

animo'y sinusundan nila ang nagawang bakas
ng Olympic gold medalist na si Hidylin Diaz
aba'y nahaharap sa magandang kinabukasan
ang ating mga Olympian sa nasabing larangan

Lovely Inan at Angeline Colonia, pagpupugay
sa napili ninyong larangan ay magpakahusay
sa mga bagong dugo'y tunay kayong inspirasyon
kapuri-puring binuhat ninyo ang ating nasyon

maraming salamat sa inyong inambag sa bansa
kayo'y magagaling at tunay na kahanga-hanga

- gregoriovbituinjr.
09.23.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 23, 2024, pahina 12

Sunday, September 22, 2024

Tao ka ba?

TAO KA BA?

aba'y nagtatanong sa atin ang internet
o ang A.I. o artificial intelligence
beripikahin: "Are you human?", "Tao ka ba?"
upang mabatid na tao ka nga talaga

tinanong ba'y ang di kayang gawin ng A.I.?
o kung tao ka, dapat mayroong patunay?
may beripikasyon "to fight spam and abuse,
please verify you are human", gawin nang lubos

batid ba natin kung kompyuter ang kausap
o tao rin tulad natin yaong kaharap
na tulad sa messenger o pag nag-zoom meeting
gamit ang teknolohiyang dapat alamin

kailangan daw ang human verification
upang matuloy ang nakabinbin mong layon
tanong: "Tao ka ba?", walang paligoy-ligoy
sagutin mong "Yes" upang makapagpatuloy

- gregoriovbituinjr.
09.22.2024

* litrato mula sa isang app

Pusang kumakain ng halaman

PUSANG KUMAKAIN NG HALAMAN

nabidyuhan ni misis si alaga
naroong kumakain ng halaman
buti't nakunan niya iyong sadya
na di ko naman natitiyempuhan

iyon pala ang kanyang kinakain
pag gutom at wala kami sa bahay
pag nasa labas at di mapakain
ang pusa, nginangata yaong uhay

o tanim na tanglad o damong ligaw
na basta na lang tumubo sa paso
na para kay alaga'y nakatighaw
ng uhaw, gutom, sakit, o siphayo

ah, batid ng pusa ang kalikasan
at ang pagkain ng halamang gamot
na pag siya'y aming napabayaan
ay kanyang batid kung saan susuot

- gregoriovbituinjr.
09.22.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/uLqc8i91ZM/ 

Saturday, September 21, 2024

Salin ng First Quarter Storm: Unang Sigwa ng Sangkapat o Sigwa ng Unang Sangkapat?

SALIN NG FIRST QUARTER STORM: UNANG SIGWA NG SANGKAPAT O SIGWA NG UNANG SANGKAPAT?
Munting pagninilay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong ikalimampu't dalawang anibersaryo ng batas militar ay dumalo ang inyong lingkod sa paggunita sa araw na ito sa isang aktibidad sa Bantayog ng mga Bayani. May aktibidad sa awditoryum na puno ng maraming tao.

Mataman akong nakinig sa mga nagsalita. Narinig ko sa isang tagapagsalita ang "Unang Sigwa ng Sangkapat" na siyang pagkakasalin o translasyon umano ng First Quarter Storm. Dalawang beses niya itong inulit, at isinulat ko agad ito sa munti kong kwaderno. Bakasakaling magamit ko sa sanaysay, tula at iba pang sulatin.

Subalit napaisip din ako. "Unang Sigwa ng Sangkapat" nga ba ang totoong salin ng First Quarter Storm? O baka naman Sigwa ng Unang Sangkapat, na siya kong palagay. Bakit kamo?

Sa "Unang Sigwa ng Sangkapat", ang noun o pangngalan ay Sangkapat o Quarter. Kung gayon, ang "Unang Sigwa" ang adjective o pang-uri.

Subalit pag ating sinuri ang pariralang First Quarter Storm, ang pangngalan o noun sa First Quarter Storm ay Storm, hindi Quarter. Kumbaga iyon ang pinakapaksa.

Anong klaseng storm iyon? First Quarter. Kaya ang First Quarter ang pang-uri o adjective ng Storm. Kaya dapat munang isalin ang First Quarter o Unang Sangkapat. 

