KRISIS SA KLIMA AT PANAWAGANG WEALTH TAX
kaytinding epekto ng klima at polusyon
may mga bagyo, bahâ, init ng panahon
nawawasak ang kalikasan, may korapsyon
sa mga flood control projects, di biro iyon
pag-unlad ba pag wasak na ang kalikasan
dahil sa mga coal plants at mga minahan
ang biglaang pagkasunog ng talahiban
apektado'y kalusugan ng mamamayan
sobrang init, sobrang lamig, pabago-bago
ang klima, anong dapat gawin ng gobyerno?
ayuda ba'y sapat ipantulong sa tao?
pa'no kung sa kurakot napunta ang pondo
epekto sa kabuhayan, kaytinding gutom
may gagawin tayong makabuluhan ngayon
palagdaan sa bayan ang ating petisyon
ang "Asian People's Petition for Wealth Taxation"
mga pondong dagdag, sa Wealth Tax dapat kunin
upang ipantulong sa mamamayan natin
sa nasalanta sa kalamidad sa atin
buwisan ang bilyonaryo ang ating hiling
dapat nang buwisan ang mga mayayaman!
"Wealth tax, ngayon na!" ang sigaw ng sambayanan
sama-sama tayong petisyon ay lagdaan
wealth tax na! mga bilyonaryo na'y buwisan
- gregoriovbituinjr.
03.28.2026
* kinathâ at binigkas bilang ulat ng Group 1 (epekto sa nasalanta ng bagyo, bahâ, polusyon, atbp.) sa workshop at talakayan hinggil sa Wealth Tax


No comments:
Post a Comment