Sa First Quarter naman, ang noun ay Quarter at ang adjective ay First.

Pag isinalin sa Ingles ang "Unang Sigwa ng Sangkapat" ay First Storm of Quarter, dahil ang Unang Sigwa ay First Storm.

Pag isinalin sa Filipino ang First Quarter ay Unang Sangkapat. Samakatuwid, ang salin ng First Quarter Storm ay Sigwa ng Unang Sangkapat, kung pagbabatayan ang balarilang Filipino. Hindi Unang Sangkapat Sigwa, lalong hindi rin Unang Sigwa ng Sangkapat.

ANG SALIN NG FQS

Sigwa ng Unang Sangkapat ang tamang salin
ng First Quarter Storm, salin para sa akin
kaya nga hindi Unang Sigwa ng Sangkapat
dahil First Storm of Quarter ang masisipat

tingnan natin ang pagkakapwesto ng Storm
makikitang siya'y noun o pangngalan doon
habang First Quarter ay adjective o pang-uri
ng Storm, pag iyong sinipat at sinuri

kung may nagkamali man ay maitatama
lalo't salin ng First Storm ay Unang Sigwa
sa pwestuhan, adjective ang First, noun ang Quarter
at Unang Sangkapat ang salin ng First Quarter

tagapagsalita'y buong nirerespeto
subalit sana'y matanggap ang pagwawasto
paumanhin, sana'y di ako nakasakit
ng damdamin, ngunit wastong salin ay giit

09.21.2024

Maibabalik nga ba ang kahapon?

MAIBABALIK NGA BA ANG KAHAPON?

may dalawang kahulugan ang katanungang iyon
umaasang maibabalik pa ang dating buhay
o huwag nang ibalik ang mga nangyari noon
kung saan panahong iyon ay kayraming namatay

ibalik ang dati na ang mga mahal sa buhay
ay di pa nabiktima ng buhong na diktadura
upang di natin dinaranas ang kaytinding lumbay
may desaparesido at bulok pa ang sistema

"Batas Militar, Parang Pamilyar", iyan ang tema
ng paggunita sa naganap na marsyalo noon
"Bagong Lipunan, Bagong Pilipinas", anong iba?
kaya "Never Again, Never Forget" ay ating misyon

huwag na nating ibalik ang kahapong kaytindi
na mismong diktadura'y halimaw sa mamamayan
nabiktima't humihiyaw ng hustisya'y kayrami
sapilitang iwinala'y di pa natatagpuan

ibabalik ba ang kahapong walang diktadura?
bakasakaling buhay pa ang ating minamahal...
"Never Again, Never Forget", halina't magkaisa
nangyari noon ay paghanguan natin ng aral

- gregoriovbituinjr.
09.21.2024

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa paggunita sa ikalimampu't dalawang anibersaryo ng batas militar, sa pangunguna ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), sa Bantayog ng mga Bayani, Setyembre 21, 2024
* inawit ng Soulful Band ang awiting Pana-Panahon ni Noel Cabangon, at sumabay naman sa pag-awit ang mga dumalo sa pagtitipon
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/uKuFUPiNZ6/ 

Paglutang ng saksi

PAGLUTANG NG SAKSI

sa komiks na Bugoy ni Mang Nilo
sa dyaryong P.M. mababasa mo
ang usapan ng dalawang pulis
hinggil sa paglutang daw ng witness

tanong: nahan ang witness sa krimen
sabi mo, lumutang na ang witness
sagot sa kanya'y ikauuntog
lumutang na ang saksi... sa ilog

nabiktima ng 'salvage' ang saksi
biktima ng sinumang salbahe
komiks iyon na dapat patawa
nabanggit ay kawalang hustisya

ang pinaslang na saksi sa krimen
na sa korte marahil aamin
ngunit saksi'y inunahang sadya
ng mga salbaheng gumagala

akala mo'y tatawa ka sa joke?
binunyag pala'y gawaing bugok
may malagim na katotohanang
ang hinihiyaw ay katarungan

- gregoriovbituinjr.
09.21.2024

* komiks mula sa pahayagang Pang-Masa, Setyembre 20, 2024, pahina 7

Level 69 - parehong kulay ng ruskas

LEVEL 69 - PAREHONG KULAY NG RUSKAS

dapat na ating mapag-ugnay
ang magkakaparehong kulay 
ng ruskas sa bawat turnilyo
kung laro'y nais ipanalo

kulay kasi'y magkakaiba
may asul, lunti, lila, pula
payak lang ang alituntunin:
magkakulay ay pagtabihin

app itong dinawnlod kong sadya
nang maehersisyo ang diwa
pag pahinga lang nilalaro
nang mawala ang pagkahapo

turnilyo't ruskas ay mag-partner
kaya walang sinumang ander
larong ito'y kalugod-lugod
tila kinakatha'y taludtod

- gregoriovbituinjr.
09.21.2024

* litrato mula sa app game na NutsSorter

Wednesday, September 18, 2024

Ngiyaw

NGIYAW


ngiyaw ng ngiyaw si alaga

musikang ikinatutuwa

sa aki'y humihingi kaya?

pagkat gutom na't walang daga?


kay-ingay niya buong gabi

ako naman ay nawiwili

ngunit siya'y may sinasabi

ano kayang kanyang mensahe?


mamaya kaya ay uulan?

parang ipis na naglabasan?

o baka iyon ang paraan?

nang siya'y pansinin ko naman?


ngiyaw ay paglalambing niya

upang alagaan ko siya

sige, ngumiyaw ka lang muna

pagkain mo'y ihahanda na


- gregoriovbituinjr.

09.18.2024

* mapapoanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/uHKb6XVUZp/  

Monday, September 16, 2024

Daniel Quizon, bagong Chess Grandmaster ng Pilipinas

DANIEL QUIZON, BAGONG CHESS GRANDMASTER NG PILIPINAS

si Chess International Master (I.M.) Daniel Quizon
ang panglabingwalong Chess Grandmaster ng ating bansa
nang two-thousand five hundred ELO rating ay maabot
at nakuha ang kailangang tatlong grandmaster norm

dalawampung anyos pa lamang nang maging grandmaster
nang si G.M. Efimov ay pinisak ng woodpusher
na Pinoy, doon sa FIDE Chess Olympiad sa Budapest
sa bansang Hungary, pinakitang Pinoy ang Da Best

sa AQ Prime ASEAN Chess Championship ang unang norm
sa Eastern Asia Chess Championship ang ikalawang norm
sa Hanoi Grandmasters Chess Tournament ang ikatlong norm
nakamit niya ang pinapangarap niya't misyon

sa bagong Pinoy Chess Grandmaster, kami'y nagpupugay
karangalan ka ng bansa sa kahusayang taglay
magpatuloy ka't kamtin ang marami pang tagumpay
sa iyo, Grandmaster Quizon, mabuhay ka! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
09.16.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar at pahayagang Abante, Setyembre 16, 2024
.
.
.
TALAAN NG MGA FILIPINO CHESS GRANDMASTERS:

1st Grandmaster - Eugene Torre
2nd Grandmaster - Rosendo Carreon Balinas Jr.
3rd Grandmaster - Rogelio "Joey" Antonio Jr.
4th Grandmaster - Buenaventura "Bong" M. Villamayor
5th Grandmaster - Nelson I. Mariano III
6th Grandmaster - Mark C. Paragua
7th Grandmaster - Darwin Laylo
8th Grandmaster - Jayson Gonzales
9th Grandmaster - Wesley Barbasa So
10th Grandmaster - John Paul Gomez
11th Grandmaster - Joseph Sanchez
12th Grandmaster - Rogelio Barcenilla
13th Grandmaster - Roland Salvador
14th Grandmaster - Julio Catalino Sadorra
15th Grandmaster - Oliver Barbosa
16th Grandmaster - Richard Bitoon
17th Grandmaster - Enrico Sevillano
18th Grandmaster - Daniel Quizon

Janelle Mae Frayna - Unang Woman Grandmaster ng bansa

Reyes Cup sa World Billiard, ipinangalan kay Efren "Bata" Reyes

REYES CUP SA WORLD BILLIARD, IPINANGALAN KAY EFREN "BATA" REYES

Team Asia versus Team Europe sa kauna-unahang Reyes Cup
na pandaigdigang tunggalian ng magagaling sa bilyar
ipinangalan kay Efren "Bata" Reyes, ang Greatest Of All Time
o GOAT, tinaguriang "The Magician" sa buong mundo'y sikat

ang unang Reyes Cup ay gaganapin sa Oktubre sa bansa
na paligsahan ng mga iniidolo't kahanga-kanga
sa Ninoy Aquino Stadium ay magpapagalingang sadya
ang mga cue artist ng Asya at Europa ay magbabangga

ang format ng Reyes Cup ay tulad ng Mosconi Cup umano
apat na araw, dalawang elite team ang talagang sasargo
unang Reyes Cup ay dapat pagwagian ng mga Asyano
lalo't pinangalan kay Efren Reyes ang paligsahang ito

ang team captain ng Team Europe ay ang cue artist na si Karl Boyes
ang team captain naman ng Team Asia ay si Efren "Bata" Reyes
sinong mas magaling tumumbok, ang madiskarte at mas wais
halina't abangan natin ang Team Asia laban sa Europe's best

- gregoriovbituinjr.
09.16.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, Setyembre 15, 2024, p.12

Pinoy cue artist 'Bad Koi' Chua, Kampyon sa World 9-Ball Tour

PINOY CUE ARTIST 'BAD KOI' CHUA, KAMPYON SA WORLD 9-BALL TOUR

Congratulations kay Johann Chua
nang sa bilyar ay tinalo niya
ang Taiwanese, iskor, 13-1 pa
noong Biyernes sa Shanghai, China

sinundan sina Rubilen Amit
at Carlo Biado sa nakamit
na tagumpay at bansa'y binitbit
kasaysaya'y kanilang inukit

tatlong Pinoy world champion sa 9-ball
ngayong taon ng twenty-twenty four
sino pang sa kanila'y hahabol?
streak bang ito'y sinong puputol?

pagpupugay, mabuhay ka, Bad Koi
ang tagumpay mo'y ipagpatuloy

- gregoriovbituinjr.
09.16.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 15, 2024, p.12

Sunday, September 15, 2024

Ayaw kumain sa plato

AYAW KUMAIN SA PLATO

nilagay ko na nga sa plato ang kanyang pagkain
ilalabas pa sa plato't sa sahig kakainin
kaya nga may plato upang doon siya kumain
subalit di sanay magplato ang alaga namin

ganyan din ang ibang pusang dumadalaw sa bahay
para bang sanay silang pagkain ay tinatangay
kaya ba ayaw nilang magplato, di sila sanay
dahil pagkain, hinahagis lang ng kapitbahay

buti't marunong manghingi itong aming alaga
ngiyaw lang ng ngiyaw at mangangalabit sa hita
babahaginan ko na siya ng tira sa isda

ganyan lamang ang pamumuhay namin sa tahanan
animo'y pasko, punong-puno ng pagbibigayan
ang mahalaga'y nakakaalpas sa kagutuman

- gregoriovbituinjr.
09.15.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/uCEBIcZtNm/ 

Astang Diyos?

ASTANG DIYOS?

pag mga batang babae ay kanya raw ginalaw
ay di siya kundi Diyos sa kanila'y gumalaw
nagbabanta ang "angel of death" pag sila'y tumutol
ang gawaing ganito'y paano ba mapuputol?

kaytinding sinabi ni Senadora Hontiveros
sa suspek na panginoon, "Huwag kang astang Diyos!"
dahil krimen ng pastor ay krimen sa sambayanan
"People of the Philippines versus" suspek na pangalan

paano ba lalabanan ang "appointed son of God"
lalo na't kayrami pa nitong kabig at alagad
sana'y mapatunayan ang mga krimen ng suspek
mabigyang hustisya ang kinulapulan ng putik

pati ba Diyos ay ginagamit sa panghahalay?
ng mga batang babaeng walang kamalay-malay
ang mag-astang Diyos sa bayan ay talagang dagok
sa krimeng gawa sa kulungan ay dapat mapasok

- gregoriovbituinjr.
09.15.2024

* ulat at litrato mula sa pahayagang Abante, Setyembre 15, 2024, headline at pahina 2

Masayang laro sa app

MASAYANG LARO SA APP

nakakatuwa ang larong iyon
na kakayahan mo'y hinahamon
sa app game na BlockPuz na ang layon
ay buuin ang larawan doon

iiskoran nila ang I.Q. mo
di mo alam kung ito'y totoo
basta maglaro lang tayo nito
kahit may iskor o wala ito

sa pagsagot na lang ay matuwa
pinakapahinga nitong diwa
matapos ang maghapong paggawa
BlockPuz ay laruin nating sadya

ang iskor ay pakunswelo na lang
na I.Q. daw ay kaytaas naman
laro lang ito at di dibdiban
ang mahalaga'y nasisiyahan

- gregoriovbituinjr.
09.15.2024

Saturday, September 14, 2024

Sa ikatatlumpu't isang anibersaryo ng BMP

SA IKA-31 ANIBERSARYO NG BMP

bumabating taospuso't taas-kamao
sa ikatatlumpu't isang anibersaryo
ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino
tuloy ang laban, kasama, mabuhay kayo!

magpatuloy tayo sa misyon at adhika
na pagkaisahin ang uring manggagawa
kumikilos tayo sa layuning dakila
na bulok na sistema'y wakasan nang sadya

pangarap na sistema'y walang hari't pari
walang tusong kapitalista't naghahari
di na iiral ang pribadong pag-aari
na dahilan ng pagkaapi nitong uri

sulong, itayo ang sosyalistang lipunan
na walang elitista't burgesyang gahaman
lipunang walang pinagsasamantalahan
at umiiral sa bansa ang katarungan

- gregoriovbituinjr.
09.14.2024

Paggamit ng gitling

PAGGAMIT NG GITLING

sa Pahalang Dalawampu't Pito
katanungan doon ay "Nagsolo"
lumabas na sagot ko'y "NAGISA"
na kung ito'y may gitling: "NAG-ISA"

NAG-ISA'y wastong sagot sa tanong
di NAGISA ang nagsolong iyon
di masulat sa krosword ang gitling
ngunit halaga nito'y isipin

iba ang NAGISA sa NAG-ISA
pagkat kahuluga'y magkaiba
tulad ng MAYARI at MAY-ARI
gitling ay iisiping palagi

pagnilayan ang gamit ng gitling
pagkat salita'y nagbabago rin
lagyan ng gitling pag kailangan
upang umayos ang kahulugan

- gregoriovbituinjr.
09.14.2024

- krosword mula sa pahayagang Abante TONITE, Setyembre 11, 2024, pahina 7

Friday, September 13, 2024

Pagbaka sa kaplastikan

PAGBAKA SA KAPLASTIKAN

tadtad ng plastik sa basurahan
sa kalupaan, sa karagatan
ngunit tadtad din ng kaplastikan
sa pulitika't pamahalaan

kinain ng isda'y microplastic
na sa tiyan nila'y sumisiksik
mata kaya natin ay tumirik
pag kinain ang isdang may plastik?

kayraming kaplastikan sa mundo
na di pa malutas ng gobyerno
kayraming plastik na trapo't tuso
plastik ba ang lilipol sa tao?

tara nang maghanap ng solusyon
sa kaplastikan ba'y anong tugon?

- gregoriovbituinjr.
09.13.2024

Thursday, September 12, 2024

'Mambubudol'

'MAMBUBUDOL'

kaytindi ng sinabi / o ito na'y paratang?
'mambubudol' daw siya, / sabi ng mambabatas
na umano sa kapwa'y / talagang mapanlamang
ang mambubudol kasi / ay di pumaparehas

balbal iyong salita / sa gawang panloloko
o kapwa'y dinadaya / ng may tusong hangarin
parang budol-budol gang / na isang sindikato
kapwa'y pagkaperahan / ang kanilang layunin

iba ang budol-budol / doon sa akyat-bahay
dahil harap-harapan / ang panlilinlang nila
biktima'y walang tutol / na pera'y binibigay
sa mga nambobolang / di talaga kilala 

ngunit kung isang tao'y / tawaging 'mambubudol'
kahit sa pulitika, / dignidad na'y nasira
krimen iyong kumpara / sa hayop ay masahol
sariling pagkatao'y / sadyang kasumpa-sumpa

- gregoriovbituinjr.
09.12.2024

* ulat at litrato mula sa headline at pahina 2 ng pahayagang People's Journal Tonight, Setyembre 11, 2024

Parehong disenyo ng tatlong krosword

PAREHONG DISENYO NG TATLONG KROSWORD

pareho ang disenyo sa palaisipan
sa tatlong krosword sa dalawang dyaryo naman
pareho ring petsa, tanong ay nag-iba lang

ibig lang sabihin, maaaring gamitin
ang parehong disenyo kahit di mo pansin
mga katanungan lang doon ay baguhin

lalo pa't araw-araw ang krosword sa dyaryo
di lang tanda kung nasagot mo ba'y pareho
iba't ibang tanong sa parehong disenyo

paglikha ng krosword ay subukan ko kaya
ang dalawampung disenyo'y sapat nang sadya
upang makapaglibang din ako't ang madla

wikang Filipino pa'y naitataguyod
habang saliksik na salita'y hinahagod
dagdag-kita rin kahit maliit ang sahod

- gregoriovbituinjr.
09.12.2024

* ikalawa at ikatlong krosword sa pahayagang ABANTE, Setyembre 7, 2024, p.7
* ikalawang krosword mula sa pahayagang Abante TONITE, Setyembre 7, 2024, p.7

Wednesday, September 11, 2024

P30 na aklat sa Manila International Book Fair

P30 NA AKLAT SA MANILA INTERNATIONAL BOOK FAIR
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Trenta pesos na libro? Ows? Hindi nga? Baka naman kung ano lang ang librong iyan kaya mura? Hindi. Sa katunayan, mga aklat pampanitikan ang mga nabili kong iyon. Aklat pampanitikang bagay sa mga makata't manunulat tulad ko.

Unang araw pa lang ng taunang Manila International Book Fair ay agad na akong nagpunta. Aba'y hindi maaaring hindi ko man lang masilip ang taunang okasyong iyon. Inikot ko muna ang venue kung saan may iba't ibang booth ang mga publishing house. Sa unang palapag, pinuntahan ko ang Fully Booked, National Book Store, Ateneo de Manila University Press, UST Publishing House, at marami pa. Hanggang makita ko ang UP Press na pinagkakaguluhan ng mga tao. 

Doon ako sa UP Press nakabili ng tigtetrenta pesos na mga aklat. Nakabili ako roon ng labinlimang libro, na ang pito rito ay nagkakahalaga ng trenta pesos lang, habang limang tig-P59 bawat isa, dalawang tig-P100, at isang P200. Subalit kaygaganda ng pamagat at nilalaman, dahil pampanitikan. Sa pagtalakay lalo na sa bilang ng pahina, pinagsama ko na ang roman numerals at hindu-arabic numerals ng pahina.

Isa-isahin natin ang pitong aklat na tig-P30.

1. Oda sa Kaldero at iba pang tula, ni Roberto "Abet' Umil. Isa siyang propesor sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa. Huli kaming nagkita at nagkausap ni Abet ay nang magkasama kami sa Layag: Forum sa Pagsasalin sa University of Asia and the Pacific noong Mayo 18, 2024, 188 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 1/4".

2. A Literary Journey with Gilda Cordero-Fernando, ni Sylvia Mendez Ventura. Kilalang manunulat sa panitikan si Ms. Fernando, lalo na sa fiction at sa creative non-fiction, 178 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 1/4".

3. Hairtrigger Loves: 50 Poems on Woemen, ni Alfred "Krip" Yuson, 94 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 1/4".

4. 1998 Ang Aklat Likhaan ng Tula at Maikling Kwento. Mga Editor ay sina Aurelio S. Agcaoili at Jose "Pete' Lacaba, 274 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 1/2".

5. Galing Cine Cafe, na mga koleksyon ng tula ni Nestor De Guzman, 84 pahina, may sukat na 8" x 5" at kapal na 1/4".

6. Growing into Asia and Other Essays, ni Susan P. Evangelista, 114 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 1/4".

7. Huwaran/Hulmahan atbp. The Film Writings of Johven Velasco, 270 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 3/4".

Narito naman ang tig-P59:

1. In the name of the Mother: 100 Years of Philippine Feminist Poetry, ni Lilia Quindoza Hidalgo, 400 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 7/8".

2. Our Scene so Far, Filipino Poetry in English, 1905 to 1955, na editor nito'y si National Artist for Literature Gemino H. Abad, 246 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 1/2".

3. Salvador / Javier, at iba pang dula, ni Lito Casaje, 262 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 3/4".

4. The Words and Other Poems, ni Francis M. Macasantos, 174 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 3/8".

5. The Achieve of, The Mastery, Filipino Poetry and Verse from English, mid-'90s to 2016, The Sequel to a Habit of Shores, Volume II, edited by Gemino H. Abad and Mookie Katigbak-Lacuesta, 474 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 1".

Narito naman ang dalawang aklat na nagkakahalagang P100.

1. The Achieve of, The Mastery, Filipino Poetry and Verse from English, mid-'90s to 2016, The Sequel to a Habit of Shores, Volume I, edited by Gemino H. Abad and Mookie Katigbak-Lacuesta, 464 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 7/8".

2. Balagen, Edukasyong Pangkapayapaan at Panitikang Pambata, ni Rosario Torres-Yu, 220 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 1/2".

At ang panghuli, na tig-P200, ay: Underground Spirit, Philippine Short Stories in English, 1973 to 1989, Volume 1 (1973-1982), Edited by Gemino H. Abad, 684 pages, may sukat na 9" x 6" at kapal na 1.5".

Pawang mga aklat-pampanitikan. Kapansin-pansin na apat sa mga librong ito ay si National Artist for Literature Gemino H. Abad ang editor, na tatlo ay hinggil sa koleksyon ng mga tula sa Ingles at isa'y koleksyon ng maikling kwento sa Ingles. Anim na aklat naman ang pawang tula ng isang makata. Kaya bale sampung aklat ng mga tula ang aking nabili.

Isa naman ang koleksyon ng mga dula o drama. At apat ang pawang mga sanaysay-pampanitikan.

Dala-dala ko ang mga librong iyon kahit sa ikalawang palapag ng SMX kung saan pinuntahan ko ang iba't ibang booth, tulad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Subalit wala na akong nabili rito.

Nakabili ako ng labinlimang aklat-pampanitikan sa unang araw, at nais ko pa ring bumalik sa huling araw ng Manila International Book Fair upang bakasakaling madagdagan ang mga aklat-pampanitikan ko sakaling hindi pa ubos ang mga murang aklat sa UP Press. Nais ko pa rin kasing makumpleto ang koleksyon ko ng Aklat Likhaan ng Tula at Maikling Kwento, na ang meron lang ako'y ang taon 1998. Baka 'yung 1996, 1997, 1999, at iba pa ay akin ding mabili.

Subalit dapat lang may dala kang salapi para rito. Sa ngayon, pag-iipunan ko naman ang Manila International Book Fair sa susunod na taon.

TRENTA PESOS NA AKLAT SA MIBF

nabili ko'y pitong aklat pampanitikan
na presyo ng bawat isa'y trenta pesos lang
doon sa Manila International Book Fair
sa unang araw nito, sa booth ng UP Press

bagamat mura, piling-pili ko talaga
ang mga aklat na talagang pambihira
may kaugnayan sa tula ay sampung libro
mayroong sanaysay, dula't maikling kwento

mga librong matagal ko ring babasahin
mga estilo ng makata'y aalamin
paggawa ng aklat ng tula'y haharapin
malathala ang mga ito'y titiyakin

sa Manila International Book Fair, tara
manunulat natin ay bigyan ng suporta
baka matsambahan natin si Rio Alma
sa bago niyang libro'y makapagpapirma

09.11.2024

Lugaw

LUGAW nakasanayan ko nang kumain ng lugaw na pagkain ng pasyente sa pagamutan na pag ayaw ni misis at ako ang bantay lugaw yaong siya ko nam...